
Upang patuloy na maipamahagi at sa malawak na hanay ng maliliit na magsasakang MASIPAG ang mga praktikang pagpapaunlad mula sa kapwa magsasaka, inihahandog ng MASIPAG ang serye ng koleksyon ng mga dokumentasyon ng FDAT. Nawa’y makatulong ang sangguniang ito, hindi lamang upang mas mapalalim ang kaalaman ng mga magsasaka sa mga teknikal na salik ng agrikultura, at gayundin ay magsilbing inspirasyon upang magpatuloy ang mga magsasaka sa pagtuklas at paglikha.
Ano ang FDAT?
Ang Farmer Developed and Adapted Technologies (FDATs) ay isa sa mga programa ng MASIPAG para tiyakin ang muling pagpapatibay, pagsi-sitematisa, at pagsasa-praktika ng mga lokal na kaalaman at sistema ng pagsasaka. Nagbibigay daan ito sa mga magsasaka at sa samahan nito para sa mga karagdagan at panibagong pamamaraan sa pamamahala ng kanilang sakahan.
Sa malayong tanaw, mithiin ng FDAT i-angat ang kalagayan ng maliliit na magsasaka sa larangan ng pagpapahusay at pagpapaunlad ng mga abot kayang teknolohiyang angkop para sa mga Pilipinong magsasaka.
Dayuhang kontrol sa Agrikultura
Sa matagal na panahon, binansot ng mga dambuhalang korporasyon ang kakayahan ng mga magsasakang makalikha at makapagpaunlad ng sariling kaalaman at teknolohiya. Dala ng makasariling interes upang makapagkamal ng labis-labis na ganansya, bumuo ang mga korporasyon ng mga input na nakapagpaparami ng ani ngunit lubhang nakasasama sa kalusugan ng tao at nakasisira sa kalikasan.
Naging pasibong tagatanggap sila ng mga produkto mula sa pagiging aktibong kalahok at namumuno sa produksyon. Sinilaw ang mga magsasaka sa pangakong aani at kikita sila ng malaki kung magtatanim ng mga high-yielding variety na binhi at mga kemikal na input sa produksyon.
Nang magtagal, tuluyan nang nawalan ng espasyo sa produksyon ang mga magsasaka upang maisapraktika ang kanilang likas na pagiging mapamaraan at malikhain. Nagresulta ito sa pagkabansot sa kakayahan ng mga magsasakang magsuri at kolektibong makapagtukoy ng mga problema at solusyon hinggil sa pangangasiwa sa bukirin at produksyon.
Nabura ng mga tradisyunal at lokal na pamamaraan sa pagpapalahii ng palay, paglikhang mga organikong at abot-kayang input, pagpaplano ng pamamaraan ng pagtatanim upang mapangasiwaan ang pagrami ng peste sa sakahan, at makabuo ng makina at iba pang porma ng teknolohiya.
Unti-unti ring nag-iba ang kultural at sosyo-ekonomikong katayuan ng mga magsasaka sa lipunan: ang siyang dating umiiral na kolektibo at bayanihang pagsasakang sabayang naitataguyod ang produksyon sa pagkain at pangangalaga sa laksang buhay ay napalitan ng mapanira at maka-dayuhang sistema sa agrikultura.
FDAT Laban sa mga Dambuhalang Agrokorporasyon
Sa pagtaas ng kamalayan at kamulatan ng mga magsasaka at sa kanilang pagpupursigi, unti-unting naibabalik, naiipon, at higit sa lahat, napayayabong ng mga magsasaka ang mga pamamaraang taglay ang mga natural na proseso sa pagpapaunlad ng lupa, binhi, teknolohiya, at kalikasan.Sa bahagi ng MASIPAG, inilunsad ang programa ng dokumentasyon ng Farmer Developed and Adapted Technology (FDAT) na naglalayong mapagtibay ang mga natutuklasan, nabubuo at napapayamang kaalaman at praktika ng mga magsasaka, at magkaroon ng sistematiko at praktikal na aplikasyon ng mga lokal na sistemang kaalaman sa agrikultura.
Naging bahagi rin ng programang ito ang pagsasagawa ng FDAT Forum sa mga rehiyon kung saan nagkakaroon ng pagkakataon ang mga siyentista at mga magsasaka upang mairehistro ang kanilang mga tanong at suhestiyon upang mapaunlad pa ang inobasyon.Liban sa teknikal na komponente ng pananaliksik, binibigyang puwang at pagpapahalaga rin ang mga pananaliksik sa agham panlipunan na siyang nagiging dokumentasyon ng karanasan ng mga magsasaka sa usaping organisasyunal, sosyolohikal, kultural, antropolohikal, politikal at pang-ekomiyang aspeto.
Ang mga kwentong ito ay nagsisilbing patunay at nagsisillbing inspirasyon sa inabot na tagumpay ng mga programa ng MASIPAG, at mga kailangan pang paunlarin dito.