
Noong ika-18 ng Abril, 2023, sa gitna ng En Banc deliberations ng Korte Suprema ay pormal nitong hinatol ang Writ of Kalikasan hinggil sa komersyalisasyon at ng GM crops na Golden Rice at Bt Talong. Ang Writ of Kalikasan na isinumite ng mga magsasaka, siyentista, at civil society leaders na pinangunahan ng MASIPAG ay naglalayong ipatigil ang komersyalisasyon at pagpapatanim ng Golden Rice at Bt talong dala ng naka-ambang panganib nito sa kapaligiran.
“Mula sa pagkilala ng Korte Suprema sa naka-ambang panganib na dala ng Golden Rice at Bt Talong sa ating kapaligiran at kalusugan, mas lalo nitong pinagtibay ang ating panawagan na tuluyan itong ipatigil at huwag nang tangkilikin pa ng ating gobyerno” sabi ni Alfie Pulumbarit pambansang tagapag-ugnay ng MASIPAG.
Isinumite noong ika-17 ng Oktubre ng nakaraang taon, ang petisyon para sa Writ of Kalikasan with prayer for the issuance of Temporary Environmental Protection Order o TEPO ay naglalayong na direktahan ang mga tagapagtaguyod ng Golden Rice at Bt talong na itigil ang komersyalisasyon ng mga nabanggit na Genetically Modified (GM) crops, gayundin ang pagsasawalambisa ng mga biosafety permits nito at pagpapatawag ng isang independent risks and impact assessments at paghahanda ng prior and informed consent sa mga katutubo at magsasaka.
Sa nagdaang mga taon, mismong mga magsasaka at siyentista na ang nagsasabi sa mga tagapagtaguyod ng Golden Rice at Bt Talong hinggil sa panganib nito sa kalusugan, kalikasan, at laksambuhay bunsod ng malaking potensyal nitong kontaminahin at burahin ang mga katutubo at lokal na barayti ng palay at talong ng bansa. Dagdag pa rito, bigo na kamitin ng mga tagapagtaguyod ng mga naturang GM crops ang mga ligal na pamantayan at regulasyon upang masiguro ang kaligtasan nito sa kapaligiran at kalusugan. Gayunpaman, tuloy-tuloy pa rin ang mga ahensyang tagapagtaguyod nito gaya ng Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Health (DOH), Bureau of Plant Industry (BPI), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), at University of the Philippines Los Banos (UPLB) sa pagpaparami at pagtatanim ng Golden Rice at Bt Talong sa mga sakahan.
“Kami ay nananawagan sa Korte Suprema na buo nitong dinggin ang aming petisyon at isama ang aming panawagang Temporary Environmental Protection Order o TEPO sa Golden Rice at Bt Talong. Ang kapakanan ng ating mga maliliit at katutubong magsasaka gayundin ang kapaligiran partikular ang lokal na laksambuhay ng ating mga katutubo at tradisyunal na palay at talong ang nakataya sa usapin na ito” dagdag pa ni Pulumbarit.
Sa kabila ng mataas na potensyal nitong magbunga ng malawakan at permanenteng kontaminasyon ng mga lokal na barayti ng palay at talong na magreresulta sa pagkabansot at maging pagkawala ng mga ito, tuloy-tuloy pa rin ang proyektong Golden Rice sa paglalako nito sa mga paaralan, palengke, at mga munisipalidad. Gayundin, sa kabila ng umiiral pa rin na hatol ng Korte Suprema noong 2015 na nagsasaad na delikado sa kalusugan ang mga GM crops partikular ang Bt Talong, tuloy-tuloy pa rin ang mga ahensya at tagapagtaguyod ng mga ito sa pagpapakain sa mga bata sa eskwelahan. Sa partikular, nitong taon lamang, nagsagawa na ng feeding programs ng lugaw na Golden Rice ang ilang mga eskwelahan sa bansa habang wala pa ring maayos na dayalogo at pagpapaikot ng impormasyon hinggil sa mga panganib nito sa kalusugan.
Samantalang habang ipinapahamagi naman sa prente ng pagresolba ng mga malnutrisyon at iba pa, ang Golden Rice ay pinagmamay-arian pa rin ng dambuhalang agro-chemical na korporasyong Syngenta na, sa mahabang panahon, kilala sa pagkokontamina ng maraming kapaligiran sa ibang mga bansa dahil sa mga inalalako nitong GM crops. Ang proyektong Golden Rice din ay nakakakuha ng pondo mula sa mga pilantro-kapitalista gaya ng Bill and Melinda Gates Foundation.
“Ito ay simula pa lamang ng ating mahabang laban tungo sa paggiit ng ating soberanya sa pagkain ng mamamayan. Sa kabali ng paghahatol ng Writ of Kalikasan ng Korte Suprema sa Golden Rice at Bt Talong, kami ay nananawagan sa lahat na samahan kami at tumindig sa ating panawagan para sa maka-magsasakang agrikultura at makataong sistema ng pagkain” wakas ni Pulumbarit.
Kabilang sa mga kasama sa petisyon ang Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG), Greenpeace Southeast Asia-Philippines, Southeast Asia Regional Initiatives for Community Empowerment (SEARICE), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Climate Change Network for Community-Based Initiatives (CCNCI), Salinlahi Alliance for Children’s Concerns (SALINLAHI), at mga indibidwal kasama si dating defense secretary at senador Orlando Mercado, crop scientist Dr Teodoro Mendoza, University of the Philippines Manila professor and spokesperson of Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan Reggie Vallejos, social critic and concerned citizen Mae Paner, human rights advocate, and former Commissioner of the National Anti-Poverty Commission Liza Maza, farmers Virginia Nazareno, Jocelyn Jamandron, and rice breeder Lauro Diego.