
Ang MASIPAG ay naghahanap ng mga pananaliksik patungkol sa agrikultura at dokumentasyon ng inobasyon/praktikang pagpapaunlad sa pagsasaka, partikular sa pagpapayabong ng Agroekolohiya at Soberanya sa Pagkain.
Ang Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG ay isang network na pinangungunahan ng mga magsasaka mula sa mga people’s organizations, siyentista, at non-government organizations na magkakatuwang tungo sa likas-kayang paggamit at pangangasiwa ng laksang buhay sa pamamagitan ng kontrol sa yamang henetika at biyolohikal, agrikultural na produksyon, at kaugnay na kaalaman at teknolohiya.
Itinatag ang MASIPAG sa layuning bigyang-diin at ipamandila ang karapatan, kagalingan at kakayahan ng mga magsasaka sa pagsusulong ng likas-kayang pagsasaka sa ating bansa maging sa mga kalapit na bansa sa Asya. Higit lalong mahalaga ito ngayong panahon ng pandemya. Maraming suliraning kinakaharap ang bansa dala ng kasalukuyang sistemang pang-agrikultura na nagdulot ng maraming banta sa buhay, kabuhayan at sa kasiguruhan sa pagkain.
Upang mapatampok at mabigyan ng plataporma ang iba’t ibang mga pananaliksik na tumatalima sa mga usaping ito, inilulunsad ng MASIPAG ang panawagan sa papel pananaliksik at dokumentasyon ng mga inobasyon/praktikang pagpapaunlad na binibigyang-diin ang kahalagahan ng teknikal at praktikal na aspeto ng pagsasaka sa balangkas ng Agroekolohiya at Soberanya sa Pagkain. Ipipresenta ang mga napiling papel sa Mayo 5, 2021 sa isang pambansang kumperesya. Liban sa paghirang ng tatlong pananalisik sa bawat track/kategoryang inilahad sa susunod na mga yugto ng panawagang ito, pararangalan ng pinakamataas na pagkilala ang mga mapipili sa bawat track ng Gawad Ka Pecs.
Ang Gawad Ka Pecs ay memorial award upang kilalanin ang kontribusyon ni Perfecto “Ka Pecs” Vicente sa MASIPAG at sa agrikultura. Siya ay nagsilbing project manager ng MASIPAG nang ito ay isa pa lamang proyekto at ang kauna-unahang rice breeder ng network. Mula sa kanyang pangunguna at pagsisikap kasama ang iba pang mga magsasaka ay lumago at umunlad ang koleksiyon ng mga binhing MASIPAG. Siya rin ang nagsilbing instruktor upang masanay ang mga magsasaka ng pagpapalahi, pagpapaunlad at konserbasyon ng palay na tinawag na Participatory Rice Breeding. Bukod dito nanguna siya sa pagpapaunlad ng mga training manual ng MASIPAG lalo na sa soil fertility management bilang isang soil scientist. Ginugol ni Ka Pecs ang huling 2 dekada ng kanyang buhay sa Mindanao upang makatulong sa pagpapalaganap ng mga programa ng MASIPAG sa rehiyon, habang patuloy ang kanyang pagsuporta sa pambansang network ng MASIPAG lalo na sa farmer-led na pangangalaga ng binhi sa palay at pagpapaunlad nito. Si Ka Pecs ay inspirasyon ng maraming mga farmer-trainor, lider magsasaka, maging mga staff ng MASIPAG.
Tema
Sa taong ito, ang tema ng panawagan sa papel pananaliksik at dokumentasyon ng inobasyon/praktikang pagpapaunlad ay Patnugot ng Masa para sa Agroekolohiya at Soberanya sa Pagkain na maaaring maglaman ng teknikal, organisasyunal, sosyo-ekonomikal at politikal na mga praktika at inobasyon. Ang mga sumusunod ang mga halimbawang paksa:
1. Organic beekeeping practices (technical)
2. Farmer-led research on Alternative Pest Management, e.g. stem borer, fall army worm (technical)
3. Breeding technology for livestock and fisheries (technical)
4. Cultural Management Practices of organic livestock/aquaculture (technical)
5. People’s Organization adaptation amidst pandemic (social and technical)
6. Community enterprise (socio-economical)
7. Food processing and product development (technical)
8. Salt water adaptation on rice cultivation (technical)
9. Innovations and adaptation practices in urban agriculture (technical, social)
10. Strengthening of producer-consumer relationship (social)
11. Local Initiatives on Marketing(social)
12. Popularization of Sustainable, Organic Agriculture (social) – mainstreaming sustainable, organic agriculture through information and communication
13. Effects of highly-hazardous pesticides and GMO on health, environment and livelihood (socio-technical)
14. Innovations and adaptation practices on seed technology (technical)
15. Organizational development for strengthening women and youth participation in agriculture (organizational)
Mga Track
Ang mga lalahok ay sasailalim sa alinman sa dalawang track: magsasaka (farmers track) o siyentista (scientists track). Lubos ding hinihikayat ang pakikiisa ng mga kabataan at kababaihan.
- Ang mga lalahok na siyentista ay inaasahang magpasa sa inisyal na pagsasala (initial screening) ng karaniwang pormal at teknikal na abstract ng kanilang paksa o pananaliksik. Ito ay karaniwang naglalaman ng layunin ng pag-aaral, disenyo ay metodolohiya ng pananaliksik, mga pangunahing resulta, maikling pagsusuma at interpretasyon.
- Sa kabilang banda, ang mga magsasaka ay magpapasa ng dokumentasyon ng kanilang natatanging inobasyon/praktika na ginagamit sa kanilang pagsasaka. Ang mga magsasakang wala pang dokumentasyon ng kanilang inobasyon/praktika ay gagawa ng maikling naratibo kung saan nakasaad ang problemang nakatakdang solusyunan, kabuluhan ng inobasyon/praktika (significance of the innovation/practice), mga materyales at proseso, aktwal na benepisyo, at rekomendasyon.
Proseso ng Pagsumite
Ang mga aplikasyon at submisyon ng mga pananaliksik at dokumentasyon ay tatanggapin online. Para sa mga interesadong sumali, magregister sa link na ito: https://forms.gle/grkpnqtZiMpyGhcG9.
Kalakip ang abstract/dokumentasyon, maghanda ng mailkling sanaysay tungkol sa iyong sarili (pangalan, propesyon, karanasan sa agrikultura). Ipadala ang mga ito sa masipagresearch@gmail.com. Asahan ang kumpirmasyon ng pagkakatanggap patungkol sa inyong isinumite sa loob ng 3 hanggang 5 na araw.
Para sa iba pang impormasyon, ipadala ang inyong mensahe sa masipagresearch@gmail.com; at/o; 0955-086-1964.
Iskedyul ng pagtanggap ng abstract at kaakibat na mga dokumento
Ang pagsusumite ng isang pahinang abstract/dokumentasyon ay hanggang ika-6 ng Pebrero 2021.
Ang mga lenggwaheng maaaring gamitin para sa abstract ay Filipino at Ingles at may habang hanggang 250 na salita.
- Para sa track ng siyentista, matapos masala ang abstract base sa tema at paksa, sunod na ipapasa ang walong-pahinang full paper sa Filipino. Ang full paper ay para sa mga pananaliksik na natapos na sa nakaraang dalawang taon . Ito ay naglalaman ng mahabang paliwanag patungkol sa conceptual background, pamamaraang ginamit (methodology), datos at pagsusuri. Nararapat na nakasaad ang mga (a) pangunahing suliraning inaddress, (b) potensyal na kabuluhan ng saliksik; (c) teyoretikal at pamamaraang ginamit; (d) pangunahing natuklasan (findings), konklusyon, implikasyon; at (e) mga sanggunian. Maliban dito, marapat ding linawin ang kaugnayan ng lathala sa pangkabuang tema ng call for papers.
- Para sa mga magsasaka, ito ay ang mas komprehensibong dokumentasyon laman ang problemang nakatakdang solusyunan, kabuluhan ng inobasyon/praktika (significance of the innovation/practice), mga materyales at proseso, aktwal na benepisyo, at rekomendasyon. Ito ay nararapat ding may kaakibat na mga larawan at/o video para sa masusing pagsusuri ng inobasyon/praktika. Makaaagapay nila sa yugtong ito ang mga maitatalagang Area Coordinator.
Pagsasala at Pagtatasa ng mga Pananaliksik/Papel
Ang mga pananaliksik/papel ay isasailalim sa tatlong antas: pagsasala; pagtatasa upang maging kwalipikadong makatanggap ng suporta; at, pagtatasa para sa pagkilalang Gawad Ka Pecs.
Ang pagsasala ay pangangasiwaan ng Research, Education and Training Unit at Information, Communication and Advocacy Unit ng MASIPAG. Dito ay tutukuyin kung ang ipinasa ay tugma sa mga natukoy na tema at mungkahing paksa.
Ang pagtatasa upang maging kwalipikado sa suportang pananaliksik/inobasyon at praktika ay pangagasiwaan ng mga itinalagang panelista para sa aktibidad na ito. Sa puntong ito ay susuriin ang full/short paper (para sa siyentista) o kabuuang dokumentasyon (para sa magsasaka) batay sa mga konsiderasyon na nakasaad sa susunod na bahagi. Dito ay malalaman na rin ang may tatlong pinakamatataas na marka sa bawat track na siyang magpi-presenta ng kanilang pananaliksik na gaganapin online sa ika-5 ng Mayo, 2021.
Ang huling antas ng pagtatasa ay isasagawa naman ng mga miyembro ng Board of Trustees ng MASIPAG upang piliin ang mga karapat-dapat na makatanggap ng Gawad Ka Pecs. Ang tatlong mayroong pinakamatataas na marka bawat track, base sa ebalwasyon ng mga panelista, ang may pagkakataong makatanggap ng parangal. Ang mga pagkilalang ito ay matatanggap ng may pananaliksik na may abanteng tagumpay na tumatagos sa teknikal at praktikal na aspeto ng agrikultura at pagpapaunlad nito.
Insentibo sa mga Mapipiling Pananaliksik/Papel
Sa bawat track, tatlong papel ang pipiliin upang makatanggap ng suporta para sa pananaliksik (research support) o sa inobasyon/praktika. Ang matatanggap na pinansiyal na tulong ay maaaring gamitin ng kalahok sa ibayong pagpapaunlad ng kaniyang pananaliksik, beripikasyon ng resulta ng pag-aaral, o para mas mapaunlad ang inobasyon/praktika. Dalawang set ng kriterya ang susundin depende sa track.
Ang sumusunod ay kriterya para sa pagtatasa ng mga pananaliksik/papel para sa siyentista:
Konsiderasyon | Bahagdan |
Layunin at Impact ng Pananaliksik Nararapat na malinaw ang layunin ng pananaliksik na nakatuon sa mga kagyat na pangangailangan. Nararapat din na nakasaad ang mga nakikitang impact nito sa lipunan, kalikasan at/o ekonomiya. | 20% |
Makakalikasan Nararapat na ang pananaliksik ay nagreresulta sa pagtataguyod ng pagpapaunlad ng likas-yaman, o kung hindi naman kaya ay walang masamang epekto sa kalikasan. | 20% |
Abot-Kaya Nararapat na ang pananaliksik o/at ang resulta at rekomendasyon nito ay hindi nangangailangan ng mamahaling materyales. Mainam kung ang mga kagamitan ay likas na makukuha bilang lokal na rekurso. | 20% |
Farmer-Led (Mapagpalaya) Nararapat na ang pananaliksik ay nagbibigay ng alternatibong kaparaanan upang paunlarin ang pagsasaka. Ibig sabihin, napapanatili ng mga mga magsasaka ang kapsiyahan sa paggamit ng rekurso, teknolohiya, at kaalamang akma sa kaniyang sakahan, bagay na kulang sa kumbensyunal na tipo. | 15% |
Maaaring ilapat sa ibang konteksto (Transferability) Nararapat na ang pananaliksik ay may oportunidad na mailapat sa ibang konteksto, sitwasyon o populasyon. | 15% |
Kalidad at linaw ng presentasyon ng mga konsepto/pagkakasulat Nararapat na ang mayroong pagtatangi sa kalidad at linaw ng presentasyon kung saan isinaalang-alang din nito ang pangunahing benepisyaryo nito na mga magsasaka. | 10% |
Kabuuang Marka | 100% |
Ang sumusunod ay kriterya para sa pagtatasa ng mga pananaliksik/papel para sa magsasaka:
Konsiderasyon | Bahagdan |
Layunin at Impact ng Inobasyon/Praktika Nararapat na malinaw ang layunin ng inobasyon/praktika na nakatuon sa mga kagyat na pangangailangan. Nararapat din na nakasaad ang mga target na benepisyaryo, at ang aktwal na nabebenepisyuhan nito. | 20% |
Makakalikasan Nararapat na ang inobasyon/praktika ay walang masamang epekto sa kalikasan. Mas mainam kung ito ay makakatulong pa upang mas mapaunlad ang likas-yaman. | 20% |
Maaaring gawin ng lahat at sa iba’t ibang sitwasyon (Inclusive and Flexible) Nararapat na ang inobasyon/praktika ay maaaring gawin ng lahat, kabataan man o kababaihan. Bagama’t iba-iba ang kalagayan at sitwasyon ng mga sakahan, mainam kung ito ay naghahain ng mga paraan upang maging angkop din sa ibang sakahan. | 20% |
Abot-Kaya Nararapat na ang inobasyon/praktika ay hindi nangangailangan ng mamahaling materyales. Mainam kung ang mga kagamitan ay likas na makukuha bilang lokal na rekurso. | 20% |
Farmer-Led (Mapagpalaya) Nararapat na ang inobasyon/praktika ay nagbibigay ng alternatibong kaparaanan upang paunlarin ang pagsasaka. Ibig sabihin, napapanatili ng mga mga magsasaka ang kapsiyahan sa paggamit ng rekurso, teknolohiya, at kaalamang akma sa kaniyang sakahan, bagay na kulang sa kumbensyunal na tipo. | 20% |
Kabuuang Marka | 100% |
Ang mapipiling tatlong presentasyon na may pinakamatataas na marka (Top 3) ay makakakuha ng minimal na suporta sa pananaliksik (research support) o sa inobasyon/praktika na nagkakahalaga ng Php 5,500. Sa isang banda, ang magagawaran ng Gawad Ka Pecs ay makatatanggap ng plaque.
Para sa tatanggap ng Gawad Ka Pecs, ang sumusunod na kriterya ang magiging basehan ng mga representatives mula sa BOT:
Kriterya | Bahagdan |
May pagtatangi sa kondisyon at kalagayan ng mga maliliit na magsasaka | 30% |
Maaaring magamit bilang balangkas o suporta ng MASIPAG sa isa nitong mga programa | 20% |
Nagbubukas ng bagong direksyon/inspirasyon para sa mga susunod na pagsasaliksik | 20% |
Nakakakitaan ng may maaaring maging konstribusyon/epekto sa mga polisiya, pambansang programa | 15% |
Tumatagos sa iba’t ibang disiplina ng agrikultura | 15% |
Kabuuang Marka | 100% |
Tipo ng Presentasyon
Ang aktibidad na ito ay layong bigyang plataporma ang mga lathala patungkol sa agrikultura na may natatanging pagtatanghal at pagkilala sa likas na dunong at pagiging malikhain ng indibidwal/grupo. Bilang ang mga ito ay naglalayong maging kapaki-pakinabang sa mas malawak na bahagi ng lipunan, partikular sa mga magsasaka, pinapaalalahanan ang lahat na gawin ang presentasyon sa paraang madaling mauunawaan.
Para sa presentasyon ng inobasyon/praktika, maaaring maging malikhain ang mga magsasaka sa presentasyon ng mga ito. Mangyaring iparating lamang sa organisador ng gagamiting paraan sa presentasyon.
Paglalathala at Presentasyon
Ang mga papel ay kokonsolidahin at sisinupin upang gawing isang libro at ilalathala sa Pambansang Aklatan ng Pilipinas, kung saan ang libro ay magkakaroon ng serial number ng International Standard Book Number (ISBN). Marapat na malinaw para sa kalahok na ang libro ay hindi kinokonsiderang journal.
Ang presentasyon ay isasagawa online at ibubukas sa publiko kung saan ang mga dadalo at mga panelista ay maaaring magtanong sa presenter at maaari ring magbigay ng komento/suhestiyon sa pananaliksik/papel.
Iskeydyul ng mga Aktibidad
Aktibidad | Petsa ng Implementasyon |
Pagtanggap ng mga abstract/maikling dokumentasyon | February 6, 2021 |
Huling araw ng kumpirmasyon (at mga komento/rekomendasyon) na tanggap ang mga isinumite | February 20, 2021 |
Paggawa at pagpapasa ng pinaunlad na abstract, full/short paper; maikli at kabuuan ng dokumentasyon | February 21-March 7, 2021 |
Pagtatasa | March 8-April 19, 2021 |
Programa at presentasyon | May 5, 2021 |