Sa larangan ng likas-kaya at organikong produksyon, relatibong abante ang mga magsasakang MASIPAG. Sa katunayan, umabot na ito sa puntong nakalilikha ng surplus o produksyong labis sa konsumo ng pamilya. Dahil dito, nagpatuloy ang pag-unlad ng mga PO sa usapin ng lokal na pagsasapamilihan ng kanilang mga produkto. Sa paunang yugto ng pagpasok ng mga PO sa gawaing pagsasapamilihan, walang naging pagtatangi o pagpapahalaga sa mga organikong produkto ng mga PO sa hanay ng mga treyder at mamimili; naihahalo lamang ito sa mga produktong ani mula sa kumbensyunal na pamamaraan ng pagsasaka. Dahil kinikilala ng MASIPAG ang produksyon at gawaing pangkabuhayan bilang mahalagang salik sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga magsasaka, ibinukas sa kasapian ang konsepto ng alternatibong pamilihan at organikong sertipikasyon o alternative market and certification.
Umusbong ang MASIPAG Farmers’ Guarantee System (MFGS), isang adaptasyon ng Participatory Guarantee System o PGS, bilang tugon sa usapin ng organikong sertipikasyon. Ito ay napagtibay sa isinagawang pambansang kumperensya ng MASIPAG noong Agosto 24-26, 2004 sa Kabankalan City, Negros Occidental. Mula sa sampung pilot PO o tagapangunang PO para sa implementasyon ng MFGS, alamin kung anu-anong mga paraan ng pagpapaunlad ang kanilang isinasagawa gayundin ang mga pagsubok na kanilang kinakaharap sa mga gawaing pagpoproseso, pagsasapamilihan at sertipikasyon.
Upang simulan ang serye ng kwentong produksyon at pangkabuhayan ng mga magsasakang MASIPAG, narito ang kwento ng tatlong PO mula sa Visayas.
Organikong pamamaraan sa maliit na taniman
“Kung mahal mo ang iyong pamilya, ‘wag mong papatayin,” ang laging paalala ni Aida Filone sa kapwa magsasaka upang tigilan na ang paggamit ng kemikal na input sa taniman ng pagkain. Si ‘nay Aida ay lider-kababaihang kasapi ng Katilingban kang Mangunguma kag Mamumugon sa Bongbongan II (KAMMABO) na PO sa Antique. Sa liit ng lupa ng mga magsasaka sa Visayas, nakukulong ang iba sa pag-iisip ng pagsandal sa kumbensyunal na paraan ng pagsasaka, kung saan inaasa ang ilusyon ng siguradong ani sa paggamit ng kemikal.

Sa kabila nito, ang KAMMABO, kasama ang Tuyom Small Farmers Association (TUSFA) at Buhi nga Aksyon para sa Kauswagan kag Pag-amlig sang Seguridad sang Mangunguma kag Mamumugon (BAKAS) sa Negros, ay ilan lamang sa mga PO na patuloy na nagpapaunlad upang makapag-transisyon ang lahat ng kasapi nito sa organikong pagsasaka. Sa kasalukuyan marami sa mga kasapi ng BAKAS ang nagsasapraktika ng Diversified Integrated Farming System o DIFS na isang komponente ng likas-kayang pagsasaka. Sa pamamagitan ng DIFS, nagkakaroon ng integrasyon ang samu’t saring uri ng pananim at hayupan sa bukirin sa layuning mapaunlad ang kabuuan ng sakahan gayundin ay malubos ang ganansiyang makukuha mula sa mga ito.
Iba’t iba man ang katangian ng mga PO sa Visayas, pare-pareho nilang kinakaharap ang problema sa kawalan o maliliit na lupang tinatamnan katulad ng kalakhang magsasakang Pilipino. Hindi rin nagkakalayo ang kanilang mga karanasan at aspirasyon na maka-ani ng sapat na pagkain para sa pamilya at komunidad. Upang patuloy na maka-igpaw sa mga pagsubok dala ng kawalan ng lupang sakahan, limitadong rekurso, at nagbabagong klima, ang tatlong PO ay nagpoproseso ng mga produkto mula sa sariling taniman sa layong pataasin ang halaga ng mga ito sa merkado.
Processing bilang diskarteng pangkabuhayan
Mula sa barat na presyong Php 2-3 bawat kilo ng kalabasa tuwing Marso hanggang Mayo, pinatataas ng BAKAS ang halaga nito sa pamamagitan ng paggawa ng kalabasa pancit canton. Sa kanilang pagpupursigi, naibebenta nila ito sa city hall, organic fair, at mula sa order ng mga mamimili. Mabenta naman sa mga barangay health worker at mga guro ang herbal capsule at granule ng TUSFA. Habang malaking tulong sa KAMMABO ang gawang ointment ‘di lamang para sa gamit ng kani-kaniyang pamilya, kundi pati na rin dagdag kita.

Upang mapagtagumpayan ang processing at pagsasapamilihan, integral ang pakikiisa ng mga kasapi sa gawaing ito. Ayon sa mag-asawang Merto at Victoria Arcilla ng TUSFA, sa panahong nagkukulang ang grupo sa hilaw na materyales, nagsasagawa ng herbal hunting ang organisasyon sa gubat, malayo sa mga kumbensyunal na taniman. Ang gawaing ito, kasama ang pagtatasa ng naipong hilaw na sangkap gamit ang batayang organiko, ay posible dahil may aktibong komiteng nagtitiyak nito. Hindi rin nawawala ang pagpaplano nito sa buwanang pulong.


Dahil sa mataas na pagkilala sa kahalagahan ng organisasyunal na rekurso, naglalaan ng porsyento ang KAMMABO at BAKAS sa neto ng kanilang kita mula sa processed na produkto. Ang 10-15% na parte ng organisasyon ang siya namang nagagamit sa pagpapaunlad ng grupo upang hindi lamang mga indibidwal na kasapi ang umasenso. Ipinatutupad ng samahan ang kaisahang ito habang tinitiyak na patas para sa mga mamimili ang kanilang pinapataw na presyo. Manipestasyon ito na naisasabuhay nila ang natutunan mula sa pagsasanay na business planning habang sinusunod ang prinsipyong “tao muna bago kita”.

Pagdalo ng TUSFA at BAKAS sa workshop na Financial Management,
Business Planning, at Financial Recording.
Bahagi ng patuloy na pagpapaunlad ng mga PO ang pag-igpaw din sa pagsubok na dala ng pandemya. Sa gitna ng kasalukuyang kalagayan, pilit na hinihimok ng mga aktibong miyembro ang iba pang kasapi na makiisa sa mga aktibidad upang manatiling PO-led o pinangungunahan ng samahan ang pagpapasya at pagtangan sa responsibilidad.
Pagsisikap na mabigyang garantiya
Sa tatlong PO-led na gawaing pagpoproseso, ang sangkap na kalabasa ng pancit canton ng BAKAS pa lamang ang mayroong sertipikasyong organiko mula sa MFGS. Dahil sa sertipikasyong ito, may tiwala ang mga konsumidor na ligtas kainin ang produkto. Sa kaso ng TUSFA, patuloy ang kanilang pagpapa-peer review upang maberipikang umaayon sa organikong pamantayan ang kanilang praktika. Bagama’t tiwala ang mga mamimili sa KAMMABO na organiko ang kanilang produkto, nagsisikap pa rin ang samahan upang magawaran ng sertipikasyon.


Masalimuot ang kasaysayan ng agrikultura at usapin ng pag-aari ng lupa sa Visayas na sa matagal na panahon ay tinataniman ng tubo na ginagamitan ng kemikal na input. Hanggang ngayon ay malawak pa rin ang ganitong praktika na siyang nakakaapekto sa pagpapasertipika ng mga sakahan ng mga magsasaka. Habang patuloy na binabaka ng mga POs ang pagpapatupad ng tunay na repormang sa lupa, sa pagkakapasa ng RA 11511 na kumikilala sa Participatory Guarantee System (PGS), mahalagang hakbangin din ang pagtatag ng organic zones upang mapabilis ang pagdami ng sertipikadong sakahan. Ani ‘nay Aida, malaking problema rin ang hatak na nalilikha ng pagbibigay ng lokal na tanggapan ng kagawaran ng agrikultura sa mga magsasaka ng binhing High-Yielding Varieties at promong “Buy 1, Take 1” sa mga kemikal na abono, dahilan upang bumalik ang mga ito sa kumbensyunal na pamamaraan.
Sa pamamagitan ng MFGS, sa pangunguna ng magsasakang MASIPAG, mas mataas ang kumpiyansa ng mga magsasaka upang dalhin sa lokal na pamilihan ang kanilang mga produkto. Ngayong kinikilala na ng batas ang PGS, inaasahan din ang pagdami ng may organikong sertipikasyon sa hanay ng mga maliliit na magsasaka na lehitimong nagsasapraktika ng organikong agrikultura. “Ngayong may bagong batas, ito na ang panahon upang makilala ang mga maliliit na magsasaka, [na] tayo talaga ang nagpo-produce [ng pagkain] para sa bayan,” mensahe ni Dondon Cortez, kasapi ng BAKAS at kasalukuyang tagapangulo ng pambansang komite ng MFGS.