6-point Food Security Agenda

April 29, 2020

by MASIPAG National Office

Inilantad ng pandemyang Covid 19 ang napakalaking problema sa sistema agrikultura kung saan ang pagkain ay itinatrato bilang kalakal at hindi bilang batayang karapatan ng mga mamamayan. Sa ngayon, malawakang gutom ang nararansan ng milyong Pilipino dahil sa kawalan ng kakayanan ng pangtustos sa pagkain. Pinalala pa ito ng pag-nipis ng suplay mula sa mga kanayunan na nagdudulot ng kakapusan ng pagkain kasabay ng  unti-unting pagmahal ng presyo ng mga produkto.

Sa kabilang banda, halos itapon naman ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto dahil sa malawakang restriksyon sa paggalaw at transportasyon at barat na bentahan ng produkto; dagdag na pagbigat sa nararanasang pagkalugi ng mga magsasaka dulot ng agrikuluturang bugbog sa imported na produkto, malawakang kumbersyon ng lupaing agrikultural at patuloy na kontrol na korporasyon at lokal na kartel mula binhi hanggang pagkain.

Upang mabawasan ang peligro ng higit na mas malaking bilang ng mamamayan na magugutom – kinakailangangan ng agarang pagkilos upang mabawasan ang mga pagkagambala sa kasiguraduhan sa pagkain. Kinakailangang kilalanin at bigyan ng espesyal na papel ang mga magsasaka bilang mga frontliners ng kanayunan; sektor na lumilikha ng pagkain at pagkilala sa batayang karapatan ng mga mamamayan sa pagkain.

Nanawagan ang MASIPAG sa mga sumusunod:

  • Pangalagaan ang kalusugan ng komunidad (Community health protocol)
    • Siguraduhin ang maayos na sistema at pamamaraan upang hindi lumaganap ang sakit sa kanayunan sa pamamagitan ng libreng mass testing sa mga pamayanan ng mga magsasaka at mga indigenous peoples, libreng pamamahagi ng PPEs, bitamina at disinfectant sa mga magsasaka at komunida, at sapat at wastong impormasyon hinggil sa Covid 19 upang mapigilan ang pagkalat nito.
  • Patas at makatarungang ayudang pangekonomya at pang agrikulutra (Fair and just economic relief and agricultural aid)
    • Bago pa man ang Covid 19, biktima na ang mga magsasaka ng pagkalugi at kawalan ng pagkain. Ipinapanawagan sa gayon ang agarang ayuda gaya ng pamamahagi ng relief sa mga pamayanan sa kanayunan. Tiyaking magbebenepisyo ang LAHAT ng mga maliliit na mga magsasaka at kanilang pamilya sa Social Amelioration Program upang maitawid ang kanilang pangangailangan habang hindi pa tinatanggal ang mga lockdowns.
    • Palakasin ang sistema ng produksyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng ankop na ayuda sa mga magsasaka. Kagyat na ibigay ang Php 31-billion na supplemental fund mula sa DA at tiyaking ang mga maliliit na mga magsasaka ang makikinabang sa nasabing pondo.
  • Tiyaking walang kondisyon (unconditional), mabilis at hindi pautang ang ipamamahaging tulong
    • Hind pagmumulan ng pamumulitka o korapsyon
    • Hindi nito itatali ang mga magsasaka sa mga korporasyon at kartel gaya ng hybrid rice, GMOs, kemikal na fertilizers at nakalalasong pestisidyo
    • Magpapalakas sa lokal na produksyon ng pagkain at likas-kayang pagsasaka
    • Itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid at patuloy na benepisyo at sahod ng mga manggagagwang nasa mga plantasyon at hacienda.
    • Upang tiyak na makapagtatanim ang mga magsasaka sa darating na tag-araw, kagyat ayusin ang sistema ng irigasyon at maayos na mapagkukunan ng tubig.
  • Pigilan ang mga anti-magsasakang palisiya (Stop anti-farmer policies)
    • Tanggalin ang mga hakbang o burukrasya na magbabawal, magpapabagal o magpapamahal sa sistema ng kalakalan at padaliin ang proseso upang mabilis na makarating ang mga produkto sa mga pamilihan.
    • Pansamantalang itigil ang paniningil ng mga utang, upa at buwis sa lupa.
    • Itigil ang pagpapalit gamit ng lupa o Land Use Conversion.
    • Pigilan ang anumang banta na eviction o sapilitang pagpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang lupang sakahan.
    • Pansamantalang itigil ang Rice Liberalization Law na pumipilay sa industriya ng palay at kabuhayan ng mga maliliit na mga magsasaka.
  • Palakasin ang mga maka-magsasakang programa (Farmer-centered programs and resource-generation)
    • Bigyan ng mas malaking papel ang gubyerno sa suplay at presyuhan ng mga produktong agrikultural, pigilan ang anumang bantang pagmanipula sa presyo at suplay ng mga kartel. Bilhin ang mga produkto ng magsasaka sa karampatang halaga.
    • Bigyang laya ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa loob ng mga hasyenda at plantasyon na magtanim ng pagkain para sa kanilang pamilya at komunidad. Sa kanayunan at maging sa lungsod, bigyang laya din ang mga mamamayan na gawing produktibo ang mga nakatiwangwang na lupa.
    • Bilhin sa kagyat ang mga produkto ng ating mga magsasaka, partikular na ang bigas, at gawing prayoridad ang pagbebenta ng produkto sa lokal at pambansang pamilihan imbes na pag-aangkat sa labas ng bansa. Bilhin ang mga produkto ng mga magsasaka bilang ayudang pagkain sa mga nangangailangang komunidad.
  • Palakasin ang mga lokal na pamilihan (Empower local markets)
    • Palakasin ang mga lokal na merkado gaya ng mga palengke at talipapa. Di lamang ito nakakatulong sa pag-pigil ng pagkalat ng sakit, pinalalakas din nito ang lokal na ekonomya ng komunidad.  
  • Agroekolohiya upang makamit ang agrikulturang nakasasapat at umaasa-sa-sarili (Agroecology for self-reliance and self-sufficiency)
    • Bigyan ng malaking suporta ang mga programa  sa agrikultura na sumasapol sa usapin ng self-reliance at self-sufficiency gaya ng agroekolohiya sa pamamagitan ng organic at sustainable agriculture.

Sa hinaharap, dapat nang isaprayoridad ng pamahalaan ang agrikultura, pagkain at ang kapakanan ng ating mga maliliit na magsasaka. Kung nais nating makamit ang sapat, ligtas, abot-kamay at abot-kayang pagkain, kailangang seryosohin ang usapin ng malawak na kakulangan ng access sa batayang pangangailangan ng mga magsasaka para lumikha ng pagkain; lupa, binhi, tubig, angkop na teknolohiya at suporta.

Magagarantiyahan lamang natin ang karapatan ng mga mamamayan sa pagkain kung pangunahing itataguyod ang interes ng maliliit na mga magsasaka at ang mga karapatan nito upang malayang makalikha ng pagkain, at pagpapatupad ng mga programang nagbibigay halaga sa tunay na pag-unlad ng kanayunan. 

#FoodSecurityNow

#FoodisaHumanRight

#Agroecology