FDAT: Three-Row Wooden Paddy Weeder

June 2, 2022

by MASIPAG National Office

Ang MASIPAG bilang network ng mga magsasaka, siyentista at mga NGO, sa kanyang tunguhing i-angat ang kalagayan ng maliliit na magsasaka ay nagpapakahusay ito sa pagpapaunlad ng mga abot-kayang teknolohiyang angkop para sa mga Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng kanyang programa ng pagsubaybay at pagdokumento ng mga Farmers Developed and Adapted Technologies (FDAT). Isa sa mga FDAT na ito ay ang Three Row Wooden Paddy Weeder ng mga magsasaka ng Sto.Nino Integrated Farmers Association (SINFA) sa South Cotabato.

Paano nabuo ito?

Ayon kay Marlon Recidoro ng SINFA at Regional Management Team Member ng MASIPAG Mindanao, nakuha nila ang konsepto at disenyo na ito mula sa Sultan Kudarat at kanila itong pinaunlad. Gamit ang mga payak na materyales na kahoy at pako, madaling gawin at magaan gamitin ang naturang weeder. Kumpara sa kadalasang manual weeder na bakal at isang row lamang ang kayang hagipin, ang 3-Row wooden weeder na ito ay mas episyenteng gamitin lalo na sa mga sakahang gumagamit ng transplanter.

Magkano ang kakailanganin para dito?

Sa usapin naman ng halaga kumpara sa mga imported na 3-row weeder na nasa Php 30,000 ang presyo ng bawat isa, ito ay lubhang mas mababa dahil ang presyo nito ay nasa Php 1,500 lamang at wala pang shipping cost. Tunay ngang ang pangangailangan ang siyang nagluluwal ng imbensyon at pagiging malikhain.

Ang 3-row weeder ay malinaw na nakatutulong sa mga magsasaka upang padaliin ang trabaho sa bukid. Ito rin ay kayang ma-akses ng mga magsasakang Pilipino sapagkat ito ay madaling gawin at ang mga materyales ay makukuha sa isang mabilis na pagbisita sa pinakamalapit na hardware store. 

Ang FDAT bilang ambag sa atrasado at hindi angkop na mekanisasyon ng bansa

Bagama’t signipikante ang ambag ng mga teknolohiyang isinusulong sa FDAT upang paunlarin ang magsasakang Pilipino, malaki pa rin ang pangangailangan para solusyonan ang mga balakid sa pagpapataas sa antas ng mekanisasyon sa bansa. Nabanggit rin sa unahan na naka-ugat ang atrasadong pagsasaka sa mga kumplikadong salik. 

Kasabay ng pagpapayaman natin sa mga FDAT, marapat ding kaalinsabay nito ang ating adbokasiya upang tugunan ang mga istruktural na problema kagaya ng kawalan ng lupa at akses ng mga magsasaka sa rekurso. Malulubos lamang ang pagpapataas ng antas ng mekanisasyon sa bansa kung mayroong tunay na repormang agraryo at pagpapaunlad ng industriya sa bansa na naka-sentro sa lokal na pangangailangan.