
Sari-saring tanim, sama-samang aanihin!
Ang Diversified and Integrated Farming System o DIFS ay isang uri ng sistema sa pagsasaka kung saan kabuuan ng lupang sinasaka ay ginagamit upang tamnan ng samu’t saring pananim na sinamahan ng paghahayupan. Ang ganitong sistema ay praktika ng magsasakang MASIPAG upang mapakinabangan nang lubos ang lupa at mga rekurso at madagdagan ang benepisyo mula rito. Ang bawat komponente ng sakahan ay may kapaki-pakinabang na integrasyon sa bawat isa na may ambag sa kabuuan. Sa ganitong sistema, napananatili at napauunlad ang sakahan bilang bahagi ng kabuuang ekosistema.
May iba-ibang uri ng DIFS batay sa angkop na pananim at hayop sa partikular na lugar. Maaaring ang DIFS ay naka-batay sa palay, niyog, tubo, palay-bibe, mais, gulay, at iba pang angkop na tanim at hayop.
Ang praktika ng DIFS ay proseso. Napakahalaga na may malinaw at konkretong plano ang isang magsasaka sa tipo at uri ng mga pananim at hayop na angkop at ninanais nito para sa kanyang sakahan. Susing indikasyon ng matagumpay na DIFS ang aktibong partisipasyon ng organisasyon at ng komunidad nito. Matitiyak na malusog at matatag ang komunidad kung mula sa isa o dalawang sakahan na nagsasapraktika ng DIFS ay dumoble ito o higit pa, mula sa kalapit sakahan tungo sa komunidad.
Isa rin ito sa mga tanyag at malawak na adbokasiya ng MASIPAG. Ang pagsusulong ng DIFS ay isang porma ng pagtaliwas sa dominante at mapanirang sistema ng pagsasaka na bumiktima na sa milyun-milyong magsasaka sa bansa.
Ang praktika ng DIFS ay nagsisilbing kalasag at panangga ng mga magsasaka laban sa papatinding pagbabago sa klima. Sa pamamagitan ng praktikang ito, naikakalat ang risko sa sakahan at naiiwasan ang pagkalugi at kawalan ng kita ng mga magsasaka. Sa DIFS, nakakamit ng mga magsasaka ang surplus at nakapagdadala ng produkto sa pamilihan.
Ang DIFS ay nagpapakita ng pag-asa na mayroong alternatibong pamamaraan sa pagsasaka na nagbebenepisyo ang magsasaka, kalikasan at mga miyembro ng komunidad. Namumutawi sa mga sakahang ito ang hangarin ng mga magsasakang MASIPAG para ipaglaban ang isang malusog, matatag at makataong komunidad at sistema para sa lahat ng mamamayan.
Mga Antas ng Diversified and Integrated Farming System (DIFS)
Unang Antas
Sistema ng pagsasaka sa lowland at/o upland na kayang lumikha ng pagkain para sa konsumo ng pamilya at nakasusuplay ng mga pagkaing pagkukunan ng carbohydrates, protina at fiber ngunit hindi pa nakakamit ang pangkalahatang pangangailangang nutrisyunal ng pamilya.
Pangalawang Antas
Rice-based na sistema ng pagsasaka na nakasusuplay ng mga pananim na pagmumulan ng carbohydrates, protina, at fibers at natutugunan ang pangangailangang nutrisyunal ng pamilya.
Pangatlong Antas
Rice-based na sistema ng pagsasaka na kayang makasuplay ng mga pananim at karne bilang pagkukunan ng carbohydrates, protina at fibers na kayang tugunan ang nutrisyunal na pangangailangan ng pamilya.
Pang-apat na Antas
Rice at upland crops-based na sistema ng pagsasaka na nakasusuplay ng carbohydrates, protina at fiber na galing sa mga pananim at hayop, na nakatutugon sa mga pangangailangang nutrisyunal ng mga pamilya, na may dagdag na komponente tulad ng herbal bilang sorsa ng alternatibong gamot para sa pamilya (hal. luya, luyang dilaw, sambong).
Panglimang Antas
Nakamit na ang level 4, at may dagdag na 10% pagtaas sa kita ng sakahan.
Pang-anim na Antas
Nakamit na ang level 4, at may dagdag na 20% pagtaas sa kita ng sakahan.
Pampitong Antas
Nakamit na ang level 4, at may dagdag na 30% pagtaas sa kita ng sakahan.

“May bentahe ang pagiging DIFS practitioner; halos nakukumpleto na ang pangangailangan mo sa buhay. Andyan ang kasiguraduhan sa binhi, pataba at pagkain. Dito umiikot ang nutritional cycle sa loob ng ating farm. Malaki din ang katipiran mo sa iyong pagsasaka kapag ikaw ay nag-DIFS.“
Lauro Diego, DIFS Practitioner mula Bataan
Gabay sa Nutrisyon
Ang carbohydrate ay pangunahing mapagkukunan ng enerhiya ng katawan. Makukuha ito sa tinapay, bigas, at mga lamang-ugat tulad ng kamote.
Ang protina naman ay isa sa mga pangunahing sustansya na kailangan ng katawan sa paglago at pagsasaayos ng mga nasirang selula at tisyu sa katawan. Ito ay kadalasang nakukuha sa mga karne, gatas at mga buto at binhi tulad ng legumbre.
Samantala, ang fiber ay bahagi o parte ng ating pagkain na nagbabawas ng risko sa pagkakasakit sa puso. Matatagpuan ito sa kanin, tinapay, madadahong gulay, prutas, legumbre, atbp.
I-download na ang DIFS Poster: