
Naging matagumpay ang Farmers Field Day (FFD) ng Cawayan Organic Farmers Association of Real o kilala rin bilang COFAR na isinagawa sa Brgy. Cawayan Real, Quezon. Ang Farmers Field Day ay ang panahunang pagtatala ng mga karakter ng humigit kumulang 50 na uri ng organikong palay kung saan ito ay masinsing sinusubaybayan at inaalagaan upang mas lubos pang makilala ang bawat variety at matukoy kung alin sa mga ito ang pinakaakma sa lugar.
Ang isinagawang FFD ay nasaksihan ng Municipal Agriculture Office ng Real, Quezon kung saan masayang ipinahayag ng naturang opisyal ang paghanga sa mga magsasakang kasapi ng Masipag dahil sa kanilang masigasig at matinding dedikasyon sa pagsusulong ng likas kaya at organikong pagsasaka.
Sa Farmers’ Field Day ipinamalas ng mga magsasaka bunga ng kanilang organikong husay at tiyaga sa pananaliksik sa pamamagitan ng masinop pagbibilang ng mga suwi/suhi at butil ng mga organikong palay na itinanim.
Kahali-halina ang sigla at sinseridad ng mga kasaping magsasaka ng Masipag sa tuwing may Farmers’ Field Day dahil dito mas tumitingkad ang kultura ng bayanihan dala ng nakagawiang pagbabahaginan ng iba’t-ibang karanasan ng mga dumalong kasapi. Ang bawat isa ay masikhay na magpapalitan ng obserbasyon, aral, at praktika hinggil sa pangangalaga ng mga palay, pamamaraan sa pamamahala sa patubig, kulisap, lupa atbp. Dahil dito, nakatitipon ng mga bagong kaalaman ang mga kalahaok sa FFD na hindi naman kasapi ng MASIPAG ngunit interesado sa likas kaya at organikong pagsasakang isinusulong nito.
“Hindi matatawaran ang gampanin ng mga magsasaka sa ating lipunan, sila ang nagpupuno sa mga kumakalam na sikmura ng mga mamamayan kaya marapat lamang ang pagsaludo at pagtatampok sa kagitingan ng ating mga magsasaka” pahayag ng isang kalahok.
Indikasyon ng matagumpay na paglulunsad ng Farmers’ Field Day ng COFAR ang masayang paghahayag ng grupo sa sampung pinaka-magandang lahi ng palay na kanilang pinili. Ang sampung lahit na ito ay nakabatay sa kanilang kolektibong pamantayan sa mula sa 50 na itinanim.
Sa bandang huli ng programa ay nagpahayag ang ibang mga dumalo ng pagnanais na makisapi sa sa samahan ng COFAR at maglaan ng oras para mas higit kilalanin ang likas kaya at organikong pagsasaka na isinusulong ng MASIPAG
Laking pasasalamat din ng COFAR sa Office of the Municipal Agriculturist of OMA sa pangunguna ni Maam Lynlyn at Municipal Agriculture Officer Vangie Paril ng Real Quezon sa kanilang tulong at pakikiisa sa naging programa ng mga magsasaka at sa suporta sa organikong pagsasaka.