FDAT Bilang Tugon sa Atrasadong Mekanisasyon sa Pilipinas

May 26, 2022

by MASIPAG National Office

Malaking kabalintunaan na ang Pilipinas bilang isang agrikultural na bansa ay umaasa pa sa mga dayuhang bansa upang tustusan ang kaniyang pangangailangan sa pagkain katulad na lamang ng ating staple na bigas. Kung ating sisipatin, malinaw na ang kalakarang export-oriented at import-dependent sa ating agrikultural na ekonomiya ay bunsod ng mga imposisyong neo-liberal na isinusulong ng mga malalaking bansa na may kontrol sa pandaigdigang pamilihan.

Bagama’t kumplikado at maraming salik ang nagsasalimbayan para panatilihin ang atrasadong agrikultura ng bansa, isa sa nangangailangang bigyang pansin ang kalagayan ng mekanisasyon sa bansa. Ayon sa datos ng pamahalaan, tinatayang nasa 1.23 horse power/hectare ang antas ng mekanisasyon sa bansa. Lubhang kulelat ito kumpara sa ating mga karatig na bansa katulad ng Japan na mayroong 7 horsepower/hectare, South Korea na may 4.11 horse power/hectare at maging sa China na mayroong 4.10 horse power/hectare.

Ayon sa mga eksperto ng UP Los Baños, mayroong iba’t-ibang salik na humahadlang sa mekanisasyon ng mga maliliit na magsasaka. Tinukoy ang mga salik na ito at ito ay ang mga sumusunod: maliit na sakahan, kakapusan sa rekurso, pangamba para sa pagbabago, kakapusan sa angkop na teknolohiya, kakapusan sa pagsasanay, kakapusan sa impormasyon at iba pang problema. Makikita sa larawan ang mga salik na ito. (Paras and Amongo, 2011)

Barriers to small farm mechanization

Kung ating titingnan, karamihan sa mga salik na ito ay maiuugat natin sa mga istruktural na problema sa ating lipunan katulad na lamang ng kawalan ng tunay na repormang agraryo at kawalan ng oportunidad sa malawak na hanay ng magsasaka.

Gayunpaman, ang MASIPAG bilang network ng mga magsasaka, siyentista, at mga NGO, sa kanyang tunguhing i-angat ang kalagayan ng maliliit na magsasaka, ay nagpapakahusay ito sa pagpapaunlad ng mga abot-kayang teknolohiyang angkop para sa mga Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng kanyang programang Farmers Developed and Adapted Technologies (FDAT).