
Taglay ang mayamang karanasan na nakaugat sa mahaba at malalim na pag-unawa sa kalikasan, tangan ng mga magsasaka ang likas na husay sa larangan ng agrikultura at pagpapaunlad nito. Ngunit dahil sa ganid ng mga transnasyunal na mga korporasyon, tuluyang pinakupot ng “makabagong” agrikultura ang kakayahan ng mga magsasaka at naging hamon ang pagkamit ng oportunidad upang magpaunlad.
Bilang tugon sa hamon ng mga maliliit na magsasaka para sa binhi at teknolohiyang malaya sa kontrol ng transnasyunal na mga korporasyon, pinaigting ng mga siyentista ang pakikipag-ugayan sa mga magsasaka. Ito ang nagbigay-daan sa pagkakatatag ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikutura o MASIPAG noong 1985; katuwang ang Non-Government Organizations.
Isa sa mga programa ng network ang Farmers Developed and Adapted Technology (FDAT) kung saan mas tumingkad ang husay ng mga magsasaka bilang mga siyentista.
Farmers Developed and Adapted Technology
Mataas ang pagkilala ng MASIPAG sa kaalaman at kakayahang taglay ng mga magsasaka; gaya na lamang ng pagtuklas at pagpaparami ng mga binhing matibay sa kalamidad gayundin ng mga angkop na pamamaraan sa pagsasaka na tumutugon sa hamon ng pabagu-bagong panahon. Napaninindigan at napagpapatotoo ang mga tuklas at inobasyong ito na may sistema at praktikal na aplikasyon. Sa pagsisimula pa lamang ng MASIPAG ay matingkad na ang siyentipikong katangiang ipinamalas ng mga magsasaka na hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy.
Dahil sa pagiging malikhain, mapamaraan at sa taglay na malasakit para sa kapwa maliliit na magsasaka, puspusan ang pagsusumikap ng mga magsasakang MASIPAG sa pagsusuri at pananaliksik sa sariling sakahan upang kagyat na matugunan ang namamayaning suliranin. Ang mga tuklas at inobasyong ibinunga ng malikhaing isip ay itinatampok at ibinabahagi sa FDAT Forum. Ang FDAT ay konkretong ekspresyon at patunay na ang mga magsasaka ay mga siyentista.



Kuha mula sa FDAT conference ng MASIPAG Luzon, MASIPAG Visayas at MASIPAG Mindanao.
Ang mga sariling tuklas na teknolohiya na patungkol sa likas-kaya at organikong pagsasaka ay nagbibigay opsyon sa mga magsasaka; karaniwan ay sa pamamahala ng taba ng lupa o Soil Fertility Management (SFM), alternatibong pamamahala ng mga mapanirang insekto o Alternative Pest Management (APM), pamamahala ng mga halaman at lokal na lahi ng hayop, at mga paraan sa produksiyon at pagproseso. Sa nasabing forum ay ibinabahagi ng mga magsasaka ang kanilang tuklas kasama ang proseso at gamit nito habang matamang nakikinig ang mga katuwang na siyentista ng MASIPAG. Maaari itong ireplika ng ibang magsasaka at maaari rin naman na bahagyang baguhin at iangkop sa pangangailangan ng magsasaka at sa rekursong maaaring gamitin. Ang FDAT Forum ay isang aktibidad na kung saan buhay na buhay ang diwa ng malayang pagpapalitan ng kaalaman at karanasan; patunay na ang matibay na sandigan ng MASIPAG ay ang angking husay at kolektibong pagkilos ng mga magsasaka upang maigpawan ang kinahaharap na hamon.
Magsasaka-Siyentista
Sa pagsusulong ng mga programa ng MASIPAG, magkakatuwang ang tatlong sektor: ang mga magsasaka, mga NGO, at mga siyentista. Ang mahalagang suporta ng mga siyentista sa mga magsasaka ay higit na napatitingkad sa programang FDAT sa pagsusumikap na gawing malinaw at madaling maunawaan ang mga teorya sa likod ng mga praktika. Kasama ang iba pang siyentista, binibigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na ibahagi ang kanilang mga tuklas at inobasyon hindi upang balewalain at hindi kilalanin kundi bigyang lohika, basehan at upang ibayong paunlarin. Bagama’t mas nakatutok ang FDAT sa teknikal na usapin, ang ugnayan at pagtutulungan sa pagitan ng mga magsasaka at siyentista ay hindi lamang sa natural science kundi maging sa agham panlipunan o social science.
PRAKSIS
Upang patuloy na palawakin ang espasyo para sa bahaginan ng sektor ng magsasaka at siyentista, isinagawa ang kumperensyang pinamagatang PRAKSIS: Pagtatagpo ng Teorya at Praktika noong Mayo 4 at 5, 2021. Sa aktibidad na ito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga siyentista at magsasakang nagpasa ng kanilang mga papel at dokumentasyong may temang agroekolohiya at soberanya sa pagkain, upang ibahagi ang kanilang pananaliksik at praktika/inobasyon. Bilang pagkilala, ang Gawad Ka Pecs ay inihandog sa mga napiling papel mula sa scientists-track at farmers-track.
Sa pagsasara ng isang produktibong aktibidad, ito ang naging mensahe at hamon mula kay Propesor Marion-Jimenez Tan:
Bakit Gawad Ka Pecs?
Maliban sa paggunita ng kaarawan ni Perfecto Vicente noong ika-5 ng Mayo, ipinagdiriwang din ng buong MASIPAG at ng lahat ng nabigyang-inspirasyon ni ka Pecs ang mayamang kontribusyon niya sa MASIPAG at sa larangan ng likas-kayang pagsasaka. Bukod sa pag-iingat at pagpapaunlad ng libong klase ng palay at pagbibigay ng pagsasanay sa mga magsasakang MASIPAG, naging tanyag at nagsilbing inspirasyon ang dedikasyon ni Ka Pecs sa organikong pagsasaka at paglilingkod sa magsasaka maging sa labas ng MASIPAG.
Ang galing, talino, katanyagan ni Ka Pecs ay inilaan n’ya sa paglilingkod sa magsasaka at sa pagsusulong ng likas-kayang pagsasaka; ani Ka Pecs. “Ang paraan natin ng pagpapalahi (ng palay) sa MASIPAG ay nakabatay sa lakas ng mga halaman at lakas ng mga magsasaka; nakabatay sa lakas ng magsasaka o farmer’s empowerment. Maliban sa pagtatakda ng sarili sa farmers empowerment, si Ka Pecs ang huwaran o modelo natin ng isang farmer-scientist na may malalim na praxis.
Ano ang praxis?
Para sa MASIPAG at sa mga nagsusulong ng farmer-led at people-centered development, napakahalaga ng sinasabing ‘praxis’ – ang pag-usbong ng teorya mula sa praktika at ang paggabay sa praktika ng teorya. Pinaliwanag ni Paulo Freire, isang Brazilian activist na matagal kumilos sa hanay ng mga magsasaka, ang salitang ‘praxis’ sa kanyang aklat na Pedagogy of the Oppressed: ang praxis ay cycle o paulit-ulit na proseso ng praktika, repleksyon, pagbuo ng teorya, at paglapat ng teorya sa praktika. Ang mananaliksik o siyentista na may ‘praxis’ ay naniniwalang walang neutral na syensya o pananaliksik.
Sa MASIPAG, ang mga praktika, mga programa, ang sinusulong na peasant science ay contextualized o constructivist – Contextualized dahil nagmumula sa partikular na sosyo-kultural, ekonomik at politikal na konteksto ng mga magsasaka at mamamayan, Constructivist dahil nagmumula sa praktika, konkretong karanasan, mga suliranin at pagsusuri, mga adhikain, at kasaysayan ng pagkilos ng uring magsasaka. Mula sa mga magsasaka na ‘agents of change’, nangangahulugan na hindi sila passive recipients o pasibong tagatanggap lamang ng mga teorya o teknolohiya. Bagkus, sila ay bumuo ng mga teorya, ng mga syensya at teknolohiya mula sa kanilang praktika, at sumusunod din sa proseso ng masusing obserbasyon at konklusyon, sa sanhi at epekto, at sa mga hindi sinasadyang pagkatuklas, katulad ng ginagawa ng mga magsasaka at magsasaka-siyentista ng MASIPAG sa mga trial farm at sa kanilang mga FDAT.
Susi sa isinasagawang mga agricultural technology ng mga MASIPAG farmer-scientists ay ang ‘utility’ practical use, at replicability nito upang magamit ng mas nakararami. Dahil sa ang pagtanaw at tunguhin ng MASIPAG sa isinusulong nitong siyensiya at teknolohiya ay panlipunang pagbabago at pagtamo ng maayos na buhay para sa nakararami, binabahagi ng MASIPAG ang mga pag-aaral na ito upang pakinabangan ng mas nakararami dahil sa MASIPAG, ang mga tuklas at inobasyon ng mga magsasaka ay common property.
Panawagan at Hamon
Sa mga inilulunsad na forum ng MASIPAG tulad ng PRAKSIS: Pagtatagpo ng Teorya at Praktika, naibahagi ang mga pananaliksik, pag-aaral, inobasyon kaugnay sa agricultural technology development na napakahalaga sa pagsusulong ng agroekolohiya. Ang isinusulong na pamamaraan sa farmers’ empowerment at pag-unlad sa kanayunan ay kombinasyon ng pag-unlad ng likas-kayang teknolohiyang agrikultural gayundin ng organisasyunal. Mahalaga ring mapalakas ang science and technology na makapanghihikayat ng patuloy na bayanihan, ng kolektibong paggawa at pagkilos, ng pagpapalakas ng samahan na balon ng kolektibong pagkamalikhain at mapamaraan ng mga magsasaka.
Kung kaya panawagan ng MASIPAG sa mga siyentisa, mga mananaliksik, mga magsasaka-siyentista na magpatuloy sa pagsasagawa ng mga pag-aaral, inobasyon at manghikayat ng marami pang iba. Paigtingin at suportahan ang siyensiyang mula sa magsasaka, tungo sa magsasaka.