
Sa kasaysayan, ibinunga ng pagkakaroon ng sistemang agrikultural ang pagkakabuo ng mga istable at sustinidong mga komunidad. Sa panahong natuklasan ng tao na ang binhi mula sa napitas na prutas ay maaaring tumubo at maging ganap na halaman at ang hayop na nadakip sa kakahuyan ay maaaring magbuntis at magluwal ng supling ay kasabay na nabuo at lumakas ang pwersa ng uring magsasaka. Lubos na naniniwala ang MASIPAG na ang magsasaka, katuwang ang mga manggagawa, ang gulugod ng isang nasyon.
Lupa at binhi ang itinatanging yaman ng mga magsasaka kung kaya’t marapat na ito ay maipamahagi ng libre at maging pag-aaring komon; gayundin ang sistema ng produksiyon at angkop na teknolohiya. Bilang mga tagapangalaga at tagatiyak ng pagkain at pinagmumulan nito, nararapat lamang na matamasa ng mga magsasaka ang malayang akses sa mga rekursong tulad ng binhi. Ayon pa sa hindi malilimutang taguri ni ka Pecs, “Ang lahat ng binhi ay pag-aari ng sangkatauhan. Sa paggamit ng sariling binhi ay may kalayaan (ka); kalayaan sa sakit, kalayaan sa gastos, kalayaan sa pagsandal sa mga kumokontrol (sa iyo) na nagbebenta ng binhi at kemikal. Ang binhi ay iyong karapatan, hindi lamang pribilehiyo.”
Sa panahong kagaya ngayon, kung saan sinusubok ng krisis na dala ng global na pandemya ang katatagan ng mamamayan at ng lipunan, ang mga tradisyunal na binhing ito ang sandatang bitbit ng mga magsasaka upang matugunan ang kaseguruhan sa pagkain ng mga komunidad sa kanayunan, sentrong bayan gayundin sa siyudad. Ang mga binhi ring ito ang kalasag ng mga magsasaka sa mga dagdag na pahirap dala ng neoliberal na mga palisiya sa agrikultura, sa pananamantala ng mga transnasyunal na korporasyon sa panahon ng krisis at sa nagbabagong panahon. Sa papatinding hamong dala ng mga nabanggit, ang mga binhing nasa pag-iingat ng maliliit na magsasaka ang mga binhing matatag at mapagpalaya
Pag-iingat at malayang bahaginan ng binhi
Upang matukoy ang paraan ng pag-iingat, pag-iimbak at pagkonserba ng binhi mahalaga na gawin ang mga sumusunod:
- pagkilala sa panloob(embryo, storage tissue, seed coat)at panlabas (hugis, sukat, hugis, kulay, tekstura) na anyo ng binhi
- pagtitiyak ng kalidad ng binhi upang makamit ang masaganang ani,
- pagkuha ng sample at pagpupuro ng mga binhi upang maalis o maihiwalay ang binhi ng ibang halaman o damo at iba pang bagay na napahalo,
- pagsubok sa pagsibol ng binhi o germination test upang matukoy ang dami ng binhing gagamitin sa pagtatanim ,
- maingat na pagbabantay at pagpapanatili sa taglay na halumigmig o moisture dahil mahalagang salik ito sa itatagal ng binhi sa imbakan (pagkagat o biting, pagkurot o pinching, pagbase sa tunog , cracking , paghulog sa matigas na lapag o sa sahig)
Mahagalang alamin na magkakaiba ang paraan ng pag-iimbak sa iba’t ibang uri ng binhi; orthodox seeds (malamig o mababang temperatura, mababang halumigmig o moisture content) at recalcitrant seeds (mainit, maalinsangan, mataas na halumigmig). Halimbawa ng orthodox seeds ay: palay, mais, legumbre, at gulay samantalang ang mangga, langka, cacao, rambutan, at lanzones ay halimbawa ng recalcitrant seeds. Bilang karagdagan, may iba’t ibang paraan din upang gisingin ang “natutulog” na binhi tulad ng pagkiskis ng balat nito, pagtutusok, mabilisang pagbabad sa mainit na tubig, at iba pa. Marami ring tradisyunal at natural na paraan ng pag-iimbak ng binhi; ang pag-iimbak ng palay sa kamalig, ang pagsasabit ng mga binhi sa may lutuang de-kahoy, at pagsisilid ng mga binhi sa kawayang may putik. Katutubong paraan din ang pag-iimbak ng samu’t saring binhi sa istrukturang ginawa sa itaas ng puno, ang paglalagay ng abo sa botelya kasama ng mga binhi at paggamit ng mga dahon tulad ng alagaw, kakawati, herba buena, sili at iba pa.
Ang teknikal na aspeto sa pag-iingat at pag-iimbak ng binhi ay mahalagang gawain ng mga magsasaka upang matiyak ang sustenableng produksyon na hindi nakasandig sa eksternal na input. Sa pagsusulong ng karapatan ng magsasaka, tinitiyak ng magsasakang MASIPAG ang patuloy na gumamit, magkolekta, magparami, magpaunlad at magpalitan ng mga tradisyunal na binhi at yamang henetika. Sa tunay na diwa ng bayanihan, ang pagtatabi ng binhi para sa susunod na taniman ay ginagawa hindi lamang para sa sarili kundi maging sa kapwa magsasaka sa loob at labas ng komunidad. Ang malayang pamamahagi at pagpapalitan ng tradisyunal na binhi na matagal nang praktika ng MASIPAG ay konkretong ekspresyon ng pagkakaisa at kolektibong aksyon sa pag-iingat at pagpapatampok ng likas na rekurso at teknolohiyang taglay ng maliliit na mga magsasaka. Ekspresyon din ito ng pagdepensa sa binhi at pagbasag sa dayuhang kontrol sa agrikultura. Sa panahon ng kawalan ng katiyakan, makaaasa ang komunidad sa walang humpay na pagsusumikap ng mga magsasaka upang sa araw-araw ay may sapat at ligtas na pagkain sa hapag, may binhing maitatanim, at may kalayaang aanihin.