Magsasakang MASIPAG sa Quezon, Nakiisa sa 9-na-araw na Martsa Laban sa Kaliwa Dam

February 16, 2023

by MASIPAG National Office

GENERAL NAKAR, QUEZON | Nagsimula na kahapon, Pebrero 15, 2023, ang martsa ng humigit kumulang 300 mamamayan ng General Nakar sa Quezon upang ipanawagan ang kanilang pagtutol sa itinatayong Kaliwa dam project ng MWSS na siyang magpapalubog sa ilang mga katutubong komunidad sa probinsya ng Quezon at Rizal. Ayon kay Ginang Virginia “Nay Virgie” Nazareno, isa sa mga lider ng martsa at lider kababaihang magsasaka ng MASIPAG mula sa Sitio Kiday, Bgy. Pisa, Gen. Nakar, tinawag nila itong “Lakad Laban sa Kaliwa Dam” na inaasahang aabot hanggang Malacanang. 

Ang Lakad Laban sa Kaliwa Dam ay kasalukuyang nilalahukan ng mga magsasaka, katutubo, taong simbahan, at mga residente ng bayan ng Real, Nakar, at Infanta sa probinsya ng Quezon. Inaasahan tatagal ang hanggang Pebrero 23 ang Lakad Laban sa Kaliwa Dam. Bago ang martsa, nag misa muna sa parokya ng Gen. Nakar ang delegado na  pinangunahan ni Bsp. Bernardino Cortez at father Boyet Valenzuela. Habang binabaybay ang kahabaan ng General Nakar tungo sa bayan ng Infanta, tinangka ng bulto na makipag dayalogo sa munisipyo ng General Nakar subalit hinarangan sila ng barikada ng mgapulis kaya’t nagpasya na l silang lumakad  papunta sa bayan ng Infanta upang doon mag programa.

Ayon kay Ginoong Joel Abrao, residente ng Brgy. Agos-Agos at isa ring lider magsasaka at nang kanilang homeowners association ng John Paul II Village,

Hindi lamang sa REINA (Real, Infanta, Nakar) area mayroong mga mamamayan ang makararanas ng katulad na mapaminsalang Dam, gayun din sa ibang bahagi pa ng bansa na kailangang magkaisa para palakasin ang tinig upang tutulan ang lahat ng proyektong mapaniil at mapanira sa buhay, kabuhayan at kalikasan”.

Dagdag pa niya, aabot sa humigit kumulang 700 ektaryang sakahan sa Infanta ang mawawalan ng patubig at palulubugin ang nasa humigit kumulang na 50 ektaryang sakahan sa Gen Nakar. Hindi pa kasama dito ang mga lupaing ninuno ng mga Agta-Dumagat. 

Ayon kay Ginang Virginia Nazareno, lider kababaihang magsasaka ng Kiday Community Farmers Association (KCFA),

“Hindi naman makikinabang ng lubos ang mga mamamayan sa itinatayong Kaliwa Dam na ito kundi ang mga malalaking nagnenegosyo lamang sa tubig. Kung pipigilan nila ang pag agos ng ilog tiyak na maraming maaapektuhan ng hindi maganda. Lalo na kaming mga maliliit na magsasaka na nasa gilid ng Ilog Agos.”

Dagdag naman sa grupong HARIBON

“12-kilometrong daan na ang kanilang kinalbo sa kagubatan ng Sierra Madre na kung saan deklaradong protected area, at ang Sierra Madre ay kalasag natin laban sa mga malalakas na bagyo. Kapag itinuloy nila ang pagtatayo ng Kaliwa Dam, tiyak makaka-apekto ito sa kagubatan ng Siera Madre”

Matatandaang naglunsad ang MASIPAG Luzon kasama ang mga samahang magsasaka at residente ng REINAl noong Pebrero 6, 2023 na dinaluhan ng humigit kumulang 250 katao. Dito, ipinanawagan ng mga magsasaka ang pagpapatigil sa nagaganap na konstruksyon ng Dam at nangakong gagawin ang lahat upang hindi mapahintulutan ang pagtatayo ng Kaliwa, Kanan at Laiban Dam. 

Ang “Lakad Laban sa Kaliwa Dam” ay pinangunahan ng Alyansa ng Mamamayan laban sa mapaniil na Dama o ALMADAM,  kasama ang iba’t ibang grupo kabilang na ang HARIBON, IDPIP-ST, Simbahang katoliko at protestante at iba pang organisasyong magsasaka sa ilalim ng MASIPAG Provincial Consultative Body ng Northern Quezon, na binubuo ng 9 na People’s Organization (PO’s) ng mga maliliit na magsasaka at katutubo sa Real, General Nakar at Infanta.