Noong Marso 15, ipinagdiwang ang World Consumer Rights Day, upang patampukin ang usapin ng karapatan at pangangailangan ng mga konsumer. Panawagan ng milyun-milyong konsumer na protektahan at i-respeto ang kanilang karapatan at tutulan ang pang-aabuso sa kalakalan, kasama ang iba pang porma ng inhustisya
Bilang pakikiisa sa malawak ng hanay ng konsumer, naglabas ang MASIPAG ng isang serye ng bidyo upang ipatambol ang kahalagahan ng ugnayan ng mga konsumer at magsasaka sa pagkamit ng sapat, ligtas, at masustansyang pagkain sa pamamagitan ng likas-kayang pagsasaka.
Sa panahon ng pandemya, naging mas matingkad ang mga kinakaharap na isyu ng mga mamimili. Kabilang na rito ang akses sa sapat, ligtas at masustansyang pagkain sa panahon ng paglaganap ng kagutuman at malnutrisyon, paglalagay ng mga mapanlinlang at maling impormasyon, o false advertising kung tawaging, sa mga produkotong inilalako sa merkado, at mga banta sa kakayahang makabili ng mga konsyumer (purchasing power) para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan katulad ng pagkain.
Hindi arbitraryo ang mga bantang ito, bagkus ay ibinunga ng isang tipo ng sistema ng pagkain at agrikultra na ipinapanguna ang kita ng mga korporasyon kaysa sa kapakanan at kalusugan ng mamamayan.
“Mahalagang kaisa ng mga magsasaka ang mga mamimili sa pagtataguyod ng organikong pagsasaka dahilan sa nanganganib ang ating kasiguraduhan sa pagkain sa pagpasok ng mga agrochemical transnational corporations (TNCs) sa produksyon ng ating pangunahing pagkain at pangunahing produktong agrikultural. Ang hangad lamang ng mga korporasyon na ito ay magkamal ng limpak-limpak na tubo sa halip na tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan.” pahayag ni Zenaida “Nay Zen” Soriano ng AMIHAN National Federation of Peasant Women kaugnay ng World Consumer Rights Day noong Marso 15.
Sa kasalukuyan, isa sa mga primaryang bitbit na kampanya ng MASIPAG kasama ang malawak na hanay ng mga magsasaka at konsumer ay ang pagtutol sa komersyalisasyon ng GM Yellow Rice o mas kilala bilang Golden Rice na siyang binuo ng mga korporasyon para resolbahin ang Vitamin A Deficiency, ngunit sa katunayan, ito ay panibagong teknolohiyang magsisiguro sa kanila ng kita.. Bukod sa kapalpakan nitong magsilbi bilang solusyon, maaari pa nitong mapahamak ang mga sakahan, lokal na lahi ng palay, kabuhayan ng mga magsasaka, at kalusugan ng mamamayan.
Tunay na sa matagal na panahon, marami nang mga konsumer ang nakakikita ng pangangailangan at kawastuhan ng pagdidikit ng kanilang laban sa mga mismong lumilikha at bumubuo ng ating pagkain. Nagsisimula ang produksyon ng pagkain sa sakahan kung saan ang mga komponente at mga isyung nakadikit dito ay nakaaapekto sa mga susunod na yugto ngkabuuang sistema ng pagkain. Itinali ang mga magsasaka sa pagbili ng mga binhi at kemikal na input na ibinebenta sa mataas na halaga, habang patuloy na binabarat ng mga middleman ang kanilang aning produko. Sa kabilang banda, talo rin ang mga mamimili sa pagkonsumo ng mga produktong hitik sa lason na kanilang nabili sa mataas na halaga.
“Kailangan namin ang suporta ng mga mamimili sa pagtutol sa mga produktong GMO lalong-lalo na itong Golden Rice na siyang gustong ipatanim sa amin ng gobyerno. Kalakip ng pagtutol ng mamimili sa Golden Rice ay pagsuporta rin sa likas-kaya at organikong pagsasaka upang masiguro ang sapat, ligtas at masustansyang pagkain sa bansa” ika ni Rodolfo “Dondon” Cortez, lider-magsasaka sa Negros at kasalukuyang tagapangulo ng National MFGS Committee.
Sa bahaging konsumer, hayag ni Jhana Tejome, dating executive director ng Philippine Network of Food Security Programmes, Inc., “… gusto kong suportahan ang organikong pagsasaka lalo na sa maliliit na magsasaka na nagproprodyus ng mga organic crops. Bilang isang nanay din, gusto ko ang aking pamilya ay makakain din ng ligtas sa mga kemikal na produkto. Tulad ko na may comorbidities, hinahanap ko ang mga organikong produktong walang halong kemikal na ayon sa mga pag-aaral ay pwede siyang makadagdag sa sakit sa katawan.”
Ngayon, natatanaw natin na tanging sa likas-kayang pamamaraan ng produksyon, kasama ng masigla at solidong kaisahan ng mga konsumer at magsasaka, matitiyak ang sapat, ligtas, abot-kaya, abot-kamay, at masustansyang pagkain para sa lahat.
Ika nga ni Julieta “Nay Bebing” Linogan,, kababaihang lider-magsasaka ng MASIPAG mula sa Davao City, “Ang organikong pagsasaka ay nakatutulong sa komunidad at sa mga mamimili upang sila’y ligtas at malayo sa anumang uri ng sakit, higit lalo para sa mga kabataan at sa mga pamilya. Sadyang napakaimportante na palakasin ang organikong pagsasaka sa hanay ng mga magsasaka.”