BINHING MASIPAG: Climate Change Resilient Rice Seeds

March 10, 2023

by MASIPAG National Office

Sa gitna ng papatinding epekto ng pagbabago ng klima, nasa pinakabulnerableng posisyon ang sektor ng agrikultura. Ang mas madalas at mas malakas na hagupit ng bagyo; mas mahabang tagtuyot; pagtaas ng tubig-alat; at, paglitaw ng mga mas mapaminsalang peste at sakit sa taniman, ay ilan lamang sa mga kondisyong lubhang nakaaapekto sa produksyon ng pagkain na may direktang epekto sa kaseguruhan sa pagkain ng buong komunidad at kabuhayan ng magsasaka. Kung magpapatuloy ang ganitong kalagayan, lulundo ito sa tuluyang pagkasira ng kabuuang sistema ng pagkain.

Sa kabila nito, patuloy ang pagsusumikap ng MASIPAG sa pagtuklas at pagpapaunlad ng binhi at paglikha ng pagkain pamamagitan ng likas-kayang pagsasaka. Dahil ang sistemang ito ay nakabatay sa kondisyon ng lokalidad at pangangailangan ng maliliit na magsasaka, nagsisilbi rin itong hakbang upang sila ay makaangkop at makaigpaw sa epekto ng nagbabagong klima, habang binabawasan ang mga dahilan ng lalo nitong paglala. Kakabit ng inisyatibang ito ang pangongolekta at pagmimintina ng mga tradisyunal na binhing palay na sa matagal na panahon ay na-obserbahang angkop sa klima ng bansa. Dagdag pa rito ay ang puspusang pagsusumikap ng mga magsasaka sa pagpapaunlad at paglikha ng binhing palay (sa pamamagitan ng farmer-led breeding) na matatag laban sa mga epekto ng nagbabagong klima. 

Mula sa datos na nakalap ng mga magsasakang MASIPAG noong 2020-2022, inihahandog ng network ang pangalawa nitong isyu ng Climate Change Resilient Rice Map kasama ang mga Locally-Adapted Varieties and Selections upang itampok ang matatag na binhing palay na nasa kamay ng mga maliliit na magsasaka.

I-download na ang buong materyales