Kerosene-based Incubator

January 20, 2023

by MASIPAG National Office

Ang mga magsasaka natin ay maaaring magpaunlad ng kanilang mga teknolohiya o makatuklas ng mga panibagong inobasyon upang mapaunlad ang kanilang pagsasaka at maibahagi ito sa mga kapwa magsasaka. Nakadepende rin ito sa mga problema na kinakaharap sa kanilang sakahan at kung paano ito mahanapan nang paraan. Sa pamamagitan ng FDAT ay nabibigyan sila ng oportunidad na makapagpaunlad o makadiskubre ng mga teknolohiya na naaayon sa sitwasyon ng kanilang sakahan at maibahagi ito sa karamihan.

Ang kerosene-based incubator ay simpleng inobasyon mula sa nakasanayan nating electric incubator na hindi na nangangailangan ng malaking halaga para makalikha. Kinakailangan nalang nito ng pagiging malikhain at masinop sa mga bagay na makikita sa paligid mismo.

Ang Imbentor

Si Fernando “Nanding’’ Caneda ay maraming mga alagang hayop. Mayroon siyang 2 baka, 2 kalabaw, 50 manok, 60 bibe, 24 na itik at 7 na gansa. Ang kanilang sakahan ay tapos na sa kumbersyon mula sa sintetikong pagsasaka, at sa kasalukuyan ay ginagamitan na ng Diversified Integrated Farming System (DIFS); mula sa kanilang mga pananim hanggang sa mga alagang hayop.

Siya ay mayroong verification farm mula sa mga koleksyong binhi na nagmula rin sa MASPAG at ibang mga PO. Sa kanyang mga na-verify ay nakapili siya ng mga klase ng binhing kanyang pinaparami o “mass production”. Mula sa mga pananim sa paligid, nakakukuha siya ng mga pakain para sa mga alagang hayop. Sa katunayan, ang mga dumi ng kanyang mga alagang hayop ang siyang ginagamit din niyang pataba sa kanyang sakahan. Kaya naman, maituturing na kapaki-pakinabang ang kanyang mga alaga, lalo na at marami rin ang bumibili sa kanila ng mga neytib na manok at mga maliliit na bibe. Naging dagdag kita na rin sa kanilang pamilya ang kanyang mga manok, bibe at gansa.

Problemang Nakatakdang Solusyonan ng Inobasyon

Dahil sa maraming mga alagang mga manok at bibe, nag-isip si Kuya Nanding ng paraan upang hindi masayang ang mga itlog nito. May mga pagkakataon na ang mga inahing manok ay iiwan na ang pugad kahit hindi pa tapos mapisa ang lahat ng mga itlog at nasasayang lamang, lalo na’t minsan ay sabay-sabay halos mangitlog ang lahat ng mga inahin. Sa pagdami ng kanilang mga alagang bibe, walang pwedeng magpisa sa mga itlog nito kaya humanap si Kuya Nanding ng paraan paano masolusyonan ito.

Napagtanto niya na kung bibili siya ng incubator, malaki ang gastos nito at pwedeng lumaki pa ang bayarin sa kuryente. Kaya upang makatipid, nag-isip siya ng isang egg incubator mula sa mga scrap na materyales na makikita lamang sa kanilang paligid at kanyang nabuo ang ‘kerosene-based incubator’. Mula sa mabusising pag-aanalisa sa kung paano ito gagana at kung paano niya makuha ang tamang temperatura, porsyento ng pagpisa, at ibang mga maliliit na detalye.

Layunin ng Paglikha ng Inobasyon

Binuo ang kerosene-based incubator upang makatulong pandagdag-kita sa pamilya. Dahil dito, maaari nang magbenta ng balut gamit ang incubator at mapadadali ang pagpaparami sa mga manok at sisiw. Hindi na rin problema kung ano ang gagawin sa mga natirang itlog na iniwan na sa pugad ng mga inahin.

Materyales, Proseso at Paggamit

Mayroong tatlong parte ang kerosene-based incubator: eggtray, heater, at incubator box. Nakalahad sa ibaba ang mga materyales para sa bawat bahagi.

  1. Para sa eggtray
    • Wooden stick 1’’x1’’x8’’(3 pcs.)
    • Screen # 0.5
    • PVC # 3/4
    • Flat bar 1’’x2.5’’
  2. Para sa heater
    • Steel plate (49cmx29.5cmx5cm)
    • Kerosene lamp (1 gallon ng kerosene ay sapat na para sa 3 siklo ng incubation)
    • Incubator thermometer
    • Tupperware
    • Wooden stick
  3. Para sa incubator box
    • Styrofoam box 57cmx40cm
    • Screw bolt # 1/4×2
    • Bisagra o hinge
    • Packaging tape
    • Frame glass (picture frame size)

Proseso ng Pagbuo ng Kerosene-based Incubator

  1. Ilagay ang bisagra (o hinge) sa takip at katawan ng syrofoam. Magsisilbi itong bukasan ng incubator. Butasan ang likurang bahagi para magsilbing air intake at ang ibabaw naman para sa maging heat exhaust.
  2. Butasan ang harapan o ang takip ng incubator kung saan magkakasya ang frame para magsilbing viewing area. Gumamit ng packaging tape upang maidikit ang frame sa styrofoam.
  3. Sa loob naman ng box ay ilagay ang dalawang wooden stick na magsisilbing patungan ng steel plate o heater.
  4. Gumawa ng eggtray gamit ang screen at ang wooden stick na nakapormang letter C kung saan kakasya ang kerosene lamp sa gitna nito. Sa ibabaw naman nito ilagay ang flat bar na magsisilbing tray para sa mga itlog.
  5. I-assemble ang steel plate na may sukat na 49cmx29.5cmx5cm para magsisilbing heater sa incubator o ang siyang magdadala ng init.
  6. Ilagay na ang mga na-assemble na eggtray at heater sa loob ng box. Sa ibabaw ang heater at sa ilalalim naman ang egg tray.
  7. Sa gitna ng heater at egg tray ay ilagay ang thermometer upang malaman ang tamang temperature.
  8. Isunod ang kerosene lamp at ilagay ito sa espasyo sa gitna egg tray. Sa ilalim ng egg tray, ilagay ang lalagyang may lamang tubig upang mapanatili ang halumigmig sa mga itlog at maiwasang matuyo ang mga ito. Ilagay ang kerosene incubator sa lugar kung saan malayong maabot ng mga bata at nasa tamang pwesto.

Paggamit

Sindihan ang kerosene lamp at painitin ang loob ng incubator hanggang sa makuha ang tamang temperatura (Ang kabuuang init ng incubator ay dapat na hindi lalagpas sa 35°C at hindi bababa sa 30°C). Ilagay na ang mga itlog.

Tandaan

  1. Bago ilagay ang mga itlog ng bibe sa incubator, linisin muna ito gamit ang isang mamasa-masang tela at kinaumagahan na ito ilagay sa egg tray. Ang mga itlog naman ng manok ay pwede nang ilagay agad sa egg tray sa loob ng incubator.
    • 36 na itlog ng bibe ang kasya sa incubator at 45 naman kung itlog ng manok
    • Ang hatching percentage nito ay 30-40% para sa mga bibe at 70-80% para sa mga manok.
    • Araw ng pagkapisa: 28-34 araw ang iintayin bago mapisa ang mga bibe at 18-20 araw naman para sa mga manok.
  2. Pagkatapos ng 4 na araw ng pagkakalagay ng mga itlog ay maaari nang piliin ang mga magagandang itlog upang maihiwalay sa mga mayroong hindi kanais-nais na katangian. Tatlong beses sa isang araw paikutin ang mga itlog para magkaroon ang mga ito ng tamang sirkulasyon.
  3. Kailangan namang magrefill ng kerosene 4-5 araw mula sa paggamit ng incubator.
  4. Kapag may lumabas nang mga sisiw, dapat ay maihawalay na ang mga ito sa isang kahon upang maiwasan ang pagkalunod ng mga sisiw sa amoy ng kerosene.

Benepisyo sa Inobasyon sa Magsasaka at sa iba pang Magsasaka

  • Para magamit pa ang itlog na iniwan ng inahin at hindi masayang
  • Makatutulong para maparami ang produksyon ng mga neytib na manok at bibi
  • Makatitipid sa kuryente dahil kerosene ang gamit
  • Dagdag kita dahil makatutulong na masimulan ang produksyon ng balot
  • Hindi na mahihirapan ang mga magsasaka sa pagpa-incubate sa mga itlog.

“Mas mabuting makadiskubre tayo ng mga inobasyon o teknolohiya na makatutulong, hindi lang sa pamilya, kung hindi pati na rin sa mga kapwa magsasaka. Tayong lahat ay makalilikha ng inobasyon kung tayo ay mapamaraan at malikhain sa paggamit ng mga materyales sa paligid at hindi tayo titigil sa pagdiskubre nito. Tayong lahat ay may kaniya-kaniyang kakayahan na nakatago at kailangan lamang paglinangin ito.” – Kuya Nanding