Panawagan ng mga Magsasaka at Mamimili sa Golden Rice: HUWAG MAGPATANSO SA PALAY NA GINTO!

April 4, 2018

by MASIPAG National Office

Quezon City – “Huwag magpatanso sa palay na ginto!” Ito ang babala ng halos limang daang mga magsasaka at consumers na kalakhan ay mula pa sa rehiyon ng Bicol, Gitnang Luzon at Timog Katagalugan sa tanggapan ng Departamento ng Agrikultura.

“Nananawagan kami kay Sec Piñol na agad na ibasura ang aplikasyon para itesting ang Golden Rice sa ating mga palayan o ipakain sa ating mga mamamayan, lalo na sa mga bata at kababaihan. Hindi po mga daga ang ating mga kababayan para lamang bigyang-daan ang kagustuhan ng mga dayuhang korporasyon na ibenta ang kanilang GMOs sa ating bansa. Nililihis lamang ng Golden Rice ang panawagan ng mga mamamayan sa pagkamit ng sapat, ligtas at abot-kayang pagkain” ani ni Danilo “Ka Daning” Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), isa sa mga convenor ng RESIST Agrochemical TNCs.

Ang Golden Rice ay isang tipo ng genetically modified organism o GMO na palay na artipisyal na lumilikha ng beta carotene, isang sangkap na nagiging Bitamina A, sa kanyang butil. Pagmamay-ari ito ng dambuhalang agrokemikal na kumpanyang Syngenta (na ngayon ay pagmamay-ari na ng kumpanyang Chemchina). Ang Golden Rice diumano ang solusyon sa kakulangan ng Bitamina A, isang uri ng malnutrisyon na nagdudulot ng pagkabulag o nagpapalala ng mga simpleng sakit na maaaring ikamatay ng sanggol o bata.

Gayunman, malaki ang pangamba ng mga magsasaka at mga consumers sa napipintong ‘approval’ ng aplikasyon ng Golden Rice. Ayon sa Philrice at IRRI, layon ng aplikasyon na itanim Golden Rice sa lantad na lugar (open field) sa Muñoz, Nueva Ecija at San Mateo, Isabela. Gayundin, balak ng nasabing mga ahensya na ipakain ang Golden Rice sa target na mga komunidad upang malaman kung may bisa ang Golden Rice sa pagpapababa ng kaso ng VAD.

Ayon kay Dr Gene Nisperos ng Health Alliance for Democracy, marami pang mga tanong at agam-agam hinggil sa Golden Rice. “Una, ang kakulangan ba sa Vitamin A ay nangangailangan ng bago at mahal na solusyon, samantalang marami nang mura at subok na paraan upang sugpuin ito? Ikalawa, kung ang Golden Rice ang sinasabing panlaban sa Vitamin A deficiency, ang Golden Rice ba ay isang pagkain o isang gamot?”

Nagbabala din si Dr Nisperos sa planong pagpapakain ng Golden Rice. Dahil Vitamin A Deficiency ang nais sugpuin, ang magiging target ng mga feeding trials ay mga bata at mga buntis, na siyang mga grupong bulnerable sa Vitamin A Deficiency. Maaaring humantong ito sa mga problemang gaya ng kinakaharap ng bansa sa Dengvaxia, kung saan daan libong mga bata ang tinurukan bagaman hindi pa tapos ang safety trial ng nasabing bakuna.

“Sa huling dayalogo kaharap ang mga taga-Philrice at DA, walang malinaw na sagot ang mga ahensya kung ligtas bang kainin ang Golden Rice.” Ani ni Dr. Nisperos. “Ngayon, bakit pinipilit ng mga ahensiyang ito na itanim na ang Golden Rice samantalang hindi man lang pala sigurado kung ligtas itong kainin?”

Dagdag ni Dr. Romeo Quijano, retiradong propesor sa Kolehiyo ng Medisina, UP Manila: “Marami nang siyentipikong pag-aaral ang nagpakita na maraming masamang epekto ang maaaring idulot ng pagkaing GMO sa kalusugan tulad ng: alergy, ulser, abnormalidad sa bituka, atay, lapay, baga, semilya ng lalaki, dugo, sistemang immune , sekswal, at iba pa. Ang panganib na dala ng mga nauna nang mga pagkaing GMO ay dala-dala rin ng GMO Rice at maaaring mas malala pa sapagka’t mas maraming manipulasyong genetik ang ginawa sa GMO Rice.”

Ayon naman kay Cristino Panerio, national coordinator ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG, maaari mahawaan ng Golden Rice ang mga ating tradisyunal, katutubo at farmer-bred na varieties ng palay. “Malaki ang pagpapahalaga namin sa palay sapagkat ito ang pangunahing pagkain ng mga mamamayang Pilipino. Oras na pakawalan ang Golden Rice sa ating mga palayan, mahirap na itong i-recall sapagkat ito ay mga buhay na nilalang na may kakayanang magparami.”

Sa pag-aaral ng mga siyentista mula sa India, bagsak ang ani ng Golden Rice sapagkat binago nito ang kakayanan ng palay na lumikha ng butil. “Kapag itinanim ang Golden Rice, maaaring maipasa nito ang kanyang katangiang mababang umani sa iba pang palay. Problema na natin pag-aangkat ng palay mula sa ibang bansa, at maaaring dumagdag pa ang Golden Rice sa pagpapababa ng ating produksyon ng palay,” dagdag ni Panerio.

Nangangamba ang mga magsasaka sapagkat nitong taon ay dineklara ng Food Standards Australia New Zealand (FSANZ) at ng Health Canada na diumano ay ligtas Golden Rice sa kalusugan. Ayon sa RESIST Agrochem TNCs, gagamitin ng IRRI at Philrice ang mga nasabing resulta upang mapabilis ang pag-apruba ng DA sa kanilang aplikasyon. Gayunman, naghain mismo ang mga civil society groups sa Australia, New Zealand at Canada ng reklamo hinggil sa nasabing approval.

Itinaon din ang nasabing mobilisasyon sa anibersaryo ng IRRI, bilang simbolo ng pagtutol ng mga magsasaka sa patuloy na pananatili ng nasabing institusyon sa ating bansa. Ayon kay Bert Autor, spokesperson ng SIKWAL-GMO at miyembro ng Kilusang Magbubukid sa Bicol, tanging ang mga malalaking kumpanyang agrokemikal ang nakikinabang sa pananatili ng IRRI sa bansa.
“Panahon na para ipasara ang IRRI sapagkat walang nakinabang dito kundi ang mga malalaking agrokemikal ng mga kumpanya. Kapag na-aprubahan itong Golden Rice, gagawin lamang nitong lehitimo ang pagmamay-ari ng mga kumpanya sa binhi.”

Pinangunahan ng SIKWAL-GMO ang matagumpay na pagbunot ng Golden Rice sa Pili, Camarines Sur noong Agosto 2013 bilang protesta nila sa field testing ng Golden Rice sa kanilang lugar.

Inaasahan ng mga delegado na matapos ang kanilang pagkilos ay haharapin sila ni DA Secretary Piñol. Kasama din sa nasabing dayalogo ang 40 foreign delegates mula sa international conference ng Stop Golden Rice Network na haharap kay Sec Piñol. Karamihan sa nasabing foreign delegates ay mula sa mga bansa sa Asya na maapektuhan ng komersyalisasyon ng Golden Rice gaya ng India, Bangladesh at Indonesia. Gayundin, may mga delegado mula sa bansa sa China, New Zealand at Australia na matindi ding tumututol sa Golden Rice.#

Watch video here.