MAGSASAKA, NASA KAMAY MO ANG PAGBABAGO
Sa nakaraang taon, hinarap natin ang patung-patong na mga pagsubok, mula sa mga bantang dala ng pandemya, banta sa ating mga sakahan, kahirapan sa ating mga organisasyon, at ang pagtutulak ng mga kontra-magsasakang teknolohiya at polisiya sa bansa. Sa kabila ng mga ito, ipinakita ng mga magsasakang MASIPAG na kayang-kayang pangibabawan ang mga ito at higit pang sumulong sa pamamagitan ng kolektibong aksyon at patuloy na pagtalima sa ating mga prinsipyo’t paninindigan.
Hindi tayo nagpatinag. Sa nakaraang taon, nagawa ng MASIPAG na magpalawak pa rin ng kasapian sa hanay ng mga magsasaka at magtatag ng mga Trial Farms kasama ang iba’t ibang mga organisasyon. Sa kabila ng mga restriksyon, nailunsad ng mga Provincial Coordinating Bodies sa iba’t ibang mga probinsya ang mga kumperensya’t pagpupulong upang magtasa, magplano, at maglunsad ng kani-kanilang mga aktibidad. Sa mga dumaang bagyo, sakuna, at samu’t saring kahirapan sa mga komunidad, nanguna ang mga magsasakang MASIPAG, sa diwa ng bayanihan, na umagapay at makipagtulungan.
Hindi tayo tumigil sa ating mga kampanya. Ang patuloy at papalawak na bilang ng mga magsasakang nagsasapraktika ng likas-kayang pagsasaka sa nakaraang taon ay patunay ng kagustuhan at dedikasyon nating sumikad ang kampanya sa kabila ng mga restriksyon. Nagawa nating higit pang manindigan laban sa Golden Rice at iba pang proyekto ng mga korporasyon sa agrikultura sa bansa; makiisa sa kampanya ng iba pang magsasaka para sa lupa at tunay na kaunlaran sa kanayunan; magpalawak ng ating mga alyansa sa mga komunidad; at magtulak ng mga ordinansa sa iba’t ibang mga barangay at munisipalidad.
Marami na tayong nagawa at marami pa tayong magagawa. Patunay ang ating mga tagumpay sa nagdaang taon na marami tayong kayang gawin basta’t magkakasama tayong naninindigan at lumalaban. Inaasahan natin ang iba’t ibang pagsubok at maging mga oportunidad sa susunod na taon, higit lalo sa parating na eleksyon. Lubusin natin ang lahat ng plataporma at pamamaraan upang maisulong ang ating adhikain.
Ang ating kapasyahan, sama-samang aksyon, prinsipyo, at pakikipagkaisa ang magdadala ng pagbabago sa ating mga komunidad, sakahan, at maging sa buong bansa. Ang pagbabago sa ating pagsasaka, sistema ng agrikultura, at sa kabuuan ng lipunan, ay nasa ating mga kamay. Kung kaya’t ngayong taon, patuloy nating piliin ang sumulong at lumaban. Sulong MASIPAG!