Sa kabuuan, 85% ng mga magsasaka sa mundo ay meron lamang hindi lalagpas ng dalawang ektaryang lupang tinatamnan. Silang mga itinuturing na maliliit na magsasaka, ang siyang pinagmumulan ng hindi bababa sa 70% na produksyon ng pagkain. Higit sa pagiging datos, litaw sa mga numerong ito ang kontribusyon ng mga maliliit na magsasaka sa usapin ng kaseguruhan sa pagkain o food security. Sa pagpapatampok ng isyung ito, kailangan ding bigyang pansin na kalahok ang mga kababaihan sa lahat ng aspeto ng gawaing agrikultura. Sa katunayan, ayon sa International Food Policy Research Institute (IFPRI), 65% ng kinokonsumong pagkain sa Asya ay galing sa pagsasaka ng mga kababaihan.
Sa ikalawang yugto ng serye ng kwentong produksyon at pangkabuhayan ng mga magsasakang MASIPAG, ating bibigyang kulay ang gawaing produksyon, pagpoproseso at pagsasapamilihan sa Mindanao, partikular sa Davao City kung saan matingkad ang papel ng mga kababaihan sa pagtugon sa kaseguruhan sa pagkain. Atin ding tatalakayin ang kahalagahan ng MASIPAG Farmer’s Guarantee System o MFGS, ang sistemang garantiya ng mga magsasakang MASIPAG, kung saan ginagawaran ng sertipikasyon bilang organiko ang mga nasuring taniman na base sa organikong pamantayan ng MASIPAG na kinikilala ng IFOAM Family of Standards. Mula noong implementasyon nito noong 2004, patuloy na lumalawak at napauunlad ang programang ito sa gabay ng mga batayang prinsipyo.
Natatangi at Bihirang Lakas, Ipinamamalas ng mga Samahan ng Kababaihan
Magmula nang mabuo ang MASIPAG noong 1985, mahalagang aral sa network at mga kasapi nitong People’s Organization (PO) ang kahalagahan ng malakas at matatag na organisasyon upang maiabante ang usapin ng lokal na pagproseso at pagsasapamilihan. Kaya naman, bahagi ng gawain ng mga kababaihang PO sa Davao City ang gawaing konsolidasyon sa kabila ng iba pang mga responsibilidad sa pamilya at komunidad.
Ayon sa datos ng AMIHAN National Federation of Peasant Women, umaabot sa 18-21 na oras ang ginugugol ng mga kababaihan sa loob ng isang araw upang gampanan ang gawain sa bahay, sa bukid, sa paghahahanap-buhay, at pang-komunidad. Ngunit hindi ito balakid upang magsagawa ang mga kababaihang PO ng mga aktibidad na tutugon sa organisasyunal na pagpapaunlad. Ani Enalyn Basarte ng Masupit Women Farmer’s Organization (MWFO), sa mga pulong nila nahihikayat ang mga kasapi na ipagpatuloy ang pagtatanim. Kaya naman nagiging malikhain sila sa paghimok upang mas maging masigasig ang mga kasapi sa pagdalo. Kinikilala ng MWFO ang pangangailangang ng mga kasapi nito sa usapin ng panustos sa iba pang gastusin ng pamilya kung kaya napagpasyahan nilang magkaroon ng paluwagan para sa mga kasapi ng MWFO. Bilang kaisahan ng kasapian, itinakda ang bunutan para sa paluwagan mula sa ambagan sa araw ng mga pulong. Samantala, para sa Awid Women Farmer’s Organization (AWFO), ang sama-samang pagtatanim ang ekspresyon ng pagkakaisa at paraan upang magbahaginan ng mga kaalaman.
Maliban sa regular na ugnayan, isa ring palatandaan ng malakas na organisasyon ang gumaganang mga komite. Ilan sa mga nagagampanang gawain sa processing at marketing dahil sa mga komiteng nabuo ay: pagtitimbang at pagpapakete ng produkto ng Talomo River Women’s Association (TRWO); pagkatay, pagtadtad, at pagbebenta ng baboy sa Katipunan Bagobo Women’s Organization (KBWO); at, paggawa ng bibingka sa MWFO. Ani Angelita “Angel” Manangan ng TRWO, mahalaga ang pagbubuo ng komite sa isang organisasyon, dahil maliban sa mayroong magtitiyak ng iba’t ibang gawain, paraan din ito upang maramdaman ng mga kasapi ang kahalagahan ng paglahok ng bawat isa. Katulad ng maraming PO, ang mga kababaihang PO ay patuloy na nagpapaunlad ng kakayanan at kapasidad upang maayos na gumana ang mga komite, hindi lamang para sa processing at marketing, kundi gayundin sa mga gawaing tutugon sa iba pang programa ng MASIPAG.


Samahang Binigkis at Pinalakas ng Pagkakaisa
Maliban sa dagdag pagtitiyak ng kalusugan ng pamilya laban sa COVID-19 at pagiging guro sa mga naka-‘school-from-home’ na mga anak, malaki rin ang pagbabago sa gawaing pagsasapamilihan ng mga kababaihang magsasaka upang makaangkop sa kondisyong dulot ng pandemya. Ngunit dahil din dito, naging mas matingkad ang puwersa ng kababaihan sa pagtugon sa pagsubok ng panahon. Sa gitna ng pandemya, nagpatuloy ang Kababaihang Nagtataglay ng Bihirang Lakas o KNBL, pederasyon ng mga organikong samahan kung saan kasapi ang mga kababaihang PO sa Davao City, sa gawaing produksyon, kasama ang pagsasapamilihan ng mga organikong produkto sa pamayanan.

Liban sa organikong paraan ng produksyon, mataas din ang kanilang kamalayan sa paraan ng transportasyon at pagsasapamilihang batay sa organikong pamantayan. Kung tutuusin, maaaring maubos ang kanilang surplus sa pagbebenta ng mga ito sa mga treyder, kahalo ng mga ani mula sa kumbensyunal na pagsasaka ngunit dahil mataas ang pagpapahalaga ng mga kababaihan sa esensya at adbokasiya ng produksyon ng ligtas na pagkain, bumuo ng sistema ang KNBL upang tipunin ang mga aning organikong gulay. Ang mga ito ay ibinebenta sa Ateneo de Davao, sa Assumption College of Davao at sa Rizal Park ng Davao City. Kaagapay din ng mga PO ang METSA Foundation sa pagpapakete at pagsasapamilihan ng mga ito. Dahil sa pansamantalang pagpapatigil ng pagbebenta sa mga espasyong pinagdadalhan ng kanilang mga produkto, naging malikhain ang pederasyon at sinubukan ang online market upang patuloy na makapaghatid ng mga organikong produkto sa komunidad.


Ang bayanihan sa pagitan ng mga magsasaka ay umabot din sa labas ng KNBL sa kanilang maagap na pagtugon sa pangangailangan ng mga Dabawenyong lubos na naapektuhan ng pandemya. Higit sa 300 kilo ng gulay ang kanilang inihandog sa Matina Community Pantry bilang kontribusyon sa nutrisyunal na pangangailangan ng komunidad. Ani Julieta Linogan ng AWFO, bago pa man ng pandemya, ang siyudad ng Davao ang may malaking pangangailangan sa kanilang aning produkto dahilan na karamihan ng mga magsasaka ay nasa upland o matatas na lugar tulad ng bundok.
Ngunit katulad ng maraming pederasyon, nakararanas din ang KNBL ng mga hamon sa usapin ng kasapian. Sa pangunguna ni Anita “Nena” Morales, direktor ng METSA Foundation at tagapayo ng KNBL, patuloy nilang hinihikayat ang mga kababaihang PO na makiisa at maging bahagi ng mga gawain ng samahan. Si Tranquilina “Quiling” Alibango ng Bayanihan Women’s Organization (BWO) ay isa mga kasaping muling naging aktibo sa MASIPAG at sa KNBL bunga ng puspusan at makabuluhang mga gawain ng pederasyon. Sa kasalukuyan, isa na siya sa patuloy ding naghihikayat sa mga kasamahan upang ibalik ang sigla sa mga gawain, lalo na sa pagtatanim.
Integridad ng Organikong Produkto
Malaki ang papel ng organikong sertipikasyon lalo na pagsasapamilihan ng mga kababaihang magsasaka ng Davao City. Ayon kay Ate Angel, sa pamamagitan ng MFGS certification ay nakapagbebenta sila sa organic market. Ani niya, ito ay patunay sa integridad ng mga produktong inilalako.
Noong 2019, umabot sa 28 ang dami ng mga sertipikadong indibidwal sa samahan ng KNBL sa pamamagitan ng MFGS. Bagama’t sa kasalukuyan ay limitado pa sa mga hilaw na produkto ang napapaloob sa kanilang sertipikasyon, patuloy silang nagpaplano at gumagawa ng paraan upang mapaunlad at maisaayos ang kanilang gawaing pagpoproseso upang matiyak ang kalinisan at kaligtasan ng pagkonsumo ng mga ito. Ang pag-ayon sa mga nakasaad sa Good Manufacturing Practices o GMP, habang pinagbubuti ang pagsunod sa MASIPAG Organic Standards para sa processing, ay isang pamamaraan upang matiyak ang kalinisan ng kanilang mga produkto.

Kasabay rin ng gawaing pagsasapamilihan at sertipikasyon ay ang pagpapataas ng kamalayan ng mga mamimili o consumer education. Maliban sa pagsuri kung ang produkto ay organiko, ang direktang ugnayan ng mga mamimili at magsasaka ay nagbubunga ng maayos na relasyon at pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang sektor. Sa karanasan ng KNBL, patuloy nilang napaiintindi na ang suplay ng mga ispesipikong pagkain ay depende sa panahon na pinaka-angkop, pati na rin ang dahilan ng paiba-ibang kalidad ng mga produkto. Nagiging daan din ito upang hindi makontrol ang pagtatanim ng magsasaka base sa idinidikta ng merkado, at patuloy na maisasapraktika ang Diversified Integrated Farming System o DIFS.
Patunay ang kwento ng mga kababaihang PO sa kanilang mahalagang papel sa pagpapaunlad ng komunidad. Nawa’y ang pagkakapasa ng RA11511, batas na kumikilala sa Participatory Guarantee System, ay maayos na maipatupad upang mas maparami pa ang magsapraktika ng organikong agrikultura lalo na sa hanay ng mga maliliit na magsasaka. Magsilbing instrumento rin sana ito sa pagdami ng mga kabataang 2nd liner, katulad ni Janel Juaton, kasapi ng Kabataang MASIPAG at kasalukuyang tagapangulo ng CCB Davao, na may buong pagmamalaki ng kanyang karanasan sa organikong pagsasaka.