
Tunay nga na ang bawat bata at kabataan sa komunidad ay may ibat ibang kakayahan sa pagbabahagi ng kanilang saloobin at opinyon hinggil sa ibat ibang usapin sa ating pamayanan. Ito ay napatunayan sa ginanap na Youth Forum noong ika 27 ng Pebrero. Ito ay dinaluhan ng mga piling kabataan sa iba’t ibang panig ng Luzon.
Nagkaroon ng pagbabahaginan ang mga anak ng magsasaka patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng pagsasaka sa ating bansa. Iba’t iba man man ang naging kasagutan ay iisa ang kanilang kahangarin – ito ay ang pagsusulong ng organikong pagsasaka.

Malinaw na inilahad ng mga kabataan ang kanilang papel na ginagampanan sa usapin ng pagsasaka. Ayon sa kanila, “tayo ang tatayong ‘second-liner,’ ang magpapatuloy sa mga nasimulan ng ating mga magulang at magpapanumbalik ng maka-kalikasang pagsasaka, pagbabayanihan na may layuning magkaroon ng maayos na ugnayan ang bawat magsasaka sa ating pamayanan.”
Ika pa ng isang kabataan mula sa MIMAROPA, “Nararapat na ang mga kabataan ay tumulong sa mga magsasaka sa pagsusulong ng kanilang karapatan, makiisa at kooperasyon sa mga gawain ng organisasyon, kasama na ang pagtatanim.”

Naging produktibo ang talakayan ng bawat dumalo kung saan nakapaglatag ang kabataan ng mga aktibidad at proyekto na huhubog hindi lamang sa kanilang sarili kundi maging sa organisasyon na kanilang kinabibilangan. Nais nilang mag karoon ng mga programa na nakatuon sa interes ng mga kabataan, mapalago ang kakayahan sa organikong pagsasaka at maibahagi ito sa kapwa bata at kabataan sa komunidad.
Bilang patatapos sa aktibidad nangako ang kabataan na handa silang tumugon sa mga gampanin bilang isang anak ng magsasaka, na naglalayong isulong ang likas-kaya at organikong pagsasaka.

Pakinggan ang boses ng kabataan! Sa murang edad malaki ang ating gampanin sa pag-unlad ng argrikultura, tayo ang bubuo ng ligtas at malusog na pamayanan. Ang panawagan ng mga kabataan: mahalagang maunawaan sila, ang kanilang mga katangian at kakayahan bilang kabataan upang maging matagumpay sa kanilang gawain.
(Isinulat ni Ma. Christine N. Coronacion ng KCFA Youth, mula sa MASIPAG Luzon)