
Ang Rice Trial Farm Strategy ng MASIPAG
Ang pagpaplano, pagpapasya, at kontrol sa mga aspeto ng agrikultural na produksyon ay nararapat na nasa kamay ng mga magsasaka. Gayunman, ang mga karapatang ito ay sinasagkaan sa pagputok ng Green Revolution at ng mga transnational corporation gaya ng Syngenta, Monsanto, at Bayer na silang nais monopolyohin ang produksyon ng palay gamit ang mga High Yielding Varieties (HYVs), hybrid at GMOs na binhi. Dagdag pa na ang mga teknolohiyang ito ay nakapakete sa paggamit ng sintetikong pestisidyo at abono at pagpapatente na lubos-lubusang ginagawang negosyo.
Kaya naman, isa sa mga pangunahing layunin ng MASIPAG ay maibalik sa kamay ng mga magsasaka ang karapatan sa binhi at teknolohiya.
Sa higit tatlong dekada na nagdaan,, patuloy na naglalayon ang MASIPAG na makamit ang pagsasakapangyarihan ng mga magsasaka (farmer empowerment) at ang kanilang kakayanang makapag-sarili (self-reliance).
Ang Oryentasyong MASIPAG
Ang binhi ay marapat na libre at pagmamay-ari ng lahat at ang produksyon nito ay dapat na kontrolado ng mga magsasaka. Bilang mga taga-pangalaga, taga-pangasiwa at pangunahing lumilikha ng pagkain, nararapat lamang na may akses at makinabang ang mga magsasaka sa binhi lalo na ngayong nawawala na ang mga lokal na binhi habang pinagtitibay naman ang breeders’ rights at pagpapatente ng binhi. Ang mga lokal na binhi din na angkop sa bawat lugar ang sandata ng mga magsasaka upang madaling makabangon mula sa pinsala ng climate change.
Subalit ang pagiging tagapangalaga ay malaking responsibilidad din na kinakailangang maunawaan at maisa-puso ng mga magsasaka. Kinakailangang maunawaan ng mga magsasaka ang proseso kung papaano ibinabahagi ang mga binhi at kung papaano ito pinararami. Gayundin, kinakailangan maunawaan ng mga magsasaka ang mga mahahalagang hakbang upang likas-kayang mapanatili ang magandang ani at pagiging puro ng mga binhi, kung paano iiwasan ang mga peste at ang pagkasira ng mga ito. Ang mahalagang aspetong ito ng produksiyon ay dapat na malinaw na natatalakay at naiintindihan ng mga magsasaka at ng buong kasapian bago simulan ang pangongolekta ng binhi at pagbuo ng trial farm.
Ang lahat ng ito ay tinatalakay sa MASIPAG Orientation on Sustainable Agriculture (MOSA). Ang oryentasyon ay isang pamamaraan upang maintindihan ang esensiya ng MASIPAG; kung papaano ito nagsimula at kung papaano makatutulong ang organisasyon sa maliliit na magsasaka sa komunidad na magsakapangyarihan; na may kakayanang makapagpasya at tumindig sa sarili.
Sa pagtatapos ng oryentasyon, magsisimula nang mangolekta at babahaginan ng iba’t ibang klase ng binhi ang organisasyon (minimum na bilang ng klase ng binhi: 50 o depende sa kahandaan at kakayanan ng PO) upang simulan ang kanilang trial na pagkalipas ng dalawang season ay sasailalim sa verification. Ang prosesong ito ay tinatawag na “trial farm strategy”’; sinusubukan at pinag-aaralan ng mga magsasaka ang hindi bababa sa limampung klase ng binhi ng palay sa sarili nitong sakahan upang makita at maobserbahan ang katangian ng bawat binhi. Sa ngayon, ang bilang ng binhi para sa trial farm ay ibinabagay sa sukat ng sakahan ng magsasaka o ng organisasyon. Kapag naisagawa na ng grupo ang pagtatasa o evaluation ng mga binhi, makapipili na ang mga magsasaka kung anong mga klase ng binhi ang aangkop sa kanilang pangangailangan, lokal na kondisyon at makapagbibigay ng magandang ani.
Ang pagtatayo ng Trial Farm (TF)
Ang pagtatatag ng trial farm ay isang istratehiya upang lutasin ang mga problemang nakikita at inilalahad ng mga magsasaka kagaya ng kawalan ng angkop na binhi at akmang teknolohiya sa pagsasaka na makapagpapababa ng gastusin at makapagpapataas ng kita. Ang trial farm ay mahalaga upang:
- Makapagtatag ng buhay na community seedbank (in-situ seedbank) na permanenteng mapagkukunan ng libreng binhi ng mga magsasaka na siyang tuluyang magpapalaya sa kanila mula sa mga “binhi ng pagka-alipin” o binhing HYV, at magiging pundasyon ng gagawing pagpapalahi o pagpapahusay ng mga binhi (breeding/seed improvement);
- Ibalik ang diversity sa bukid at hadlangan ang genetic erosion na dulot ng Green revolution o Gene revolution (a.k.a. genetic engineering);
- Hasain ang kamulatan, kaalaman at kasanayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pananaliksik at pagsasanay na isinasagawa mismo sa loob ng trial farm;
- Lalong mapalakas ang mga samahan ng magsasaka sa pamamagitan ng sama-samang paglutas sa mga suliraning pang-agrikultura;
- Maisakatuparan ang esensiya ng partnership, participatory at self-reliance sa lebel ng mga samahang magsasaka at;
- Isang mabisang sandata para sa adbokasiya ng MASIPAG – isa itong patunay na buhay ang MASIPAG, na may tunay na alternatibo at may kakayahan ang mga magsasaka na maipamalas ang kanilang kaalaman sa agrikultura.
Ang Trial Farm at ang mga Magsasaka
Liban sa benepisyo ng Trial Farm sa usaping teknikal at produksyon, nagsisilbi rin itong malikhaing kasangkapan sa pag-oorganisa sa pamamagitan ng konsolidasyon at pagpapalakas ng samahan.
Sa pagtutulungan ng buong organisasyon, minimintina sa Trial Farm ang hindi bababa sa 50 na klase ng binhing palay (20 Traditional Rice Varieties, 20 MASIPAG rice, 10 farmer-bred rice) na may taglay na iba’t ibang katangian at benepisyo. Mula rito ay pumipili ang PO ng Top 10 na baryedad/seleksyon na kanila namang isasailalim sa beripikasyon (verification farm) hanggang umabot ito sa mass production. Ang pagpili ng Top 10 na baryedad/seleksyon ay karaniwang isinasagawa tuwing Farmers’ Field Day kung saan binubuksan ng PO ang kanilang taniman upang kolektibong makapagtala ng datos ang buong komunidad hinggil sa katangian ng mga palay.
Ngunit liban sa pagmimintina ng kasalukuyang koleksyon ng binhi, nagsisilbi ring pundasyon ang Trial Farm sa pagpapaunlad ng mga lahi ng palay at pagpapanday ng mga farmer-breeder. Sa kasalukuyan, maraming mga magsasaka ang gumagamit na ng mga pinalahing palay ng mga magsasaka o farmer-bred rice kung saan ang ilan ay naobserbahang matatag laban sa baha at malakas na hangin, sa tagtuyot, sa tubig-alat, sa mga peste at sakit.
Sa nasabing mga layunin, ibayong nagpapalakas ang mga organisasyon upang ipagpatuloy ang nasimulang pagsusumikap at pagtataguyod sa karapatan ng mga magsasaka sa binhi, angkop na teknolohiya, at hustisyang pangkalikasan tungo sa kaseguruhan at soberanya sa pagkain.