Likas-kayang Pagtitiyak ng mga Binhi ng Magsasaka

July 31, 2021

by MASIPAG National Office

Mula sa katawagang National Back Up farm (NBUF), nagsisilbing matibay na back up o suporta ang NBUF sa mga regional, provincial at People’s Organizations-managed o PO-managed back up farm kung saan matatagpuang nakatanim o ‘di kaya ay nakaimbak ang iba’t ibang klase ng palay Sa kasalukuyan, may 2,132 koleksyon ng binhing palay na minimintina sa NBUF; binubuo ito ng 747 traditional rice varieties (TRV), 1,205 MASIPAG rice o M-rice, at 180 Farmer-bred Rice o FBR. Ang mga binhing ito ang siyang libreng ibinabahagi sa mga kasaping PO ng MASIPAG sa epektibong pamamaraan ng Trial Farm.  Mula sa oryentasyong MASIPAG, nagsisimulang magtatag ng mga trial farm ang mga PO na isang manipestasyon hindi lamang ng gawaing teknikal kundi higit ng gawaing adbokasiya at organisasyunal. Ang pagkakaroon at pangangalaga ng mga trial farm sa komunidad ay lumilikha ng kondisyon kung saan nakatutuklas at nakapagtutukoy ang mga magsasaka ng binhing angkop sa lokal na kalagayan, klima at kalagayang agronomical.  Sa madaling sabi, nakapagtutukoy ang mga magsasaka ng binhing makatutugon sa kanilang kagyat na pangangailangan at suliranin.  Dagdag pa, pundamental ang pagkakaroon ng TF sa gawaing Breeding sapagkat dito magmumula ang mga binhing magsisilbing paryentes (parent materials) sakali mang magpasya ang mga magsasaka na magpaunlad ng binhing palay ayon sa kanilang layuninDito rin sisibol ang PO-managed seed banks na magsisilbing imbakan ng binhi para sa seguridad sa pagkain, para sa susunod na taniman, at para sa binhing-pamahagi sa komunidad lalo na sa panahong hindi inaasahan tulad ng kalamidad.

Upang matiyak na ang mekanismong tulad ng sa trial farm ay magpapatuloy at mapalalakas, buong sigasig at sikhay ang paggampan sa mga gawain sa MASIPAG NBUF.  Sadyang malaki at tunay na napakahalaga ng kontribusyon ng NBUF sa matagumpay na pagpapatuloy ng gawaing Collection, Identification, Maintenance, Multiplication and Monitoring (CIMME) ng mga binhing palay. Ang sistematiko at depinidong mga aktibidad sa NBUF ay isang siklong binubuo ng paghahanda ng lupa’t mga binhi, pamumunla, pagmintina, dokumentasyon, hanggang sa anihan at muling pag-iimbak ng mga binhi.

Katatapos lamang ilipat-tanim ng higit isang libong koleksyon ng palay sa NBUF gayundin ng mga binhing para sa mass production kung saan kabilang ang PAS-1, Dalagang Bukid, JUN 3, SNBR, at ABR/PAS-6; mga nagbubutil ng pula, byoleta, itim at puti.

Nito lamang buwan ng Hunyo, masusing isinagawa sa NBUF ang paghahanda ng lupa at ng mga binhing palay; tiniyak na sa paghahanda ng lupa ay makalilikha ng kondisyong paborable sa malusog na paglaki ng mga punla.  Isinagawa ito sa pamamagitan ng pagbubungkal at paglalagay ng pinaghalong dumi ng kalabaw, kompos at mga dahon ng legumbre.  Samantala, dumaan sa mahaba at maingat na proseso ang pagbubukod, pagpapangalan, at paghahanda ng mga binhi gayundin din ang paglilinang, paghahanda ang punlaan hangang sa pamumunla hanggang sa paglilipat-tanim.  Muling napatunayan na sa mga gawaing katulad ng mga nabanggit ay mahalaga ang sama-sama at kolektibong pagkilos.

Pitong araw makalipas ang pamumunla, binombahan ng pinaghalong tubig, FPJ at KAA ang mga punla.  Ginagawa ito upang patibayin ang mga punla at ihanda sa panahon ng paglilipat-tanim.  Makalipas muli ang pitong araw, sinundan naman ito ng pagdadamo. Bahagi ng matiyagang pangangasiwa at pagmintina ang natural na pagsupil ng damo gamit ang hand weeder na payak at madaling ireplika ng mga magsasaka; maaaring gumamit ng bakal o ‘di kaya ay kahoy sa paggawa nito.  Pinadadaanan ng weeder ang mga pagitan ng punlaan upang mabunot ang mga damo sa pagitan ng mga punla; upang maalis ang mga off-type; at upang palitawing muli ang mga linya sa pagitan ng punlaan.

Bukod sa pangangalaga ng koleksyong palay, sinisikap din ng NBUF ang pagpapaunlad ng praktika nito ng daybersipikasyon sa pamamagitan ng paunti-unting pagtatanim ng mga gulay, legumbre, at mga pakain para sa mga alagang manok, itik at kambing.  Sa mga bakanteng espasyo ay nagtatanim ng munggo at kakawate upang ihalo sa kompos na inihahanda tuwing panahon ng paghahanda ng palayan.

Sa hindi hihigit tatlong buwan, magsisimula na ang anihan. Ngunit bago pa man ang panahong iyon, magpapatuloy ang matamang obserbasyon at organikong pangangasiwa ng mga tanim na palay sa NBUF nang sa gayon ay patuloy na makagampan sa mahalagang gawain nito sa pag-agapay sa mga magsasaka sa usapin ng pagkamit ng mga binhing palay na matibay sa nagbabagong panahon; mga binhing palay na hindi kontrolado ng mga agrokorporasyon; at, mga binhing palay na hindi nakadepende sa kemikal na input.

Malaking bahagi ng gawain sa NBUF ay sumesentro sa CIMME, Trial Farm at Breeding kung saan ang mga gawaing ito ay naglalayong palakasin at ipamandila ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa konserbasyon ng lolal na binhi gayundin ang pagpapaunlad ng mga angkop na teknolohiya sa pagsasaka.  Sa pagpapatuloy at pagpapalakas ng mga gawaing ito, walang puwang at walang magiging puwang sa mga sakahan ang mga teknolohiyang walang katiyakan at may taglay na malaking banta sa kapaligiran at kalusugan katulad ng Golden Rice. (Basahin: Pahayag ng MASIPAG sa pag-apruba ng komersyal na propagasyon ng Golden Rice)

###

#NoToGoldenRice
#DefendOurRice
#FightForFarmersRights