
˝Ang bansang pinapatay ang kanyang mga magsasaka, ay bansang gutom.˝
Bumungad sa atin ngayong 2021 ang lubhang pagtaas na presyo ng mga bilihin, lalo na ang karneng baboy at iba pang pagkain. Ang nasabing pagtaas ng presyo o tinatawag na inflation ay nagsimula sa huling dalawang kwarto ng 2020 na nagpapatuloy hanggang ngayong unang buwan ng 2021. Pumapalo na sa ₱400 kada kilo ng karneng baboy habang ang karne ng manok naman ay naglalaro na sa ₱190-200 kada kilo. Hindi rin nagpapahuli ang gulay sa pagsirit ng presyo nito. Ang kasalukuyang presyo ng pagkain ay lubhang napakalayo sa ipinangako ng administrasyon ni Duterte na papababain ang presyo ng pagkain.
Ang walang humpay na pagtaas sa presyo ng mga bilihin, lalo na sa pagkain, ay resulta lamang ng isang sistema ng argikultura na batbat ng krisis at walang pagtanaw upang tunay na maging self-reliant. Patuloy na kinakatangian ito ng corporate dominated na agrikultura na pinalala pa neoliberal policies, sa ilalim ng katagang ‘free market’ ng World Trade Organization.
Nagmimistulang tambakan ang Pilipinas ng produktong agrikultural gaya ng mga pribadong mga binhi, mamahalin at nakalalasong inputs, ‘di akmang teknolohiya at gayundin ng highly subsidized surplus products gaya ng bigas, habang walang humpay nagpapalit gamit ng mga sakahan para gawing mga plantasyon gaya ng saging, pinya atbp na sa katunayan ay food crops para sa pangangailangan ng ating mamamayan.
Maiuugat dito ang malubhang krisis sa pagkain ng bansa, ang mga patong-patong na programa at polisiya ay hindi para lumikha ng pagkain para sa mga Pilipino kundi magkamal ng kita para sa mga korporasyong lokal at dayuhan. Dahil hindi self-reliant at self-sufficient, damang dama ng mamamayan ang epekto ng problema sa supply at demand gaano man ito kaliit. Isama pa dito ang potential biosafety problems dala ng importation ng mga produktong agrikultural.
Gaya ng nangyayari ngayon sa industriya ng baboy, idinadahilan ng administrasyon na ang dahilan ng pagtaas sa presyo ng karneng baboy ay dahil sa pagkalat ng African Swine Fever (ASF) na tumama sa bansa. Sa biglang tingin, nakaapekto nga ang ASF sa presyo ng baboy sa konteksto ng supply at demand sa dami ng mga naapektuhang hog raisers. Subalit kapos ang ganitong pagtingin. Sa kabila ng masiglang produksyon ng baboy sa bansa, nagkaroon ng ASF dahil sa pag-angkat ng karne ng baboy at iba pang meat products dala ng ating pagsandig sa polisiya ng liberalisadong agrikultura. Dagdag pa riyan ang lubhang napakaluwag na mga quarantine protocol at ang tila pagpapabaya ng Bureau of Customs na nagbigay puwang na makapasok ang mga kontaminadong karne at meat products.
Noong 2019 naitala ang pagkalat ng ASF sa ibang bansa kaya noon pa lang ay nagbigay na ng babala ang MASIPAG Mindanao na ang patuloy na maluwag na pagpasok ng imported na karne ay maglalagay lamang sa industriya ng baboy ng bansa sa alanganin. Gayundin minungkahi noon pa man na may pangangailangan para magbalangkas ng plano at maisaayos ang kaseguruhansa pagkain ng bansa, kung saan mahalagang bahagi ang pagpapalakas sa livestock industry. Nakalulungkot sapagkat hindi ito pinakinggan ng kasalukuyang administrasyon, habang tuloy-tuloy ang importasyon at smuggling ng karne na nagbigay daan sa pagpasok ng karne na kontaminado ng ASF. Ito ang nagbigay daan para makapasok at kumalat ang ASF sa bansa.
Para ampatan ang pandemya sa baboy, pinahigpit ang pagbyahe ng produktong karne, maging ang pag-aalaga ng baboy. Nangangamba ang mga maliliit na mga babuyan o backyard hog raisers sa agam-agam rito sa Mindanao na posible silang pagbawalan na mag-alaga ng baboy dahil sa patuloy na pagkalat ng ASF. Mayorya ng supply ng karneng baboy sa Mindanao ay nagmumula sa mga maliliit na hog raisers. Kung mangyayari ito, lalong tataas ang presyo ng karne. Sa aming pagtingin, hindi solusyon para sa ASF ang pagbabawal sa maliliit na babuyan, at malinaw na atake ito sa karapatan ng maliliit na magsasaka sa hanap-buhay. Nag-aalala din ang mga consumers sapagkat maaaring hindi na bumalik ang presyo ng karneng baboy sa dati nitong halaga.
Gayunman, ang nakikitang solusyon pa rin sa kasalukuyan ay mag-import pa ng mas maraming karneng baboy para tugunan ang local demand. Kung ganito ang magiging hakabang, iikot ng iikot lamang ang ating problema sa ating livestock industry at malinaw na ito ay band-aid na pamamaraan lamang. Lalo ring hindi solusyon na ipagbawal ang maliliit na mga babuyan.
Nanatili pa rin ang malaking pangangailangan na magbuo at magbalangkas ng isang pambansa at kumprehensibong plano, kasama ang mga magsasaka, para isalba ang ating livestock industry. At isang hakbang dito ay itigil sa lalong madaling panahon ang importasyon.