
Sa paggunita sa Day of the Landless ngayong ika 29 ng Marso, ang Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG ay nakikiisa sa malawak na hanay ng mga maliliit na magsasaka at masang anakpawis na tahasan at buong lakas na nagsusulong para sa tunay na reporma at hustisya sa lupang sakahan.
Ayon sa Kilusang Magsasaka ng Pilipinas o KMP, hanggang ngayon ay pito sa sampung magsasaka sa bansa ang wala pa ring sariling lupang sinasaka, ito ay sa kabila ng malawakan banta sa seguridad ng pagkain dala ng pandaigdigan krisis sa pandemya at ekonomiya.
Ebidensya lamang ito ng mga huwad na pang-agrikulturang polisiya kagaya ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms o CARPER at Rice Tariffication Law na mga nangakong ipapamahagi ang lupa at pagagaanin ang buhay ng ating mga bayani ng bukirin. Dagdag pa rito ang mga atrasadong teknolohiya na nangakong titiyakin ang seguridad sa pagkain ngunit dagdag peligro pa ang ibinibigay at ibibigay katulad ng mga itinutulak ng mga Transnational Corporations at private institutions gaya ng Syngenta at IRRI na Golden Rice at BT talong.
Sa primaryang bitbitin ng MASIPAG na nagsusulong ng organiko at likas-kayang pagsasaka, buong naniniwala ang samahan na nakatahi ang katugampayan at kawastuhan nito sa pag-atim sa katarungan sa lupa sa pagsusulong din ng tunay na reporma. Sapagkat ang likas-kayang pagsasaka ay ang pamamaraan kung saan ang magsasaka ay may sariling kontrol sa binhi, pamamahala sa lupa, at teknolohiya dala ng agroekolohiyang prinsipyong naghihikayat sa organikong produksyon ng mga pataba at pestisidyo, at libreng pagpapalitan ng organikong binhi at teknolohiya mula sa kapwa magsasaka.
Ayon kay Mariana, katutubo at magsasakang MASIPAG mula: “sa pamamagitan ng likas-kayang pagsasaka, lumalawak ang aming pagtingin sa hinaharap. Sapagkat sa paglaban at pag-atim sa lupang sinasaka ay ang kaakibat ng wastong kaalaman at pamamaraan sa kung papaano ito totoong mapapanghawakan at mapoprotekhan sa paraan ng likas-kayang magsasaka. Sa aming mga katutubo, ang sabayang pagsulong sa karapatan sa lupang sakahan at ng likas kayang pagsasaka ay karagdagang kaalaman at karunungang sa amin na nakabatay sa aming lupang ninuno”
Dagdag naman ni Nanay Virigie, lider at kababaihang magsasakang MASIPAG mula Quezon: “dahil ang likas-kayang pagsasaka ay wala masyadong gastos sa pagsasaka, ito ang pinaka-angkop sa ngayon sa mga magsasakang walang lupa. Ano pa ang matitira sa mga maliliit na magasakang walang lupa kung dadagdag pa ang malaking gastusin sa kumbensyunal na pagsasaka? Kaya naman habang tayo ay nagusulong para sa karapatan at tunay na reporma sa lupa, likas-kayang pagsasaka ang siyang nagtitiyak upang mapagtagumpayan natin ito.”
Para sa MASIPAG, ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa sa pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill o GARB ay karapatang pantao na kailangan lagi’t-lagi panghawakan at tuparin. At sa paghawak at pagtupad nito sa pangmatagalang panahon ay ang pagtalikod sa kumbensyunal at hindi sustenableng pamamaraang itinutulak ng mga dambuhalang korporasyon at panginoong may lupang silang pilit na nagmomonopolyo sa binhi, teknolohiya at lupa.
Sa panghuli, ayon nga kay Nanay Edna, katutubo at kababaihang magsasakang MASIPAG mula Cordillera: “ang pagtindig para sa karapatan sa lupang ninuno at sinasaka ay pagtindig para sa pagpapanatili ng aming katutubong kultura. At sa pagtangkilik sa likas-kayang pagsasaka ang ay pagpapayabong ng aming kultura lalo na ang mga ritwal at gawi na sa amin ay dati mga mayayaman lang ang may kayang gumawa ngayon ay napagbabayanihan na.”
#LandToTheTillersNow
#GARBIsaBatas