
Ang saknungan, o mas kilala sa katawagang bayanihan ay ang tradisyunal na kaugalian ng pagtutulungan ng mga Filipino. Ito ay nagsasalamin ng pagkakabuklod-buklod at mapayapang sistemang tulungan sa pamayanan upang makamit ang isang mithiin. Makikita ang saknungan sa maraming anyo sa pang-araw-araw na buhay ng mga Filipino, at ito ay tumitingkad sa oras ng pangangailangan at kawalan.
Sa panahong limitado ang galaw ng mga Filipino at lahat ng gawain ngayong panahon ng pandemic, iisa ang sinisiguro ng mga mamamayan: ang pagkain sa hapag kainan. Mahalaga ang pagkain hindi lamang upang mapunan ang kalam ng tiyan kundi upang masiguro ang sustansya, makaiwas sa sakit at maging malakas ang pangangatawan ng tao. At ang pagtitiyak ng paglikha dito ang pangunahing binabalikat ng mga magsasaka. Para sa kanila, ang paglikha ng pagkain ay ang normal na gawain sa araw-araw, ito ay ang kanilang buhay at kabuhayan. Ayon kay Ronald Leynes, Chairperson ng SAMBIT sa Polillo, Quezon, “kailangan na magtanim ng makakain sa araw-araw kahit pa anong sitwasyon ang kinahaharap ng sambayanan, kung may kailangan na sundin na patakaran ay dapat tumalima upang magawa ang mga gawain sa aming bukid.”
Sa kabila ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatutupad ngayon, ang mga organisasyon ng magsasaka sa Lalawigan ng Quezon mula sa mga bayan ng Polillo, Panukulan, General Nakar, Infanta, Lucena, maging sa Bulalacao sa Oriental Mindoro at Puray sa lalawigan ng Rizal, ay patuloy na nakapagsagawa ng saknungan o bayanihan o mas kilala ng mga Dumagat na patlo tabengan.
Ang kultura ng iisang pamayanan ng mga Filipino
Sa modernong panahon, nananatili sa mga katutubo ang pamumuhay sa iisang payamanan kung saan ang bawat isa ay mahalagang bahagi at kaugalian na ang pagtutulungan, lalo sa panahon ng krisis sa pangkabuhayan at kalusugan.
Sa Rizal, bukod sa pagbabayanihan sa pagbubungkal ng lupa, pagtatanim hanggang sa pag-aani, mayroon ding komunal na gulayan ang mga Dumagat kung saan ang inaaning gulay ay napakikinabangan ng kanilang mga pamilya, at ang labis ay ibinabahagi sa mga miyembro ng komunidad na walang taniman. Samantala, nagbibigay ng pangkonsumong pagkain ang mga Hanunuo Mangyan sa Mindoro sa isang pamilyang wala ng suplay ng pagkain mula sa kanilang tribo kapalit ng pagtatrabaho sa 40 metro kwadrado ng lupa sa tagal na katumbas ng konsumo sa ibinahaging pagkain sa kanyang pamilya.
“Sa panahon ng krisis ngayon, bukod sa tradisyonal na pamamaraan ng pagtatanim, at pagbabayanihan ay ginagawa rin namin ang pagma-Marayaw – isang ritwal ng pagkanta tuwing gabi na isinasagawa upang mailayo ang komunidad sa mga panganib at sakuna, upang tuloy tuloy ang likas-kayang pagsasaka, at upang hindi tayo maapektuhan ng Covid-19. Patuloy lang ang pagtatanim ng rootcrops, para hindi kami maapektuhan ng krisis”, dagdag pa ni Eddie Ungkay, Chairperson ng SAPALA.
Sa General Nakar, Quezon, ang saknungan ay regular na ginagawa ng organisasyong KCFA maging sa kabila ng ECQ. Ito ay bahagi ng pagpapalakas ng kanilang organisasyon, kamustahan sa kalagayan ng mga miyembro at pagseguro ng pagkain ng bawat isa. Ito ngayon ay pinagkakakitaan na rin ng organisasyon dahil ang mga magsasaka sa kanilang komunidad na hindi miyembo ng PO ay nagpapatulong na rin sa gawaing bukid kapalit ng isang araw na kita.
Ngunit paano nga ba gagawin ang saknungan sa panahon ng ECQ?
Bilang pagseguro sa pagsunod sa quarantine protocol, nagkakaroon ng survey sa mga kasapi kung sino ang nangangailangan ng tulong at sino-sino ang maaaring tumulong bago humingi ng sertipikasyon sa baranggay para sa kanilang paglabas papunta sa mga sakahan o quarantine pass. Upang tuparin ang social distancing sa pagtatrabaho sa bukid, pinagkaisahan ang pag-kalendaryo ng saknungan at nilimitahan ang maaring sumama nasa halip na sampu ay lima lamang ang gagawa sa bukid sa loob ng isang araw. Bahagi rin ng mga kaisahan ay ang pagdadala ng kanya-kanyang baon ng pagkain upang hindi na mahirapan pa sa pagluluto ang may-ari ng sakahan at mabilis na maisagawa ang mga gawaing bukid.
Panawagan ng suporta
Sa kabila ng kaseguruhan sa pagkain, marami ding agam-agam ang mga magsasaka sa ipinatutupad na lockdown. Pangunahin dito ang malayang makapagsaka at kapanatagan sa usaping seguridad. Ilan sa kanila ay nakararanas ng harassment katulad ng paulit-ulit na pagtatanong ng mga militar tungkol sa kanilang gawain bilang organisasyon. Inaalala din ng mga magsasaka ang pagbebenta ng kanilang labis na produkto sa kanilang komunidad at lokal na pamilihan na naiipit dahil sa lockdown. Bukod dito ay ang pag-aalala sa kapwa magsasaka na walang tagong binhi at hindi makapagtanim dahil sa kakulangan nito, kung kaya’t nananawagan sila na mahatiran ng ayudang binhi, payagang makapagsaka ng may kapanatagan at madala ang kanilang produkto sa pamilihan.
Ito ang diwa ng saknungan, tulungan sa pamayanan.