
Makabuluhan ang development work o gawaing pangkaunlaran sa pagbibigay solusyon sa mga matagal nang problema ng mga mamamayan, lalo na ng mga magsasaka sa kanayunan. Ayon sa United Nations Declaration on the Right to Development, susi ang right to development sa pagkamit sa iba pang karapatang pantao ng mga mamamayan. Dahil pundamental ito sa ating kalayaan at pag-unlad, pangunahing obligasyon ng estado na bumuo ng mga batas at palisiya upang protektahan at pangalagaan ang mga nasabing karapatan. Sa sektor ng agrikultura, malaki ang kontribusyon ng mga manggagawang pangkaunlaran o development workers ng iba’t ibang mga Non-Governmental Organizations (NGOs) at Civil Society Organizations (CSO) sa pagpuno ng kakulangan ng gobyerno sa mga magsasaka at manggagawang bukid.
Sa kabila nito, mabigat ang banta ng bagong pasang batas na makahadlang sa pagsasakatuparan ng right to development ng mamamayang Pilipino. Kaya’t ipinpababatid ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG) ang mariing pagtutol sa pagpasa ng Anti-Terrorism Law (ATL).
Ika-26 ng Pebrero 2020 nang ipinasa ng senado ang Senate Bill No 1083 o ang tinaguriang Anti-Terror Bill (ATB). Makalipas ang ilang buwan, ika-1 ng Hunyo nang sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang panukalang batas at matapos ang dalawang araw ay inaprubahan ng Kongreso ang bersyong House Bill No 6875. Tuluyang itong naging batas matapos lagdaan ng pangulo noong ika-3 ng Hulyo.
Umani ng kabi-kabilang batikos mula sa iba’t ibang sektor ang pagratsada ng ATL. Sa katunayan, sinasabi ng mga eksperto sa batas na marami sa mga probisyon nito ay tahasang lumalabag sa Konstitusyon ng Pilipinas at nilalagay sa panganib ang ating mga demokratikong karapatan. Una, malabo at masaklaw ang depinisyon ng batas sa kung ano ang “terorismo” na siyang nag-iiwan ng espasyo para sa abuso ng kapangyarihan lalo na at nilusaw nito ang anumang institutional oversight o pagbabantay ng mga institusyon. Pinalawig din nito ang panahon ng detensyon sa sinumang hinihinalang “terorista” mula tatlong araw tungong apatnapung araw, at pwedeng magkaroon ng hindi lalagpas sa sampung araw na ekstensyon. Hindi na din kinakailangan ng utos ng korte o court order upang magsimulang imbestigahan ang mga bank account ng sinumang akusado.
Sa ilalim ng ATL, malaki ang posibilidad na maihanay ang development work bilang “terorismo” dahil sa malabo nitong pagpapakahulugan. Malaking bahagi ng gawaing pangkaunlaran ang pag-alam ng tunay na kalagayan ng mamamayan, kasama na dito ang paglalantad o pagiging kritikal sa iba’t ibang di-makamamayang programa at palisiya ng gobyerno na maaaring ipakahulugan o itumbas bilang isang porma ng terrorismo. Nangangamba ang mga NGOs at CSOs na makasagabal ang batas sa mga humanitarian causes kung basta na lamang i-freeze ang mga bank assets, o intimidasyon sa mga development workers dahil sa simpleng hinala na maaring walang batayan. Nililimitahan din ng ATL ang kalayaang magpahayag ng saloobin kung palaging may pangamba ng “terror-tagging.” Pinaliliit din ng nasabing batas ang demokratikong espasyo na siyang mahalaga sa pagkamit ng kaunlaran.
Malaki ang pangamba ng MASIPAG sa ATL sapagkat wala pa man ang nasabing batas, papataas na ang kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga mangaggawang pangkaunlaran. Ilang taon na ang nakalipas ngunit wala pa ding hustisya sa pagpaslang kay Atty. Ben Ramos, kilalang abugado ng mamamayan, tagapagtanggol ng karapatan ng mga magsasaka at matagal na miyembro ng Board of Trustees ng MASIPAG. Si Atty. Ben ang pangunahing umagapay sa MASIPAG upang paunlarin ang farmer-led na prinsipyo at tiyakin na tunay na maka-aabot ang mga programa ng network sa mga maliliit na magsasaka. Walang pagod rin niyang inalay ang kaniyang propesyunal sa serbisyo sa pagtanggol sa mga magsasaka sa pag-asam sa kanilang karapatang magmay-ari ng lupang sinasaka lalo na sa isla ng Negros. Ilan sa mga staff at mga magsasakang miyembro ng MASIPAG ang nakaranas ng harassment, intimidasyon at red-tagging sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Binabansagang subersibo ang mga magsasaka upang pabulaanan ang kritikal na tindig sa nakasisirang dayuhang pagmina sa Gitnang Luzon, habang tinatakot naman ng mga awtoridad ang mga staff na naghahatid ng serbisyo sa Eastern at Central Visayas at Davao Region. Ilan lamang ito sa mga nararanasan ng network sa kabila ng serbisyong dala ng mga miyembro sa komunidad at sa sektor ng agrikultura.
Dagdag pa dito ang ilegal na dinakip si Elena Tijamo ng Farmers’ Development Center, Inc. (FARDEC) noong ika-13 ng Hunyo ngayong taon. Kasalukuyan ding nakakaranas ng intimidasyon, harassment at red-tagging sina Windel Bolinget, Bestang Sarah Dekdeken, Santos Mero at iba pang miyembro ng Cordillera Peoples Alliance (CPA).
Kinukwestyon ng mamamayan ang prayoridad ng pamahalaan sa pagratsada ng Anti-Terrow Law sa gitna ng malaking dagok ng pandemyang COVID 19 sa kabuhayan at ekonomya. Sa kasalukuyan, pumalo na sa mahigit 46,000 ang positibong kaso sa bansa at maaaring lumaki pa sa mga susunod na buwan. Pumapangalawa na ang Pilipinas sa may pinakamalalang death rate sa Timog-Silangang Asya. Ayon din sa estima ng economic team ng palasyo, papalo na sa 2.2 trilyong peso ang kabuuang pagkalugi sa ekonomiya ng bansa. Pumalo na din sa 17.17% na jobless rate o 7.3 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho dulot ng lockdown ng Malacanang, ayon sa Philippine Statistics Office. Lahat ng ito ay nangyari sa kabila ng emergency powers ng pangulo at kabi-kabilang utang ng pamahalaan.
Malaki ang epekto ng lockdown sa pang-araw araw na kabuhayan ng mga magsasaka, at sa kabuuang sistema ng pagkain ng bansa. Sa katunayan, tuluyang inilantad ng pandemya ang kawalang kasiguraduhan sa pagkain ng mamamayang Pilipino. Ayon sa World Food Programme ng United Nations, isa ang Pilipinas sa mga bansang nanganganib na magkaroon ng krisis sa pagkain at kagutuman kung hindi ito matugunan ng maayos na plano at programa ng gobyerno. Nakalulungkot sapagkat bago pa man tamaan ng pandemya ang Pilipinas, salot nang maituturing sa mga magsasaka ang kumbensyunal na pagsasakang bunsod ng Green Revolution na nagdulot ng pagkasira ng kalikasan, papatinding mga peste at pagkalason at pagkakasakit ng ating mga magsasaka. Lubog din sa utang ang mga maliit na magsasaka dala ng mahal na inputs na nilalako ng malalaking korporasyon.
Pinapalala ito ng mga programa ng Department of Agriculture na Plant, Plant, Plant o ALPAS-COVID. Itinuloy lamang ng ALPAS COVID program ang tipo ng pagsasakang mahal, mapaminsala at nagpapalawig sa kontrol ng korporasyon. Sa ilalim din ng programang ito, lumpsum o kumpol ang pondo nang walang konkretong plano para sa mga magsasaka, kabilang dito ang Integrated Livestock and Corn Resiliency Project (P1.75 billion); Expanded Small Ruminants and Poultry Project (P1 billion); Coconut-based Diversification Project (P1 billion); Fisheries Resiliency Project (P1.2 billion) at ang Revitalized Gulayan Project (P1 billion). Dagdag pa ang tumataginting na 200 Milyong piso para sa komunikasyon ng departamento. At dahil lumpsum, napakadali nitong gamitin sa korupsyon. Idinadawit ngayon ang DA sa diumano ay korapsyon sa pataba kung saan prinesyuhan ng Php 1,000 ang urea/bag na kayang bilhin sa Php 850 lamang, na magbubunga ng mahigit Php 270 milyong patong sa presyo.
Gayong intensyo o layon ng authors ng naturang batas na pigilan ang terrorismo upang makamit natin ang kaunlaran at kapayapaan, hindi sinasagot ng Anti-Terror Law ang mga pundamental na problema ng ating bansa. Bagamat mahalagang masolusyunan ang terorismo, mas pinapalala lamang ng ATL ang pang-aabuso lalo na sa mga kritikal sa mga proyekto at palisiya ng pamahalaan. Magpapabagal pa lalo ito sa proseso ng pagkamit ng tunay na kaunlaran kung patuloy na makararanas ng panggigipit ang mga development workers at mga magsasaka na siyang mahalagang salik sa tuluyang pag-alpas ng Pilipinas sa kahirapan. Pinapanatili ng MASIPAG na ang pinakamabilis na paraan ng pag-unlad ay pagbabalik sa mga magsasaka ng kontrol sa lupa, binhi, kaalaman at mapalakas ang kanilang mga samahan bilang pang-ampat sa pangangailan sa pagkain, pag-unlad na lokal na industriya at iba pang pangangailangan ng bansa.
Higit tatlong dekada nang nagpapatupad ng mga programa ang MASIPAG para sa pagsusulong ng mga karapatan ng maliliit na magsasaka, kasama dito ang kaseguraduhan sa pagkain pangunahin sa pamilya ng magsasaka at ang kanyang pamayanan. Sa kasalukuyan, nasa yugto na ng pagpoproseso at pagsasapamilihan ang higit isang daan mga samahan ng magsasaka ng MASIPAG. Mahalagang suportahan ang mga inisyatibang ito, lalo na ang pagpapalakas ng pagsasapamillihan ng mga produkto sa lokal upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka at makapag-bigay ng ligtas, masustansiya ngunit abot-kamay na pagkain sa mga mamamayan. Upang mapangalagaan at lalong maisulong ang mga pag-unlad na nakamit ng mga Peoples’ Organizations ng MASIPAG, tungkulin nila na lumahok bilang mga aktibong miyembro ng komunidad upang suriin, at kung kinakailangan ay manindigan, sa mga programa at palisiya na nagsusulong, o kaya pumipigil, sa natural na pagyabong ng likas-kayang pagsasaka sa bansa.
Susi sa pagtatagumpay ng gawaing pangkaunlaran at agrikulturang para sa likas-kayang pagsasaka na makabahagi at makalahok ang mga mamamayan at magsasaka sa kanyang pamayanan ng walang takot o pangamba. Sa pagbasura sa ATL, naisusulong natin ang pagrespeto sa karapatang pantao at napatatatag ang gawaing pangkaunlaran upang makahakbang pasulong sa pagkamit ng maunlad na lipunan.
IRESPETO ANG RIGHT TO DEVELOPMENT AT IBA PANG KARAPATANG PANTAO!
ITIGIL ANG ATAKE SA MAGSASAKA AT MANGGAGAWANG PANGKAUNLARAN!
IBASURA ANG ANTI-TERROR LAW!
Sanggunian:
http://www.congress.gov.ph/legisdocs/basic_18/HB00551.pdf
https://businessmirror.com.ph/2017/01/27/7m-filipino-kids-suffer-hunger-malnutrition/
https://www.rappler.com/move-ph/issues/hunger/130046-philippines-chronic-malnutrition
https://www.philstar.com/headlines/2020/06/06/2018952/amid-ecq-jobless-rate-hits-record-177
https://www.change.org/p/president-of-the-republic-of-the-philippines-appeal-for-urgent-action-on-the-attacks-against-the-cpa-and-its-leaders?recruiter=1104578049&utm_source=share_petition&utm_medium=abi_gmail&utm_campaign=address_book&utm_term=share_petition&recruited_by_id=0dcd0b80-a580-11ea-9964-35eba72481f8
https://polisci.upd.edu.ph/position-paper-on-the-anti-terror-bill/
https://www.rappler.com/nation/252791-senate-final-reading-anti-terrorism-bill
https://www.nbcnews.com/news/world/u-n-warns-hunger-pandemic-amid-threats-coronavirus-economic-downturn-n1189326
https://masipag.org/2018/11/justice-for-atty-ben-farmers-rights-advocate/
https://www.un.org/en/events/righttodevelopment/pdf/rtd_at_a_glance.pdf
https://peasantmovementph.com/2020/05/21/das-alpas-covid-projects-are-platforms-for-corruption-farmers/