MASIPAG Luzon, Ipinagdiwang ang Susing Papel ng mga Kababaihang MASIPAG

April 1, 2022

by MASIPAG Luzon

NUEVA ECIJA – Sa pagtatapos ng buwan ng kababaihan, ginanap ng Masipag Luzon ang selebrasyon ng mahalagang papel ng mga kababaihang MASIPAG sa pagpapalakas, pagpapatatag, at pagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng isang porum kasama ang mga lider ng rehiyon.

Naging tampok sa porum kung paano ipinanalo ng mga kababaihan ang kanilang karapatan upang makaboto at ang paglahok sa mga gawaing pang-lipunan katulad ng eleksyon. Muling binalikan na kasama sa pagtatagumpay para sa makatarungan at maunlad na lipunan na may pagkakapantay-pantay sa pagtrato sa lahat ang mataas na pamantayan sa pagpili ng lider ng bansa na siyang mangunguna sa pag-aangat ng mga mamamayan nito.

Ibinahagi ng mga lider kababaihan kung paano nila pinangunahan ang pagpapalakas ng kanilang mga samahan sa kabila ng mga hamon, banta at pandemya. Sila din ang nagsilbing gabay ng kanilang mga organisasyon upang hindi panghinaan ng loob at magtuloy-tuloy sa mga gawain habang sa loob ng tahanan ay nagsilbi ring guro sa anak at katuwang sa pagseguro ng kalusugan ng pamilya dahil na rin sa patuloy na banta ng Covid19.

Ang mga isyung pang-lipunang ito ay direktang hinaharap ng mga kababaihan. Ang patong-patong na hamon ay ubos-lakas nilang hinarap. Ang mga buhay nilang karanasan sa pagharap sa krisis sa kalusugan at agrikultura habang katuwang sa pagpapa-unlad ng komunidad ay saksi sa pagpapakita na hindi matatawaran ang kakayahan ng kababaihan. Hindi sila tumigil at naghintay dahil ang isyu ng lipunan ay isyu ng kababaihan katulad ng pagmamay-ari ng lupa kung saan kinukuha ang pagkain at kabuhayan ng pamilya, ng masustansya, abo’t kamay at abo’t-kayang pagkain at tubig, disenteng tirahan, nakakabuhay na kita, at pagkawala sa kadena ng utang at kahirapan.

Kung kaya ang kanilang sigaw: ABANTE BABAE!!!