
Noong Abril 5-6, 2022, ginanap sa Iloilo City ang 11th General Assembly ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG, isang pambansang ugnayan na binubuo ng mga magsasaka at kanilang organisasyon, NGO, siyentista, at iba pang mga organisasyon at indibidwal na nagsusulong ng likas-kaya at organikong pagassaka.
Bitbit ang temang “Ipagdiwang ang mga tagumpay ng likas-kayang pagsasaka! Buong husay at mapagpunyagi harapin ang krisis sa agrikultura, pulitika at pagbabago ng klima!” pinagkaisahan ng mga kasapi ng MASIPAG ang pagpapaigting sa mga kampanya, adbokasiya, gawaing teknikal atbp. na siyang mas lalong magpapatambol at magpapayabong ng Likas-Kayang Pagsasaka (LKP) gayundin ang pagpapalakas ng kampanya para sa Climate Justice.
Ilan sa mga napagkaisahang kampanya ay ang proteksyon sa karapatang sibil at pulitikal ng mga magsasaka at buong lakas na pagtutol sa large-scale mining, mega dams at iba pang mga porma ng development aggression na silang hadlang sa mga magasaka upang maisapraktika ang likas-kayang pagsasaka na mula at para sa magsasaka.
Kalakip ng pinagkaisahang mga agenda sa ginanap na General Assembly ay ang paghalal at pagtalaga ng mga bagong susing tao ng network na silang punong kaakibat sa ating puspusang pagtatambol at pagsusulong sa interes ng mga magsasaka. Sa partikular, ang Masipag ay naghalal ng mga bagong miyembro ng Board of Trustees (BOT) at mga komiteng kanilang hahawakan, gayundin ang pagtalaga ng bagong pambansang tagapag-ugnay o national coordinator ng network.
Kaya naman ating kilalanin ang mga bagong susing tao ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura:
Kilalanin: Miyembro ng Board of Trustee sa hanay ng mga magsasaka at bagong halal na Board of Trustee Chairwoman na si Virginia “Virgie” Nazareno.
Dahil sa kaniyang angking husay, si Virginia “Virgie” Nazareno ay naging tagapangulo ng kaniyang kinasasapiang organisasyon, ang Kiday Community Farmer’s Association (KCFA) sa General Nakar, Quezon. Siya rin ay naging tagapangulo ng Provincial Consultative Body (PCB) ng North Quezon, naging tagapangulo ng Regional Management Team (RMT) Southern Tagalog cluster, at sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang kasapi ng BOT ng MASIPAG. Isa siya sa mga magsasakang masikhay na nagbabahagi ng kaalaman sa lokal at internasyunal na kapulungan, lalo na sa gawaing pagpoproseso at pagsasapamilihan. Si ‘nay Virgie ay muling inendorso bilang kasaping BOT ng rehiyunal na asembliya ng MASIPAG Luzon.
Kilalanin: Bagong halal na miyembro ng Board of Trustee sa hanay ng mga magsasaka at tinalaga bilang Board of Trustee Vice Chairman na si Leodegario “Leody” Velayo.
Si Leodegario “Leody” Velayo ay isang masikhay na lider-magsasakang kasapi ng Gabay sa Bagong Pag-asa (GBP) Bungo sa Gapan City, Nueva Ecija. Siya ay naglingkod bilang dating tagapangulo ng GBP Bungo at sa kasalukuyan ay pinuno ng komite nito sa LKP. Siya rin ay kasalukuyang gumagampan bilang pinuno ng MASIPAG Farmers Guarantee System (MFGS) sa PCB Nueva Ecija at pointerpson para sa gawain ng Organizational Development (OD) sa RMT Luzon. Nito lamang ay itinalaga rin si Tay Leody bilang kinatawang magsasakang tagapagbahagi ng MASIPAG sa Asian Peoples Exchange (APEX) on Agroecology and Food Sovereignty – isang plataporma ng bahaginan ng mga magsasaka sa Asya. Si ‘tay Leody ay inendorso bilang kasaping BOT ng rehiyunal na asembliya ng MASIPAG Luzon.
Kilalanin: Miyembro ng Board of Trustee sa hanay ng mga miyembrong non-government organizations o NGO at ngayon ay tatayo bilang sekretarya ng Masipag Board of Trustee na si Karen Faith Villaprudente.
Bago pa man maging executive director ng OFFERS, si Karen Faith Villaprudente ay naglilingkod na bilang organisador ng mga pesante at mangingisda ng kalahating dekada. Liban sa paggampan nito bilang kasalukuyang kalihim at kasapi ng BOT ng MASIPAG, masikhay din itong tumutugon sa mga gawaing kaugnay ng mga isyu sa karapatang pantao, kasama ang mga kinakaharap ng mga katutubo at mga tagapagtanggol ng kalikasan. Sa loob ng network, si Karen ay mahigpit na umuugnay sa komite ng adbokasiya partikular sa mga isyu ng kontrol ng mga korporasyon sa agrikultura, partikular ang kampanya laban sa Golden Rice. Siya ay inendorso ng rehiyunal na asembliya ng MASIPAG Visayas bilang kinatawan ng mga NGO.
Kilalanin: Miyembro ng Board of Trustee sa hanay ng mga miyembrong siyentista at ngayon ay gagampan bilang Board of Trustee treasurer ng network na si Marion Jimenez Tan.
Si Ma. Corazon “Marion” Jimenez-Tan ay kasalukuyang guro sa College of Social Work and Community Development sa UP Diliman. Isa si Prof. Marion sa mga naging tagapanguna ng pagbuo ng programa para sa Organizational Development and Network Strengthening ng MASIPAG at aktibo ring nakikibahagi sa gawaing edukasyon ng mga kababaihang magsasaka. Mula 2010, naglilingkod na si Prof. Marion bilang kasapi ng BOT kung saan gumampan ito bilang ingat-yaman ng mula 2019. Siya ay muling inendorso ng rehiyunal na asembliya ng MASIPAG Visayas bilang kinatawang siyentista.
Kilalanin: Bagong halal na miyembro ng Board of Trustees sa hanay ng mga magsasaka at itinalaga bilang susing tao sa komite ng technical program ng Masipag na si Anamarie “Ora” Mijares.
Si Anamarie “Ora” Mjiares ay aktibong kasapi ng KASMMABI at lider magsasaka mula Negros Occidental. Siya ay nagsimulang magsapraktika ng sustenableng agrikultura noong 2006, kaparehong taon kung saan naging kasapi ang KASMMABI ng MASIPAG. Bilang paravet, binabahagi ni Ora ang kaniyang kaalaman at kasanayan sa kapwa magsasaka upang malutas ang karamdaman ng mga alagang hayop tulad ng manok at baboy. Inendorso si Ora bilang kasaping BOT ng rehiyunal na asembliya ng MASIPAG Visayas.
Kilalanin: Inihalal na miyembro ng Board of Trustees sa hanay ng mga miyembrong siyentista at ngayon ay tumatayo bilang susing tao sa komite ng technical program ng Masipag na si Rose Anne Cleotilde Sambo.
Si Rose Anne Cleotilde Sambo ay isang maka-magsasakang beterinaryong kasalukuyang naglilingkod bilang siyentipikong-kasapi ng BOT. Siya ay guro sa Sorsogon State University at maaasahang kasangguni at tagapagsanay sa pagpapatuloy at pagpapaunlad ng network sa programa nito sa hayupan. Liban sa mga gawain sa MASIPAG, masikhay rin siyang gumagampan bilang direktor ng Bicol Farmers’ School. Si Doc Rose ay muling inendorso bilang kasaping siyentista ng BOT ng rehiyunal na asembliya ng MASIPAG Luzon.
Kilalanin: Bagong halal na miyembro ng Board of Trustee sa hanay ng magsasaka at siyang gagampan bilang susing tao sa komite ng organizational development na si Julieta “Bibing” Linogan.
Si Julieta “Bibing” Linogan ay ang tagapangulo ng Awid Women Farmers Organization o AWFO ng Barangay Awid sa Davao City. Siya ay aktibong lider ng pederasyong Kababaihang Nagtataglay ng Bihirang Lakas o KNBL. Maliban sa organikong pagsasaka, si Ate Bibing ay nagpoproseso at nagluluto ng kaniyang mga organikong produkto. Si Ate Bibing ay inendorso bilang kasaping magsasaka ng BOT ng rehiyunal na asembliya ng MASIPAG Mindanao.
Kilalanin: Inihalal na miyembro ng Board of Trustee at itinalaga bilang susing tao sa komite ng adbokasiya na si Elpidio “Jojo” Paglomutan.
Si Elpidio “Jojo” Paglomutan ay isang aktibong lider magsasaka, tagapagsanay at rice breeder mula sa Kabankalan City, Negros Occidental. Bilang kasapi ng asosasyong BAKAS, aktibo itong gumagampan bilang tagapagsanay at organisador na ang pangunahing bitbit ay sustenableng agrikultura. Nagsimulang magpalahi ng palay si Nong Jojo noong 1998 at sa kasalukuyan ay minimentena at nagagamit ng kapwa magsasaka at National Backup Farm ang lagpas 36 na seleksyong palay na kaniyang nabuo. Mula 2016 ay nagsilbi nang kasapi ng Board of Trustees si Nong Jojo kung saan naging BOT chair ito noong 2019. Siya ay muling inendorso bilang kasapi ng BOT ng rehiyunal na asembliya ng MASIPAG Visayas.
Kilalanin: Bagong halal na miyembro ng Board of Trustee sa linya ng mga partner na non-government organizations o NGOs at siya namang gagampan bilang susing tao sa komite sa programang Local Marketing and Production Support (LMPS) ng network na si Aproniano “Ronnie” Comiling.
Si Aproniano “Ronnie” Comiling ay isang organikong magsasakang aktibong nagtataguyod ng karapatan ng kapwa magsasaka sa pamamagitan ng kaniyang pagiging lider ng kilusan ng mga pesante sa Surigao del Sur. Sa kasalukyan, si Kuya Ronnie ay tauhan at kinatawan ng kasaping NGO ng MASIPAG, ang Group of Advocates for Sustainable Agriculture o GASA. Siya ay inendorso ng rehiyunal na asembliya sa 2022 ng MASIPAG Mindanao bilang kinatawan ng NGO sa BOT.
Kilalanin: Ang siyang bagong talagang punong tagapag-ugnay o national coordinator ng Masipag na si Alfie Pulumbarit.
Bago pa man itinalaga bilang susunod na punong tagapag-ugnay ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura ay nagsilbi munang susing tao ng Information-Communication and Advocacy unit o ICA unit ng MASIPAG national secretariat si Alfie. Sa humigit kumulang isang dekadang pagsisilbi sa adhikain ng network at kabuuang laban ng magsasaka sa pagsusulong ng likas-kayang pagsasaka, naging sandigan si Alfie sa maraming nitong tagumpay kagaya ng capacity building sa mga magsasaka patungkol sa gawaing adbokasiya. Dagdag pa rito ang pagbabalangkas at pag iimplema ng mga komprehensibong lokal, nasyunal at internasyunal na kumpanya. Si Alfie rin ang tumayong representante ng MASIPAG sa mga lobbying activities nito sa pakikipaugnayan sa mga susing tao sa gobyerno hinggil sa pagsasagawa ng mga ordinansa, resolusyon at patakaran na nagsusulong sa karapatan at kaginhawaan ng mga maliliit na magsasaka.
Sa pagtatapos ng makabuluhang eleksyong ginanap noong naka 11th General Assembly, ang mga bagong halal na susing tao ng network ay sabay-sabay namanata at nanindigan sa harap ng mga miyembro nitong magsasaka, siyentista, NGO, at iba pang mga indibidwal at organisasyon nakikiisa sa adhikain ng Masipag sa puspusang pagsulong at pagkamit nito.
Sulong Masipag! Ipagdiwang ang mga tagumpay ng likas-kayang pagsasaka! Buong husay at mapagpunyagi harapin ang krisis sa agrikultura, pulitika at pagbabago ng klima!