Participatory Guarantee Systems: Isang introduksyon

January 22, 2021

by MASIPAG National Office

Ano ang Participatory Guarantee System (PGS)?

Ang PGS ay isang lokal na sistema ng sertipikasyon kung saan ang produkto ay binibigyang garantiya ng mga magsasaka, mamimili at iba pang stakeholders ng organikong agrikultura. Ang proseso ng pagsertipika ay nakabase sa pundasyon ng pagtitiwala, social network at palitan ng mayamang kaalaman.  Mahalaga ito sa patuloy na paglawak at pag-unlad ng organikong pagsasaka at agroekolohiya.

Kailan ito nagsimula?

Matagal nang mayroong mga grupong nagsasagawa ng PGS sa iba’tibang bansa noon pa mang 1970s. Ngunit, ang terminong ‘Patricipatory Guarantee Systems’ ay napinal lamang noong 2004 sa isang Alternative Certification Workshop sa Torres, Brazil. Pinangunahan ito ng IFOAM – Organics International at Latin America Agroecology Movement (MAELA), mga internasyunal na samahan ng mga nagsasanay ng organikong agrikultura, at dinaluhan ng mga kinatawan mula sa 20 bansa.

Mayroon ba nito sa Pilipinas?

Maraming samahan ang nagtataguyod ng PGS sa Pilipinas. Isa na rito ang MASIPAG – isang pambansang network na pinangungunahan ng mga magsasaka, katuwang ang mga non-government organizations at mga siyentista – na siyang tumatayong National Secretariat ng PGS Pilipinas. PGS Pilipinas ang pinakamalaking network ng PGS practitioners sa buong bansa na pormal na inilunsad noong 2013 at nairehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) noong 2015. Mula 2004 hanggang sa kasalukuyan ay malaki ang kontribusyon ng PGS Pilipinas at MASIPAG sa pagpapalawak ng PGS sa mga probinsiya, munisipalidad, siyudad at mga civil society organizations sa bansa. Sa kasalukuyan ay mayroon itong 16 miyembrong organisasyon habang ang ibang grupo ay nasa proseso ng pagpapa-miyembro.

Bago pa man ito, naitatag na ang lokal na programa ng MASIPAG na MFGS o MASIPAG Farmers’ Guarantee System noong 2004.

Paano ito isinasagawa?

Walang iisang paraan ng pagsasagawa ng PGS, ngunit itinuturing ang solido at aktibong organisasyon o grupo bilang isa sa mga elemento at criteria na dapat masunod, upang matiyak ang pag-iral ng PGS. Ang grupo ay pinangungunahan ng mga magsasaka katuwang ang mga lokal na mamimili, NGO, lokal na yunit o ahensya ng gobyerno, grupo mula sa simbahan, akademya, at iba pang tagapagsulong ng organikong agrikultura at PGS. Mahalagang tiyakin ng grupo na nagkakaisa ang mga kasapi nito sa layunin at direksyon.  Bubuuin sa loob nito ang mga komite na magpapadaloy ng PGS – mula aplikasyon, monitoring at peer review hanggang sa approval. Upang maseguro ang integridad ng mga organikong produkto, kinakailangang sundin ang Philippine National Standards for Organic Agriculture (PNS OA) bilang minimum na pamantayan. Ang PGS ay hindi lamang dapat tingnan sa usapin ng sertipikasyon kundi kung papaano ito makatutulong sa pagpapalawak at pagpapaunlad ng organikong agrikultura sa kabuuan nang makaambag sa lokal na seguridad sa pagkain at sa pagsusulong sa karapatan ng mga magsasaka.