
BIGKISAN NG MAGSASAKANG MASIPAG TUNGO SA MALUSOG MATATAG AT MAKATAONG KOMUNIDAD
Nitong nakaraang taon, hinarap natin ang patung-patong na mga pagsubok, mula sa mga bantang dala ng dumaang pandemya, pagbabago sa klima, lumalalang represyon at agresyon ng mga korporasyon. Hindi maikakailang nagdulot ang mga ito ng matinding epekto sa ating pambansang ugnayan. Sa kabila nito, napatunayan sa lahat ng ating napagtagumpayan ngayong taon na desidido, buong-loob at sama-sama tayong nagsusulong ng mga pagbabago sa ating mga komunidad. Malaki na ang ating inabante, hindi lamang sa pagsusulong ng likas-kayang pagsasaka kung hindi pati na rin sa higit pang konsolidasyon at pagpapatatag ng ating ugnayan upang harapin ang pagsubok ng paparating na taon.
Matagal na tayong lumalaban para sa hustisya at kaunlaran at naipapakita natin ang dedikasyon sa labang ito sa lahat ng ating pagtitipon, asembliya, at iba pang aktibidad sa ating mga komunidad. Ang mga tagumpay natin sa bawat komunidad ay may positibong dulot sa bawat miyembro nito at sa katunaya’y nagsisilbing inspirasyon sa marami pang mga magsasaka na naghahanap ng pag-asa para sa tunay na pagbabago at kumakaharap sa mga suliraning ibinunga ng isang hindi makatarungang sistema ng pagsasaka sa bansa.
Higit sa pagpapamalas ng ating husay sa ating gawain, marami na rin ang nakikipag-ugnayan at lumalahok sa ating mga programa. Gamitin natin ang mga aral at tagumpay ngayong taon upang magkamit ng higit pang mga tagumpay sa marami pang mga komunidad. Malayo pa, ngunit hindi imposible, ang tinatanaw nating isang makatao at makatarungang lipunan na may tunay na pagkakapantay-pantay at hustisya, sapagkat maraming mga pagsusubok tayong kinakaharap at haharapin pa.
Ang bawat paglaban sa komunidad ay isang hakbang pasulong sa ating tinatanaw. Kung kaya’t ipagpatuloy at pagbutihin natin ang ating mga gawain! Patuloy na igiit ang ating soberanya at karapatan sa binhi, lupa, teknolohiya at tunay na kaunlaran na nakabatay sa hustisya at tunay na pagkakapantay-pantay! Isulong ang pagbabago mula sa sari-sarili nating komunidad patungo sa mas malawak pang hanay ng mga magsasaka!
Basahin ang buong isyu ng SUHAY | July – December 2022 Issue:
Ang SUHAY ay ang opisyal na pahayagan ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura