Kababaihang MASIPAG, Lider sa Pagpapanday ng Masaganang Bukas!

March 19, 2022

by MASIPAG National Office

Ang Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG ay buong nakikiisa sa paglulunsad ng International Women’s Day.

‘Pagkat dahil interes ng maliliit na magsasaka ang pangunahin itinataguyod ng MASIPAG bilang pundasyon ng pagpapaunlad ng kanayunan, kaakibat nito ang pagpapahalaga sa potensyal ng bawat isa upang mamuno, ano man ang kanyang lahi o kasarian. Partikular dito ang mga kababaihan na pilit isinasantabi ng pagsasaka para sa kita at ganansya na sinusuhayan pa ng macho-pyudalismo.

Ayon kay Prof. Marion Tan, babaeng siyentista, propesor sa UP College of Social Work and Community Development at Board of Trustee (BOT) member ng MASIPAG, “susing papel ang kababaihang magbubukid sa paglikha ng pagkain, pangangalaga ng kalusugan, pag-papaunlad ng kabuhayan ng kanilang pamilya at komunidad, lalo na na nitong nakaraang taong dinanas natin ang pandemic.”

Sa maraming pagkakataon ay nanguna ang kababaihang MASIPAG sa pangangasiwa ng mga communal vegetable/herbal gardens, feeding programs, food processing, pati processing ng mga halamang gamot para sa pamilya, para sa mga health frontliners, para sa komunidad. Naging aktibo rin sila sa sa mga kampanya para isulong ang likas kayang pagsasaka at agroekolohiya at paglaban sa mga atrasadong programa at polisiyang lumalabag sa karapatan ng mga magsasaka at kababaihan kagaya ng pangangampanya tutol sa rice tariffication law, anti-terror law, pagpapapalaganap ng GM Yellow Rice o Golden rice at Glyphosate at iba pa.”

Sa pagpapanday ng masaganang bukas, partikular sa masaganang kanayunang para sa lahat, tunay na susi ang papel ng kababaihang magbubukid sa paglikha ng sustenableng sistema sa pagkain, ng mga programang pangkalusugan sa komunidad at iba pang programa para sa kagalingan ng kanilang pamilya at komunidad.

Sa pangkagyat, ang MASIPAG ay nakikiisa sa malawak na hanay ng masang kababaihan sa pagsulong ng adyenda ng kababaihang magbubukid; ang pagtupad sa tunay na repormang agraryo- ang pagsasabatas ng genuine agrarian reform bill (GARB), ang palakasin ang produksyon sa agrikultura, kagyat na pagbigay ng sapat na ayuda at production subsidy sa mga magbubukid, ang pagbabasura sa Rice Tariffication Law, paglaban ang mga pormal na paglabag sa karapatang pantao sa kababaihang magbubukid at mga pamilya nito kagaya ng extrajudicial killing o EJK, illegal arrests and detention, pagsampa ng mga gawa-gawang kaso at militarisasyon sa kanayunan, at paglaban sa imperyalistang panghihimasok at interbesyon sa bansa.

Sa panghuli, inilahad ni Nanay Virginia “Virgie” Nazareno, lider magsasaka at BOT member ng MASIPAG ang mensahe ng pakikisa sa paglulunsad ng International Women’s Day ngayong araw: “Kababaihan, susi ka sa pagpapanday at pagtamo ng masaganang bukas!”

Paigtingin ang sama-samang pagkilos at susing papel at pangunguna sa inyong mga samahan, komunidad at lipunan upang isulong ang likas kayang pagsasaka, agroekolohiya, seguridad sa pagkain at karapatan ng mga magsasaka!”