Kontribusyon ng mga Magsasaka sa Pangkanayunang Kaunlaran: Kwento ng mga Piling PO mula sa Luzon

July 22, 2021

by MASIPAG National Office

By MASIPAG RET

Likas sa mga Pilipino ang pagiging maaalalahanin at mapagbigay sa kapwa. Gaano man kaunti o karami ang nakahain, “Kain na,” ang laging alok sa mga bisita, pati na rin sa mga kapitbahay na napadaan lamang. Liban sa pagkain, hindi rin konserbatibo ang mga Pilipino, lalo na sa hanay ng mga magsasaka, sa pagbabahagi ng kanilang lakas paggawa upang bumayani sa taniman ng iba. Ngunit dala ng makabagong teknolohiya at kaisipang dala ng mga mga transnasyunal na korporasyon, ang mayaman na kasaysayan ng bayanihan ay unti-unting nabahiran ng pagkakanya-kanya. Natali ang mga magsasaka sa regular na pag-utang upang makabili ng high-yielding varieties (HYVs) na binhi kaakibat ng labis-labis na paggamit ng kemikal na input. Hindi maipagkakaila ang epekto ng pang-ekonomiyang pangangailangan sa sosyo-kultural na kalagayan ng pinakamalawak na batayang sektor.

          Sa pangatlo at huling yugto ng serye ng kwentong produksyon at pangkabuhayan ng mga magsasakang MASIPAG, muli nating patitingkarin ang kultura ng bayanihan at pagbabahaginan ng mga rekurso sa pagitan ng mga magsasaka, pati ng komunidad nito. Tuklasin ang makabuluhang gawi ng ilang samahan sa Luzon na nakikisangkot sa pangkanayunang kaunlaran sa pamamagitan ng organikong pagsasaka at pagsasapamilihang may malasakit sa pamayanan. Ating kapulutan ng aral ang mga prinsipyo na sa matagal na panahon ay nagpalawak sa papel ng mga mga magsasaka sa komunidad.

Pasasalamat ang handog ng mga kasaping magsasaka sa Quezon sa kanilang natanggap na tulong mula sa komunidad. Sa pangunguna ng MASIPAG Luzon, ikinasa ang Ambagan para sa SAKAHAN upang mangalap ng tulong para sa mga magsasakang naapektuhan ng Bagyong Rolly at Quinta noong 2020.

Sa pagitan ng samahan at ng komunidad

          Bagama’t masalimuot na usapin ang pangkanayunang kaunlaran, malinaw na susing komponente sa pagkamit nito ang “empowerment” sa hanay ng magsasaka. Sa kasaysayan, ang pagbawi ng kontrol ng mga rekurso tulad ng binhi, teknolohiya, kaalaman, lalo na ang lupa, ay napagtatagumpayan sa pamamagitan ng pinagsama-samang lakas. Kaya naman higit sa pagbubuo ng organisasyon, kinakailangan din ang patuloy na pagpapaunlad ng kapasidad at pagpapatibay ng samahan upang magkaroon ng lubusang ganansya, ‘di lamang sa loob ng kasapian, ngunit pati sa komunidad na kaniyang kinabibilangan.

Isa sa mga manipestasyon ng malakas na samahan ang pagsasagawa ng aktibidad pangkonsolidasyon. Binigkis ng layuning makaani ng sapat at ligtas na pagkain, nagsasaka sa organikong pamamaraan ang People’s Organization (PO) na Little Baguio Community Upland Farmers Association (LIBACUFA) ng Real, Quezon. Kaakibat ng praktikang ito ang pagsasabuhay ng katutubong kultura ng saknungan, o bayanihan. Liban sa bahaginan ng lakas-paggawa, ani Lorna Orozco, kasapi ng LIBACUFA, nagkakaroon din ng palitan ng kaalaman sa saknungan, at siya ring nagiging porma ng bonding, o pagbuo ng magandang relasyon at alaala sa pagitan ng mga kasapi.

Kahanga-hanga rin ang pagkakaisa ng Active Calpi Organic Farmers Association (ACOFA) ng Manito, Albay, kung saan ang nakahahawang lakas ng lider-kababaihan na si Evelyn Castuera ay dahilan upang maging pursigido rin ang mga kapwa kasapi. Gagap ng ACOFA ang pangangailangan ng komunidad para sa ligtas na pagkain; ani ‘nay Evelyn, “…[Y]ung mga tinatanim naming organic, talagang gustong-gusto namin na makapagbigay [nito] sa mga tao para ‘di na sila bumili.” Kwento ng grupo, ‘di man malaki ang kanilang produksyon sa pagkain, buhay na buhay ang pagbabahaginan sa komunidad upang mayroong maihapag at pagsaluhan ng lahat. Sa layuning dumami ang nagsasapraktika ng organikong pagsasaka, susi ang ACOFA sa pagkakabuo ng Jireh Organic Farmers Association sa parehong bayan.

Maliban sa pagsasaka, maraming kasapi ng MASIPAG ang gumagampan din ng iba pang papel sa komunidad. Kasama ang tagapangulong si Mara Arcilla, limang miyembro ng Gabay sa Bagong Pag-asa (GBP) Bantug sa Nueva Ecija ay bahagi ng community health workers (CHW) na siyang umiikot sa pamayanan upang malaman ang kanilang pangangailangang pangkalusugan. Ayon kay ‘nay Mara, bagaman kulang ang kanilang kagamitan, nagbigay ng tulong ang GBP Bantug, sa pamamagitan ng pamamahagi ng kanilang produkto, bilang suporta sa mga frontliner sa gitna ng pandemya. 

Tugon sa pang-ekonomiyang pangangailangan

          Mataas ang kamalayan at may malalim na pagpapahalaga ang magsasakang MASIPAG sa pagtugon sa kaseguruhan sa pagkain sa antas pampamayanan. Ngunit hindi rin naman maiaalis sa mga magsasaka ang pang-ekonomiyang pangangailangan upang magkaroon ng disente at nakasasapat na pamumuhay. Kaya naman kasabay ng pagpapaunlad ng produksyon, pinagbubuti rin ng mga samahang ACOFA, GBP Bantug at LIBACUFA ang gawaing pagpoproseso at pagsasapamilihan.

          Salabat powder ang unang processed na produkto ng GBP Bantug. Ang pagsadsad ng halaga sa bentahan ng hilaw na luya ang naging dahilan upang simulan ng grupo ang kanilang gawaing pagpoproseso. Sa ngayon, dumami na ang produkto ng samahan, kung saan nadagdagan ito ng turmeric powder, shing-a-ling, at noodles gawa sa malunggay, saluyot, at kalabasa. Anila, kapag hindi tinangkilik ng mga mamimili ang isang produkto ay mayroon pa silang alternatibong pagkakakitaan. Susi sa patuloy na aktibidad pangkabuhayan ng GBP Bantug ang planado at sistematikong hatian ng gawain mula sa pagpoproseso, pagpapakete at pagsasapamilihan.

Gumagamit ng maayos na pagtatatak at pagpapakete ang GBP Bantug sa kanilang mga produktong ibinebenta.

Nagmula naman sa sobra-sobrang ani ng cassava ang ideya ng LIBACUFA upang gawin itong bibingka. Hindi partikular ang gawaing pagpoproseso sa iisang komite bagkus ay mayroong bahagi ang bawat kasapi ng grupo. Sinisiguro ng PO na maisasama sa buwanang pulong ang pagtatalaga ng mga kasaping magiging parte ng mga itinakdaang araw ng pagpoproseso. Parte rin ng gawaing pangkabuhayan ng LIBACUFA ang pagbebenta ng mga neytib na baboy na naparami ng samahan mula sa isang barako at limang inahing donasyon ng Social Action Center, ang katuwang nitong church-based na organisasyon. Liban sa mga kasapi, ipinahiram din ng LIBACUFA ang isang pares ng neytib na baboy sa lokal na pamahalaan upang suportahan ang programa nito sa livestock dispersal.

Maliban sa pagtatanim ng organikong gulay, gumagawa ng walis tambo ang ACOFA bilang dagdag kabuhayan.

Dagdag kita para sa ACOFA ang paggawa ng walis tambo. Katulad ng iba pang PO, nakararanas ang grupo ng hamon sa pagbebenta ng produkto dahil sa restriksyong dala ng pandemya. Sa kabila nito, patuloy na nag-iisip ang ACOFA ng alternatibong kabuhayan tulad ng paggawa ng salabat at turmeric powder.

Iba-iba man ang antas ng kaunlaran ng bawat PO sa pagpoproseso at pagsasapamilihan, ang mga gawaing ito ay makabuluhang hakbang para sa pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya. Bago pa man ang pandemya, mapanghamon na ang kalagayan para sa mga magsasaka sa kumbensyunal na merkado; kalagayang nangangailangan ng matatag na polisiyang susuporta sa kanilang pang-ekonomikong kondisyon.

Kolektibong pagsasabuhay ng maka-magsasakang polisiya

          Bagama’t malikhain ang magsasaka sa pagtuklas ng mga bagong paraan upang kumita, higit pa ring mahalaga ang suporta at pagkilala ng pamayanan sa makasaysayan at makabuluhang papel ng mga magsasaka. Dahil sa pangangailangang ito, bumuo ang MASIPAG ng sistemang garantiya angkop sa kalagayan ng mga maliliit na magsasaka, ang MASIPAG Farmer’s Guarantee System (MFGS). Sa pamamagitan ng MFGS, mapatutunanayang ang praktika ng magsasakang kasapi sa MASIPAG ay nakapasa sa organikong pamantayan.

Sa tatlong PO, ACOFA pa lamang, sa pamamagitan ni ‘nay Evelyn, ang nagagawaran ng organikong sertipikasyon mula sa MFGS; habang ang LIBACUFA at GBP Bantug ay patuloy na naghahanda sa tinatanaw na gawain ng pagpapasertipika. Anila makatutulong ang sertipikasyon bilang matibay na patunay na ligtas at kalidad ang kanilang mga produkto, paraan upang tangkilikin din ng mga mamimili ang mga ito.

Kaya naman, isang tagumpay para sa mga lehitimong maliliit na magsasaka ang pagkakapasa ng RA11511, batas na kumikilala sa Participatory Guarantee System (PGS) katulad ng MFGS, bilang sistema ng organikong sertipikasyon. Maliban sa abot-kaya na ang sertipikasyon ng mga organikong produkto, nakakikitaan ang batas ng oportunidad upang suportahan ang pang-ekonomiyang aktibidad ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagsangkot sa sektor ng mga mamimili. Masalimuot ang patuloy na pagmamatiyag kung ang batas ay tunay na umiiral para sa mga maliliit na magsasaka, ngunit mas malakas at tagos ang mga panawagan kung ito ay tatanganan ng buong komunidad. Malayo ang mararating ng pag-unawa sa kalagayan ng mga magsasaka, lalo pa ang pakikiisa.

Nawa’y magsilbing aral at inspirasyon sa mga magsasaka ang kwento ng ACOFA, GBP Bantug, LIBACUFA, at iba pang PO na nagbahagi ng kanilang karanasan sa seryeng ito. Malaki ang papel ng mga maliliit na magsasaka sa kaseguruhan sa pagkain at pangkaunlaran. Sa gayong dahilan, marapat na sikaping hindi matapos ang promosyon ng organikong pagsasaka sa usapin ng sertipikasyon, kundi bigyang pagpapahalaga ang mga prinsipyong kaakibat nito. Sa huli, ang pag-angat ng antas ng pamumuhay ng magsasaka ay magbubunga rin ng pag-angat ng antas ng pamumuhay ng buong komunidad.