Organikong Pamamaraan ng Pagmimintina at Produksyon ng Palay

February 17, 2022

by MASIPAG National Office

Posible ba ang organikong pamamaraan sa produksyon?

Sa mahabang panahon simula noong isinulong ang green revolution sa bansa, marami pa rin sa ating kababayang magsasaka ang nakararanas ng kahirapan dahil sa malaking gastos sa produksyon. Dahil dito, natali ang mga magsasaka sa sistema ng pautang na may malaking interest na nagsadlak sa kanila sa kumunoy ng kahirapan, na hanggang sa ang kanilang sariling lupa ay nabenta o naging pambayad utang.

Dagdag pa rito ay malaki ang epekto ng mga pambansang polisiya na hindi pumapabor sa mga magsasaka tulad na lamang ng Rice Tarification Law na sanhi ng sobrang baba na presyo ng palay. Nanatili ring hamon sa mga magsasaka ang climate change. Samantalang unti-unti na ring nawawala ang natural na kaalaman ng mga magsasaka na tumuklas sa mga solusyon o pamamaraan kung paano nila lulutasin ang mga suliranin sa kani-kanilang bukirin.

Kaya naman inihahandog ng MASIPAG ang “Organikong Pamamaraan ng Pagmimintina at Produksyon ng Palay” para hikayatin ang mga magsasaka na kaya natin ang pamamaraan sa organikong produksyon. At dahil naniniwala tayo na likas kayang pagtatanim pa rin ang susi sa pagunlad ng pagsasaka, ang aming handog na “Organikong Pamamaraan ng Pagmimintina at Produksyon ng Palay” ay batay sa mayamang praktika ng MASIPAG sa pagmimintina ng National Back-up Farm nito sa Nueva, Ecija.