Bukang Liwayway sa Brgy. Bisaya

February 4, 2021

by MASIPAG National Office

Sa Brgy. Bisaya, Calaca, ang hangin ay sariwa, lupa ay mayaman, at ang mga tao’y may kinagisnang tahimik at mapayapang pamumuhay.

Noong madaling araw ng Enero 17, binagtas ng mga kawani ng MASIPAG ang kalunsuran; iba’t ibang gusaling bumabalot sa malalapad na kalye habang tanaw ang bukang-liwayway sa kalangitang may halong usok at ikinakwadro ng sala-salabid na kable. Gayunpaman, sulit na rin ang tatlong oras na byahe dahil pagdating sa pinaroonan ay nakalanghap muli ng presko’t malamig na hangin, nakakita ng magandang tanawin, at magiliw na sinalubong ng mga lokal. 

Mainit ang pagbati ni Asha Peri sa MASIPAG nang marating nito ang tila naligaw na workshop center sa Brgy. Bisaya, Calaca, Batangas. Si Asha ang nagsilbing host sa dalawang araw na pamamalagi ng MASIPAG, kung saan ang kalakhan ng mga diskusyon at aktibidad ay isinagawa sa Be-Leaf farm, ang kaniyang bukid na nagsisilbi ring sentro ng pagsasanay.

Unang bukang liwayway sa Calaca

Mula Los Baños, tumungo ang MASIPAG sa Calaca upang magtalakay ng MASIPAG Orientation on Sustainable Agriculture (MOSA) sa lokal, mag-aral at bumisita sa mga bukirin para sa kaalaman at bahaginan ng mga pamamaraan. Sa pangunguna ni Joel Abrao, farmer-trainer at area coordinator ng MASIPAG Luzon, at Asha Peri, guro ng plant-based na pagluluto at ng mga adbokasiya sa usaping organiko, inilunsad ang MOSA sa unang araw na sinundan ng pagbisita sa mga lupang maaaring taniman sa sumunod na araw. 

Sa unang yugto ng diskusyon ng MASIPAG, nagpalitan ng karanasan sa pagsasaka ang mga dumalo. Kawangis ng naging karanasan ng mga magsasaka sa buong bansa, malaki ang naging epekto ng Green Revolution sa mga magsasakang Batangueño. Napalitan ang kasanayang bayanihan ng pagkakakanya-kanya dala na rin ng mga teknolohiya, binhi at makinaryang ipinakilala, kasabay ang pagkontamina ng lupa dahil sa mga kemikal na input. Dahil sa dahilig o slope na katangian na topograpiya ng Calaca, marami sa mga magsasaka ang nagtatanim ng mais, kahalili ng palay. Bagama’t may mga nananatili pa rin sa organikong pagsasaka, mayroong mga hindi naiwasan ang paggamit ng glyphosate na maaring magdulot ng pagkasira at tuluyang pagguho ng lupa. 

Kasabay ng mga paminsa-minsang biruan, nagkaroon ng pagpapalalim sa pambansang kalagayan ng agrikultura, at pagbabalik-tanaw sa kasaysayan nito sa pangunguna ni Dr. Chito Medina, partner-scientist ng MASIPAG. Kasunod nito, ipanakilala sa mga dumalo ang prinsipyo at programang MASIPAG, pati ang kahalagahan ng likas-kayang pagsasaka.

Bago matapos ang programa, masiglang ibinahagi ni Nanay Virgie Nazareno ang kanyang mga natutunan at karanasan nang siya ay maging parte ng MASIPAG.  Tumatango bilang pagsang-ayon ang mga nakikinig, ngunit tanong nila- “paano namin ‘yan gagawin kung walang lupang isasaka?” Ani ‘nay Virgie, “magtanim ka lang nang magtanim, ‘di mo naman aangkinin ang lupain.” Bawat isa ay nagpakita ng tipid na ngiti, hindi sigurado sa dapat isagot, habang  tinitikman ang dala ni ‘nay Virgie na cassava chips, produkto ng kolektibong pagtutulungan ng kinabibilangan niyang Kiday Community Farmers Association. 

Katulad ng ibang MOSA, hangad ng MASIPAG na makapagpalawak ang kasapian nito upang isulong ang organikong agrikultura. Upang planuhin ang mga susunod na hakbang, tanong sa lahat ang kanilang interes na bumuo ng organisasyong magiging kasapi ng MASIPAG. May mga umiling at nagsabing susuporta na lamang, ang iba ay hindi sigurado, habang ang natitira ay nagpakita ng interes na patuloy na matututo at maging miyembro ng MASIPAG. Sa pangunguna ng ilang may interes, nagtakda ng kasunod na pulong para sa mga nais bumuo ng organisasyon. 

Paglalagalag sa pangalawang araw

Kasama ang mga lokal ng Calaca, umikot sa mga malapit na mga bukirin ang mga kawani ng MASIPAG kasama ang iba pang kabataan noong sumunod na araw. Nagbahaginan ng kaalaman, praktika, at mga istorya ng pamumuhay ang mga lokal, gayundin ang mga bisita. Sa parte ni Joel, ibinahagi niya ang mga halimbawa at karanasan upang paunlarin ang bukirin at mga paraan kung paano maisasagawa ang likas-kayang pagsasaka. Ibinida niya ang mga praktika ng organikong pagsasaka bilang susing pamamaraan upang makawala sa tanikala ng paggamit ng mga nakalalasong kemikal at pagbili ng mga binhing ipinalaganap ng malalaking korporasyon. Nadaanan ng grupo ang mga lupang mayroong tanim na mais na salitang pinagtatamnan ng palay. 

Bago magpatuloy sa mahabang lakaran, nagpahinga muna ang lahat sa isang kubo na puno ng mga bagong aning mais; sa isang sulok nito ay nagkaroon ng mabilisang leksyon sa paggawa ng sigarilyo mula sa pinatuyong tobako. Walang maliw ang bahaginan ng kaalaman habang inilalahad ni Dr. Chito ang importansya ng pagprotekta at pagpapayabong ng lokal na kaalaman at mga praktika. Ani niya, ang mga magsasaka ay mga siyentipiko rin na may kakayahang paunlarin ang sistema ng pagsasaka. 

Paglisan ng Brgy. Bisaya

Busog ang MASIPAG staff at mga lokal ng Calaca sa inuwing kaalaman at karanasan. Sa huli, nadama na buhay pa rin ang kulturang bahaginan sa porma ng kaalaman at pang-laman tiyan. Hindi natatapos ang mga kwentuhan sa loob ng mga pormal na diskusyon bagkus ipinagpapatuloy ang mga ito sa hapag kainan, bukirin, at kung saan man mapunta. Tumatak mula sa mga palitang ito ang mga pagsubok na kinakaharap sa pagsasaka: ang ‘di patas na pagpe-presyo dala ng pagsasamantala ng mga ahente o middleman, kawalan ng lupang maaaring sakahin, at dominasyon ng mga transnasyunal na kumpanya sa agrikultura.

Sa parte ng mga nakiisang kawani ng MASIPAG, dala ang pag-asang yayabong ang kasanayan ng mga lokal ng Calaca sa organikong agrikultura. Tulad ng malamig na hanging humahampas tuwing madaling araw, nawa’y madala nito ang agam-agam sa mga lokal at masubukan ang isang maaraw na umaga sa lupang tinatamnan. 

(isinulat nina Patrick dela Cueva, Juan Sebastian Evangelista, at Reina de Borja)