
Pagpatak ng ulan, mga magsasaka ay nagagalak
lalo na’t panayam at magkakatubig ang mga pinitak.
Ang mga magsasaka sa Poon maykapal nagpapasalamat
patunay na ito’y pagpapasagana ng gulay at bigas.
Ngunit ako naman, pagpatak ng ulan parang nagbabangon
dahil sa mapait na gunita ng aking kahapon.
Dahil sa pagpasok ng Green Revolution
Binhi, abono at lason, mga magsasaka sa utang nabaon.
Kami sa komunidad, patuloy na nag-aaral
siguruhing itong binhi mananatiling may buhay.
Paglalaan ng lokal na binhi, pangunahing kailangan
Siguradong may maitatanim sa ating mga kabukiran.
Sa buhay ng magsasaka, ang binhi ay mahalaga
sasama ng lupa, dunong at angkop na teknolohiya.
Kaya’t lokal na binhi ay alagaan, patuloy na pagkonserba
sapagkat dito nanggagaling ang sapat at ligtas na pagkain ng pamilya.
Tula ni Leody Velayo, organikong magsasaka mula sa Nueva Ecija, na itinanghal noong February 06, 2023 sa Asian People’s Exchange for Food Sovereignty and Agroecology na ginanap sa Luang Prabang, People’s Democratic Republic of Laos