Isang taon, isang tanong: Paano ang mga maliliit na magsasaka?

March 15, 2021

by MASIPAG National Office

Ngayong araw noong nakaraang taon ay isinailalim ang Pilipinas sa isang lockdown. Ayon sa mga otoridad, ito diumano ay upang mapigilan ang lubos pang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Ngunit, nito lamang ay nakita natin ang muling paglobo ng kaso ng mga apektado ng pandemya, muling dumadaing ang mga frontliners sa kakulangan ng pasilidad at ospital, at humihigpit muli ang mga restriksyon. Sa isang tingin, tila ay nanunumbalik tayo sa umpisa.

Isang taon na ding pinatutunayan ng mga magsasaka, kabilang ng mga MASIPAG farmers, ang mahalagang papel nila sa paglikha ng pagkain at agrikultura bilang saligang pundasyon ng ating buhay at ekonomiya. Bagamat may kahirapan dala ng iba’t ibang polisiyang ipinataw ng IATF at kakulangan ng institusyonal na suporta, nagpapatuloy sa produksyon ang mga maliliit na mga magsasaka. Ang kanilang mga mumunting sakahan ang bumuhay sa kanilang mga pamilya, maging sa kanilang mga komunidad habang isinara ang iba’t ibang pamilihan. Ito ang nagsisiguro ng kanilang pangangailangan sa pagkain. Patunay nito ang kontribusyon ng ating mga magsasaka ekonomya, bagamat maliit, ngunit tanging ang sektor lamang ng agrikultura ang nagtala ng positibong ‘growth’ sa ating Gross National Product. Dito mas luminaw ang kahalagahan ng mga maliliit na magsasaka sa food security at rural development.

Sa kabila nito, kulang pa rin ang natatanggap na suporta ng ating mga magsasaka. At sa maraming pagkakataon, napatunayan pa ngang nakasasama ang ilan sa programa ng Departamento ng Agrikultura sa maskarang “tulong” sa mga magsasaka. Bugbog din ang ating mga magsasaka sa patuloy na pag-yakap ng ating pamahalaan sa ‘free-market’ policy ng WTO o ang liberalisasyon ng agrikultura na tuwirang sumira ng ating local production base. Kahit sa usaping ng bakuna, walang matino at konkretong plano ang departamento para sa mga “food frontliners.” Dagdag pa dito ang pagkupot ng demokratikong espasyo (civic spaces) kung saan kinikriminalisa maging ang pagtulong na siyang nilalagay sa  panganib ang buhay ng mga development workers at ng mga magsasaka.

Nakikiisa ang MASIPAG sa panawagan ng sambayanang Pilipino para sa isang mas epektibong programa sa pagharap sa pandemya at pagrespeto karapatang pantao, at isang susi rito ay ang pangangalaga sa kapakanan at karapatan ng ating mga magsasaka bilang pangunahing prodyuser ng pagkain.