
Malaki ang epekto ng pandemikong COVID 19 sa kalusugan at kabuhayan sa mamamayang Pilipino. Nang nagsimulang kumalat ang naturang virus ay paparami ang bilang ng ating mga kababayan dinapuan na ng sakit at hindi maawat ang bilang ng mga binabawian ng buhay. Bukod pa rito, hanggang ngayon ay hirap ang mamamayang Pilipino sa pag-alam saan kukuha ng ikabubuhay sa mga susunod na araw.
Inilantad ng ganitong krisis ang malalim na suliranin ng bansa sa agrikultura. Monopolisado at nakaasa sa dayuhang kontrol, at wala sa direksyong pagpapalakas ng lokal na produksyon para sa lokal na pangangailangan. Tumitingkad ang tunay na malaking kalagayan na ang mga nagtatanim ng pagkain ay nakararanas ngayon ng gutom at kahirapan na lalong pinalala ng pandemikong ito at ang ma malabo’t di akmang polisiya ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Hindi tuluyang matitigil ang pagkalat ng pandemiko hanggat hindi binibigyang halaga ng IATF at ng pamahalaan ang mga medikal na solusyon at ekonomikong pangangailangan ng mga mamamayan. Kaalinsabay ng panawagan para sa testing ng mga frontliners at mga Person Under Investigation/Monitoring (PUI/PUM), abot-kayang pagamutan at sapat na badyet sa sektor pagkalusugan, marapat lang na bigyang lunas ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan. Dito papasok ang paniniguradong may sapat na pagkain sa hapag-kainan ng bawat Pilipino.
Kaya naman, nakikiisa ang MASIPAG sa panawagan ng mga mamamayan para sa sapat, ligtas, abot-kamay at abot-kayang pagkain lalo na sa panahon ng matinding krisis na inilantad at pinalala ng pandemikong COVID-19. Naniniwala din ang network ng mga magsasaka, siyentista at mga non government organizations na malaki ang maiaambag, partikular na ang mga mga maliliit na mga magsasaka para mapunan ang pangangailangan ng mga mamamayan kung palalakasin ang likas-kayang pagsasaka, pagpapalakas ng lokal na pamilihan at pagpapatatag ng mga samahang magsasaka.
Ipinakita ng krisis ng COVID 19 ang kahinaan ng kumbensyunal na pagsasakang mahigpit na nakaugnay at nakasandig sa korporasyon, merkado at kapital. Sa gitna ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine (ECQ) na tugon ng pamahalaan upang makontrol ang paglaganap ang COVID 19, mas nauunawaan natin ang kahalagahan ng mga self-reliant communities o mga komunidad na kayang lumikha ng samut-saring pagkain gamit ang mga -rekurso na di na kailangan bilhin pa sa labas ng pamayanan.
Mahalaga ang papel ng mga maliliit na mga magsasaka para tiyakin ang pagkain sa gitna ng krisis. Sa pamamagitan ng likas-kayang pagsasaka gamit ang binhing katutubo at mga pina-unlad na binhi, pinalalakas nila ang agrikulturang umaasa-sa-sarili. Sa pamamagitan din ng pagpapalakas ng lokal na pamilihan, napapanatili nilang abot-kaya ang mga produkto para sa mas maraming mamimili. At dahil lokal ang pagsasapamilihan, napapanatili nilang sariwa bukod pa sa pagiging ligtas sa kemikal na pestisidyo, GMOs at sakit gaya ng African Swine Flu at Bird flu. Dahil prayoridad sa lokal ang pagsasapamilihan ng mga produkto, natitiyak din ng mga magsasaka ang kaseguruhan sa pagkain ng komunidad.
Ang malakas na pangangatawan at malinis na kapaligiran na ibinubunga ng mga programang maka-magsasaka, gaya ng likas kayang pagsasakang itinataguyod ng MASIPAG, ang nagseseguro ng kaligtasan ng mga magsasaka at mamamayan sa anumang krisis sa pangkalusugan gaya ng COVID 19. Ang mataas na antas ng kalusugan ng mga magsasaka at mga kunsumidor ang una at huling depensa ng mamamayan sa sakit lalo na ng mga labis na nakakahawang sakit na Covid-19.
Magiging malaganap lamang ang mga pamamaraang ito kung magkakaroon ng kontrol ang mga magsasaka at mamamayan sa rekurso para makalikha ng pagkain, kabilang ang teknolohiya, lupa, kaalaman at binhi. Sapagkat paano nga naman makapagtatanim, lalo na ang mga mahihirap sa lungsod, kung ang espasyon ay kulang pa para sa kinatitirikang barong barong. Unti-unti ding lumiliit ang lupang sakahan dala ng malawak na land-use conversion at plantasyon. Malaganap din ang kumbensyunal at GM crops na nagpapalala ng problema sa binhi ng mga magsasaka. Ang mga kontra-magsasakang polisiya at programa sa agrikultura ng pamahalaan tulad ng Rice Liberalization Law at pagkalat ng sakit ng mga hayop dala ng liberalisasyon ng agrikutlura, na lalong nagpapalala sa krisis na halos na regular na nadaranasan ng mamamayan.
Bagamat tinuran ng IATF na malayang makakagalaw ang mga magsasaka ay marami pa din ang hirap sa pagbiyahe ng mga produkto ng mga magsasaka papunta sa kamaynilaan at iba pang sentrong bayan. Apektado din ng lockdown ang mismong mga magsasaka na hindi makapunta sa kanilang sakahan, lalo na ang mga manggagawang bukid na umaasa sa arawang kita. Kung bibigyan din lamang ng tamang pansin ang agrikultura at maipagtatagumpay ang programa para sa seguridad sa pagkain, mapipigilan natin ang konsentrasyon ng populasyon sa mga siyudad na lalong nagpapataas ng kanilang bulnerabilidad sa mga nakakahawang sakit.
Dahil net importer din tayo ng produkto at pagkain, malaking problema sakaling magdesisyon ang mga inaangkatang bansa na unahin ang kanilang pangangailangan at ihinto ang eksportasyon. Sa puntong ito marapat lamang na pag-isipan at sa kalaunan ay itigil ang pagpapatupad ng Rice Tarrification Law (RTL) nang sapat ang kitain ng mga magsasaka at maihanda ang kanilang mga bulsa sakaling taaman ang kanilang komunidad ng pandemiko.
Sa kagyat, nanawagan ang MASIPAG na tiyakin ang pagkain ng mamamayan sa pamamagitan ng mas maagap ngunit ligtas na pamamaraan. Handa ang mga magsasaka na isuplay ang pangangailangan ng mga mamamayan kung ipaprayoridad din ang kanilang pangangailangan. Matapos ang problemang hatid ng COVID 19, nanawagan ang MASIPAG na seryosohin ang mga aral para tiyaking sapat, ligtas, abot-kaya at abot-kamay ang pagkain lalo na sa gitna ng sakuna.
Ipinapanawagan din ng MASIPAG na sa kabila ng COVID-19, kailangang buhayin ang pagmamalasakit sa kapwa, pagbabahagian at pagbabayanihan habang iniingatan ang kalusugan ng sarili at komunidad. Mga kaugaliang kailangang upang harapin ang mga krisis na inilantad ng pandemikong COVID-19 at pinalala ng anti-mamamayang mga polisiya.