
Tulad ng nakasanayan tuwing mayroong mga gawain online, kaniya-kaniyang hanap ng mapupwestuhan para sa nakatakdang pagsasanay ang mga lider kababaihan mula sa mga samahang magsasaka sa Nueva Ecija. Dumalo at aktibong nakibahagi sa dalawang araw na palihan sa business planning/workshop ang mga samahan ng Gabay sa Bagong Pag asa ng Barangay Bagong Sikat, Cuyapa, Bugnan at Bantug mula sa Bayan ng Gabaldon at ang isa pang chapter nila sa Barangay Bungo sa bayan naman ng Gapan. Aktibo ring nakibahagi ang samahan ng SAMAKANA mula sa Barangay Malinao sa Gabaldon at ang ILAW mula naman sa Bayan ng Palayan sa kaparehong probinsya. Kahit paminsan ay nakararanas ng mabagal at limitadong signal sa internet, matiyaga silang nakinig at nakibahagi sa pamamagitan ng kanilang hiram na laptop at mga cellphone.
Pagnanais ni Nay Mara na Magpaunlad
Buhay man ang paggawa ng mga produktong veggie noodles, shing-a-ling at salabat-turmeric, hindi pa rin nila nakukuha ang optimum na kita mula sa mga ito. Ayon ito kay Nanay Mara Arcilla, pangulo ng samahang GBP ng Bantug. Dagdag pa niya, “[Sapat] na ang aming kaalaman at kasanayan sa pagluluto at paggawa ng mga produkto. Pero sa pamamahala sa isang pang komunidad ng negosyo ay mukhang kailangan pa naming magsanay at magpakahusay upang ang mga produktong aming naipo-proseso at naibebenta bilang dagdag kabuhayan ng aming mga miyembro sa samahan ay matiyak na hindi palugi o walang sapat na kita.”
Bahagi ng pagpapaunlad ng mga People’s Organization ng MASIPAG Luzon, at kasaping PO mula sa Nueva Ecija at ni ‘Nay Marah na ipagpatuloy ang mga aktibidad nito sa kabila ng pandemya. Ang pagsubok ay nagiging pasakit dala ng dobleng bigat ng pandemya at kahirapan kaya maraming pamilya, lalo na sa mga nanay, ang paghahanap ng dagdag kita upang maibsan ito.
Kaya naman, upang makatulong sa paghahanap ng mga paraan ng pagpapalakas ng kanilang mga pang komunidad na negosyo, matagumpay na nailunsad ang Business Planning Workshop sa mga kasaping PO ng MASIPAG Luzon sa probinsya ng Nueva Ecija noong Pebrero 25-26, 2021.
Pagpapaunlad sa pamamagitan ng Business Plan
Bago ang talakayan, nagkaroon muna ng pag-alam sa sitwasyon ng kani-kanilang gawain sa kabuhayan. Nagbahaginan ng kani-kaniyang karanasan ang bawat grupo sa gawaing processing at pagsasapamilihan kung saan umangat ang mga suliraning kawalan ng mga taong gagawa ng mga produkto, kakulangan ng materyales, pati na rin ng merkado. Ani ‘Nay Marah, “Feeling [Pakiramdam] po namin parang may kulang pa sa aming ginagawa at minsan nararanasan pa namin na hindi kami makapag-proseso ng aming produkto dahil nagiging suliranin namin halimbawa ang kawalan ng mga miyembrong makikibalikat para sa gawain sa pagpoproseso at parang mababa o maliit ang aming kinikita o tinutubo.”
Bilang mga ilaw ng tahanan, unawa nila ang dagdag responsibilidad sa kanilang mga kasama sa grupo na may mga inaalagaang anak at tumutulong sa mga modyul sa eskwela. “Minsan po hindi makapunta sa processing area yung ilang mga myembro na nakatoka sana sa paggawa nung araw na iyon. Kasi ang rason, lalo na ngayon, ay kailangang unahin yung pagtuturo sa mga anak na mayroong module sa bahay,” pagbabahagi ni Nanay Sabel, lider ng GBP Cuyapa.
Bagama’t mayroon iba’t ibang lebel ng sigla sa mga ganitong gawain ang bawat PO, malaki ang potensyal ng pagkakaroon ng maayos na business plan upang mas mapalago pa ang pagbebenta ng kanilang mga produkto tulad ng mga handicraft, banana chips, turmeric, salabat, pastillas, kendi, coco jam at walis tambo at tingting.

Hindi mag-maliw ang mga “Oo nga…”, “Maganda nga yang gawin…” habang tinatalakay ni Rowena “Weng” Buena, MASIPAG Luzon Regional Coordinator at tagapagsalita, ang mga mahahalagang punto sa paggawa ng business plan, base sa apat na salik nito: pagsasapamilihan, produksyon, organisasyunal at pinansyal. Upang hindi malimutan ang diskusyon sa unang araw, kaniya-kaniyang sulat ng mga importanteng punto sa dala-dalang kwaderno ang mga kalahok, habang ang iba naman ay kinukunan sa cellphone ang slides ng presentasyon.
Gamit ang mga natutunan sa unang araw at mga naipong karanasan bilang mga nanay, nagkaroon ng presentasyon ng mga inihandang burador na business plan ang mga kalahok. Ilan sa mga lumitaw na plano ay paggamit ng social media at pagpapatikim bilang estratehiya sa promosyon ng produkto, paglalagay ng ibat ibang kulay sa walis upang mas maging kaaya-aya, paghingi ng tulong mula sa LGU para sa kapital, paggamit ng iba’t ibang materyales para sa packaging at paggamit ng iba-ibang disenyo base sa target na kustomer o konsumer.
Sa dalawang araw ng pagpaplano at workshop, litaw ang mahalagang papel ng organisasyon sa kabuuan. Bagama’t maaaring planuhin at i-atas ang iba’t ibang gawain, magiging matagumpay lamang ang mga ito sa aktibong pakikiisa ng mga kasapi. Wala nang mas matibay pang sandingan kundi ang matibay na organisasyon na may iisang layunin at sama samang humahakbang.
Impluwensiya ng Kababaihan
Sa masayang pagtatapos ng aktibidad, sinigurado ng mga kalahok katulad ni Nanay Teresita Valdez, miyembro ng SAMAKANA, na ang kanilang mga natutunan ay kanilang gagamitin at ibabahagi sa mga kasama nila sa PO. Iba’t iba man ang katangian ng mga grupo ng magsasakang MASIPAG, hindi maaalis ang mahalagang parte o papel ng kababaihan sa mga gawain nito. Liban sa pakikiisa sa produksyon, nagniningning ang kanilang galing sa aspeto ng pamamahala at pangangasiwa. Dala ang likas na maarugang katangian, maingat at episyente nilang pinagkakaisahan at ipinatutupad ang mga gawain habang nagiging mapagkonsidera sa kakayahan ng bawat miyembro.
Tunay ngang hindi lamang tahanan ang nabibigyang liwanag ng mga kababaihan. Gamit ang kanilang galing at pakikiisa sa mga gawain ng grupo, napayayabong ang organisasyunal na rekursong tumatagos sa sigla ng buong komunidad. Kaya naman ngayong Marso bilang paggunita sa Buwan ng mga Kababaihan, ipinapanawagan natin ang patuloy na pagsuporta sa mga karapatan at kagalingan ng mga kababaihan. Ang tuluy-tuloy na pagpapadaloy ng mga impormasyon, kaalaman, edukasyon at pagpapahusay sa kapasidad ng mga kababaihan ay susi sa pagaambag ng pag unlad sa kanayunan.
(Isinulat ni Reina Nina de Borja at Ryan Damaso.)