GAWAD BEN AT KA PECS: Panawagan para sa Papel Pananaliksik

October 6, 2020

by MASIPAG National Office

Ang MASIPAG ay naghahanap ng mga pananaliksik patungkol sa agrikultura, alinsunod sa mga sumusunod na patnubay.

Ang Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG ay isang network na pinangungunahan ng mga magsasaka mula sa mga people’s organizations, siyentista, at non-government organizations na magkakatuwang tungo sa sa likas-kayang paggamit at pangangasiwa ng laksang buhay sa pamamagitan ng kontrol sa yamang henetika at biyolohikal, agrikultural na produksyon, at naaugnay na kaalaman at teknolohiya.

Itinatag ang MASIPAG sa layuning bigyang-diin at ipamandila ang karapatan, kagalingan at kakayahan ng mga magsasaka sa pagsusulong ng likas-kayang pagsasaka sa ating bansa. Higit lalong mahalaga ito ngayong panahon ng pandemya. Maraming suliraning kinakaharap ang bansa dala ng kasalukuyang sistemang pang-agrikultura na nagdulot ng maraming banta sa buhay, kabuhayan at sa kasiguruhan sa pagkain.

Upang mapatampok at mabigyan ng plataporma ang iba’t ibang mga pananaliksik na tumatalima sa mga usaping ito, inilulunsad ng MASIPAG ang panawagan sa papel pananaliksik na binibigyang diin hindi lamang ang teknikal na aspeto ng pagsasaka, kundi gayundin ang pagpapaunlad sa adbokasiya upang mailatag ang kahalagahan nito sa kabuuan. Kaya naman, liban sa paghirang ng tatlong pananalisik sa bawat track/kategoryang inilahad sa susunod na mga yugto ng panawagang ito, pararangalan ng pinakamataas na pagkilala ang dalawang pananaliksik ng Gawad Ben Ramos at Gawad Pecs

Ang pagkilalalng tatawaging gantimpalang Gawad Ben ay memorial award para kay Atty. Ben Ramos na isa sa mga abogadong buong-tapang na ipinaglaban ang karapatan ng mga mahihirap sa kanayunan partikular sa karapatan sa pagkain at lupa.  Ang noo’y direktor ng Paghida-et sa Kauswagan Development Group (PDG) ay nakaranas ng inhustisya nang siya ay paslangin noong 2018 habang patuloy na naglilingkod sa kabila ng banta sa kaniyang buhay. Upang patuloy na gunitain ang kanyang buhay at kontribusyon sa pagsusulong ng mga karapatan ng mga magsasaka, ang pagkilalang ito ay igagawad sa may pananaliksik na pinaka-abante sa aspeto ng adbokasiya para sa karapatan ng mga maliliit na magsasaka.

Sa kabilang banda naman, ang Gawad Ka Pecs ay memorial award para kay Perfecto “Ka Pecs” Vicente. Siya ay nagsilbing project manager ng Masipag ng ito ay isa pa lamang  proyekto at ang kauna-unahang rice breeder ng network. Mula sa kanyang pagsusumikap ay lumago at umunlad ang koleksiyong mga binhi ng MASIPAG. Siya rin ang nagsilbing tagapagsanay upang maturuan ang mga magsasaka ng pagpapalahi, pagpapaunlad at konserbasyon ng palay. Bukod dito nanguna siya sa pagpapa-unlad ng mga training manuals ng Masipag lalo na sa soil fertility management bilang isang soils scientist. Ginugol ni Ka Pecs ang huling 2 dekada ng kanyang buhay sa Mindanao upang makatulong sa pagpapalaganap ng mga programa ng Masipag sa rehiyon,habang patuloy ang kanyang pagsuporta sa buong pambansang network ng Masipag lalo na sa Farmer-led na pangangalaga ng binhi sa palay at pagpapa-unlad nito. Si Ka Pecs ay inspirasyon ng maraming mga farmer-trainors at farmer leaders ng Masipag. Ang makatatanggap ng pagkilalang ito ay ang may lathalaing pinaka-abante sa teknikal na aspeto.

Tema

Sa taong ito, ang tema ng panawagan sa papel pananaliksik ay Patnugot ng Masa para sa Agroekolohiya at Sobereniya sa Pagkain na maaaring maglaman ng teknikal, organisasyunal, sosyo-ekonomikal at politikal na mga praktika at inobasyon. Ang mga sumusunod ang mga mungkahing paksa:

  1. Organic beekeeping practices (technical)
  2. Farmer-led research on Alternative Pest Management
  3. Breeding technology for livestock and fisheries (technical)
  4. Cultural Management Practices of organic livestock/aquaculture
  5. People’s Organization adaptation amidst pandemic (social and technical)
  6. Community enterprise (socio-economical)
  7. Food processing and product development (technical)
  8. Salt water adaptation on rice cultivation (technical)
  9. Innovations and adaptation practices in urban agriculture (technical, social)
  10. Strengthening of producer-consumer relationship (social)
  11. Local Initiatives on Marketing(social)
  12. Popularization of Sustainable, Organic Agriculture (social) – mainstreaming sustainable, organic agriculture through information and communication
  13. Effects of highly-hazardous pesticides and GMO on health, environment and livelihood
  14. Innovations and adaptation practices on seed technology
  15. Organizational development for strengthening women and youth participation in agriculture
  16. Impact studies on policies/projects affecting farmer’s rights to seeds, land and resources

Mga Maaaring Lumahok

Maaaring lumahok ang mga interesado sa ilalim ng sumusunod na mga track: magsasaka, siyentipiko, magsasaka-siyentipiko, akademya/kabataan, samahan ng kababaihang magsasaka.  

Iskedyul ng pagtanggap ng abstract at kaakibat na mga dokumento

Ang pagsusumite ng isang pahinang abstract ay mula ika-5 hanggang ika-18 ng Oktubre, 2020.

Ang mga lenggwaheng maaaring gamitin para sa abstract ay Filipino at Ingles at may habang hanggang 250 na salita. Upang lubusang masuri ng komite ang inyong abstract marapat na magpasa ng alinman sa sumusunod:

  • Full Paper/Buong Papel (8 na pahina)

Ang buong papel/full paper ay para sa mga pananaliksik na natapos na sa loob ng 2 taon. Ito ay naglalaman ng mahabang paliwanag patungkol sa conceptual background, pamamaraang ginamit (methodology), datos at pagsusuri. Nararapat na nakasaad ang mga (a) pangunahing suliraning inaddress, (b) potensyal na kabuluhan ng saliksik; (c) teyoretikal at pamamaraang ginamit; (d) pangunahing natuklasan (findings), konklusyon, implikasyon; at (e) mga sanggunian. Maliban dito, marapat ding linawin ang kaugnayan ng lathala sa pangkabuang tema ng call for papers.

  • Short Paper/Maikling Papel (4 na pahina)

Ang maikling papel/short paper ay para sa mga pananaliksik na mayroong makabuluhang kontribusyon ngunit kasalukuyan pang pinagpapatuloy, ipinatupad sa maliit na eskala, o yung mga maaaring i-ulat nang mas maikli.

Proseso ng Pagsumite

Ang mga aplikasyon at submisyon para sa panawagan sa papel pananaliksik ay tatanggapin online.

Kalakip ang abstract at kaakibat na dokumento, maghanda ng mailkling sanaysay tungkol sa iyong sarili (pangalan, propesyon, karanasan sa agrikultura). Ipadala ang mga ito sa masipagresearch@gmail.com; at advocacy@masipag.org. Asahan ang kumpirmasyon ng pagkakatanggap patungkol sa inyong isinumite sa loob ng 3 hanggang 5 na araw.

Para sa iba pang impormasyon, ipadala ang inyong mensahe sa advocacy@masipag.org; at/o; 0955-086-1964, 0906-211-2011.

Pagsasala at Pagtatasa ng mga Pananaliksik/Papel

Ang mga pananaliksik/papel ay isasailalim sa tatlong antas: pagsasala; pagtatasa upang maging kwalipikadong makatanggap ng suporta sa pananaliksik; at, pagtatasa para sa pagkilalang Gawad Ben Ramos at Gawad Ka Pecs.

Ang pagsasala ay pangangasiwaan ng Research, Education and Training Unit at Information, Communication and Advocacy Unit ng MASIPAG. Dito ay tutukuyin kung ang ipinasa ay tugma sa mga natukoy na tema at mungkahing paksa.

Ang pagtatasa upang maging kwalipikado sa suportang pananaliksik ay pangagasiwaan ng mga itinalagang panelista para sa aktibidad na ito. Sa puntong ito ay susuriin ang mga abstract at kalakip na full/short paper batay sa mga konsiderasyon na nakasaad sa susunod na bahagi. Dito ay malalaman na rin ang may tatlong pinakamatataas na marka sa bawat track na siyang magpi-presenta ng kanilang pananaliksik na gaganapin online sa ika-6 ng Nobyembre, 2020.

Ang huling antas ng pagtatasa ay isasagawa naman ng mga miyembro ng Board of Trustees ng MASIPAG upang piliin ang mga karapat-dapat na makatanggap ng Gawad Ka Pecs at Gawad Ben Ramos. Ang mga pagkilalang ito ay matatanggap ng mga may pananaliksik na may abanteng tagumpay na tumatagos sa teknikal (Gawad Pecs) at adbokasiyang (Gawad Ben) aspeto ng agrikultura at pagpapaunlad nito.

Insentibo sa mga Mapipiling Pananaliksik/Papel

Sa bawat track, tatlong papel ang pipiliin upang makatanggap ng suporta para sa pananaliksik o research support. Ang matatanggap na pinansiyal na tulong ay maaaring gamitin ng kalahok sa ibayong pagpapaunlad ng kaniyang pananaliksik o kaya naman ay upang maberipika ang resulta ng kaniyang pag-aaral. Dalawang set ng kriterya ang susundin depende sa track.

Ang sumusunod ay kriterya para sa pagtatasa ng mga pananaliksik/papel para sa akademya/siyentista  at kabataan:

KonsiderasyonBahagdan
Orihinalidad15%
Malinaw na Layunin sa Pag-aaral25%
Kontribusyon sa praktika at kaalaman sa agrikultura40%
Mailalapat sa iba pang konteksto/Transferability10%
Kalidad at Linaw ng Presentasyon ng mga Konsepto/Pagkakasulat10%
Kabuuang Marka100%

Ang sumusunod ay kriterya para sa pagtatasa ng mga pananaliksik/papel para sa magsasaka, magsasaka-siyentipiko, samahan ng kababaihan:

KonsiderasyonBahagdan
Orihinalidad15%
Malinaw na Layunin sa Pag-aaral15%
Kontribusyon sa praktika at kaalaman sa agrikultura40%
Mailalapat sa iba pang konteksto/Transferability20%
Kalidad at Linaw ng Presentasyon ng mga Konsepto/Pagkakasulat10%
Kabuuang Marka100%

Ang mapipiling tatlong presentasyon na may pinakamatataas na marka (Top 3) ay makakakuha ng minimal na suporta sa pananaliksik (research support) na nagkakahalagang Php 5,500. Sa isang banda, ang magagawaran ng Gawad Ben Ramos at Gawad Ka Pecs ay makatatanggap ng plaque at dagdag insentibo.

Tipo ng Presentasyon

Ang aktibidad na ito ay layong bigyang plataporma ang mga lathala patungkol sa agrikultura na may natatanging pagtatanghal at pagkilala sa likas na dunong at pagiging malikhain ng indibidwal/grupo. Bilang ang mga ito ay naglalayong maging kapaki-pakinabang sa mas malawak na bahagi ng lipunan, partikular sa mga magsasaka, pinapaalalahanan ang lahat na isulat ang presentasyon sa paraang madaling mauunawaan.

Paglalathala at Presentasyon

Ang mga papel ay kokonsolidahin at sisinupin upang gawing isang libro at ilalathala sa Pambansang Aklatan ng Pilipinas, kung saan magkakaroon ng serial number ng International Standard Book Number (ISBN).

Ang presentasyon ay isasagawa online at ibubukas sa publiko kung saan ang mga dadalo at mga panelista ay maaaring magtanong sa presenter at maaari ring magbigay ng komento/suhestiyon sa pananaliksik/papel.