Oras na, IRRI magsara ka na!

April 10, 2020

by MASIPAG National Office

This is the closing statement released on IRRI’s 60th anniversary

Sa gitna ng maraming hakbang upang labanan ang mga epekto ng pandemyang COVID-19 sa buhay at kabuhayan ng maraming mamamayan sa buong mundo, unti-unti nating nakikita ang kabangkarotehan ng agrikulturang naka-sandig sa kapital at ‘malayang’ merkado, mapaminsala sa kalusugan at kalikasan, at kontrolado ng mga malalaking dayuhang korporasyon. Sa ika-animnapung anibersaryo ng International Rice Research Institute o IRRI, naninidigan ang mga mamamayan na dapat nang itigil at ipasara ang nasabing institusyon na syang tagapaglako ng mga programa at polisiyang maka-korporasyon at nakasisira sa kalusugan, kalikasan, agrobayodibersidad at seguridad sa pagkain.

Hindi sana aabot sa ganito kalalang sitwasyong ang dagok ng COVID 19 kung ang ating agrikultura ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng kanyang mamamayan. Gayunman, inilantad ng COVID 19 ang pagkabangkarote ng programa natin sa agrikultura.

Bago pa man ang unang kaso ng COVID-19 sa bansa, baon na sa hirap ang mga magsasaka at ang lokal na industriya ng palay sa pamamagitan ng Rice Liberalization Law, sa ilalim ng palisiya ng World Trade Organization. Dahil sa pagdagsa ng mura at subsidized na bigas mula ibang bansa, direkta nitong tinamaan ang ating lokal na produksyon na dapat sana ay lumikha ng sapat na supply, lalo na sa panahon ng krisis. Pangunahing problema ng mga kumbensyunal na mga magsasakang biktima ng Green Revolution ang napakamahal na binhi at kemikal na nagpapataas ng kanilang gastos sa produksyon na nagdulot ng kanilang pagkalugi. Sa kabila nito, nanatiling kimi ang IRRI sa problemang dulot ng palpak na batas, bagkus nakipagsabwatan ito sa DA sa pagpapalaganap ng mga mamahaling binhi upang diumano ay mas mapaunlad pa nito ang produksyon na nag-resulta sa dagdag na gastusin at utang sa mga magsasaka.

Sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa na nagresulta sa malawakang lockdowns, pangunahing isipin ng mga mamamayan na mayroon silang seguridad sa pagkain, lalo na sa bigas. Nakalulungkot sapagkat marami ang nakararanas ng gutom lalo na sa mga urban areas sa kabila ng napakaraming pagkain na nabubulok na lamang. Wala ding magawa ang mga magsasaka dala ng mababang presyo ng bentahan ng mga produktong agrikultural o kundi man ay naiipit dahil sa napakaraming burukrasya.

Nasasapeligro din ang seguridad sa pagkain ng ating bansa dahil sa kawalan pangunahin ng rice-self sufficiency. Malaking problema sakaling ihinto ng mga bansa gaya ng Vietnam ang pag-eksport ng bigas na maaaring magdulot ng rice shortage sa bansa.

Gayunman, ano ang kinalaman ng IRRI sa mga problemang hatid ng COVID-19? Sa biglang tingin, maaaring wala. Pero kung ating masusing susuriin, malaki ang papel ng IRRI, lalo ng programang Green Revolution, sa sitwasyon ng ating pagkain at agrikultura na dapat sanang sandigan ng mga mamamayan sa panahon ng krisis:

Una, sa kabila ng halos 60 taong programang Green Revolution ng IRRI, hindi nakamit ng ating bansa ang seguridad sa ating pangunahing pagkain;

Pangalawa, dahil sa programang Green Revolution ng IRRI na nagsulong pangunahin monocropping na pamamaran ng pagtatanim, sinira nito ang dibersipikasyon sa mga sakahan na syang maaaring panggalingan ng iba’t-ibang uri ng pagkaing kumpleto sa nutrisyon na makakatulong sana upang maging malusog at malakas ang resistensya ng mga mamamayan. Pinalala pa ng Green Revolution ang pagka-lantad ng mga tao sa nakalalasong pestisidyo at kemikal, at GM crops na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga mamamayan;

Pangatlo, sa krisis na ito, tatabo nanaman ng malaking kita ang mga korporasyon sa agrikultura at pagkain, na pangunahing nakinabang sa programa ng IRRI. Hindi lingid sa ating kaalaman, mas lumalaki ang kita ng mga dambuhalang kumpanya, lalo na sa pagkain at agrikultura sa panahon ng krisis. Halos dumoble ang kita ng mga dambuhalang korporasyon sa pagkain at agrikultura taong 2008 noong nagkaroon ng krisis sa pagkain.

Pangapat, dahil halos walang kinikita ang mga magsasaka sa agrikultura dahil sa napakataas na kapital sa pagsasaka bunsod ng Green Revolution, napipilitan silang maghanap ng iba’t ibang trabaho masuportahan lamang ang pangangailangan ng pamilya. Dahil sa malawakang lockdown, halos walang kitain ang ating mga magsasaka na syang nagpapalala ng gutom sa kanayunan.

Panglima, dahil sa Green Revolution, sapilitang isinandig ang ating mga magsasaka sa paggamit ng binhing pribado, mahal at isahang gamit gaya ng mga hybrid at GM crops na pangunahing inilalako ng mga dayuhang korporasyon kakambal ang mahal na pestisidyo at pataba. Sa gitna ng mga lockdowns, tanging ang mga binhing hawak ng mga magsasaka, angkop na kaalaman, mga pamamaraang likas-kaya kakambal ang pagpapalakas ng sama-samang pagkilos at bayanihan ang tangi at pinaka-epektibong pamamaraan upang masolusyunan ang problema sa pagkain.

Ngayon, sa ika-60 taon ng IRRI, sa panahon ng malawakang problema sa pagkain at agrikulturang inilantad ng COVID 19, napapanahon nang muling bawiin ng mga maliliit na magsasaka ang kanilang mahalagang papel sa paglikha ng pagkain.

Oras na upang itigil na ng IRRI sa kanyang operasyon nang sa gayon ay matigil na din ang kanyang di-akmang palisiya at impluwensya sa sektor ng palay. Napapanahon nang maninidigan ang mga maraming bansa sa Asya upang upang masiguro ang kani-kanilang mga rice self-sufficiency programs, sa ilalim ng prinsipyo ng soberanya sa pagkain at agrikultura.

Oras na upang tanggalin na ang immunity from suit sa ilalim ng PD 1620 para pagtakpan ang kanyang mga kasalanan sa kanyang mga kawani na inabuso, at maibalik ang lupa sa mga magsasakang sapilitang inagawan simula ng itayo ito noong 1960.

Oras nang muling buhayin ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa paglikha ng pagkain, bawiin ang kontrol sa binhi at kaalaman at iakma ang agrikultura para sa tumitiyak pangunahin sa pangangailang ng pagkain ng kanyang mga mamamayan.
Oras nang makamit ang sapat, ligtas, abot-kamay at abot kayang pagkain!

Ngayong Abril 4, 2020, hindi na namin hihingiin na madagdagan pa ng isa pang araw ang iyong animnapung taong pamamalagi. Nararapat ka nang isara, at ang malawak na mamamayan na ang mag-aayos ng mga kasiraang idinulot mo sa pagkain, agrikultura at sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka.

SHUT DOWN IRRI NOW!

NO TO CORPORATE CONTROL OF FOOD AND AGRICULTURE!

UPHOLD PEOPLE’S RIGHTS TO FOOD, FOOD SOVEREIGNTY NOW!

#ShutDownIRRI