Pambansang Kumperensya Para sa Pagbabahagi ng mga Tuklas at Inobasyon ng mga Magsasakang MASIPAG, Nagbigay Inspirasyon Upang Higit na Isulong ang Maka-Magsasakang Siyensiya para sa Likas-Kayang Agrikultura

May 15, 2023

by MASIPAG National Office

05 MAY 2023 – Sa ikalawang taon, muling inilunsad ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG ang “PRAKSIS: Pagtatagpo ng Teorya at Praktika”, isang pambansang kumperensya ng mga magsasaka, kasama ang mga siyentista, para magbahaginan ng kanilang mga tuklas na inobasyon at pamamaraan na lapat sa kanilang pangangailangan at lokal na kundisyon, sa temang “Paunlarin ang Maka-magsasakang Teknolohiya, Patampukin ang Likhang-Magsasaka, para sa Magsasaka.” Ito ay pagpapatuloy ng matagumpay na National Farmer Developed and Adapted Technologies (FDAT) Forum na sinimulan noong Mayo 2021. 

Layunin ng aktibidad na mai-presenta ng mga maliliit na magsasakang MASIPAG ang kanilang mga likha at tuklas na teknolohiya at praktika at makakalap ng mga komento at/o rekomendasyon mula sa mga siyentista at kapwa nila magsasaka para mapaunlad ang mga ito. Dagdag pa rito, layunin din ng aktibidad na makakalap ng update hinggil sa mga FDAT na in-adapt ng mga magsasaka mula sa mga naipresenta noong mga nakaraang pambansa at mga rehiyonal na forum at mula rito ay magkaroon ng levelling-off para sa sistematikong validation ng FDAT.

Binuksan ang aktibidad ng pambungad na mensahe ni MASIPAG Board of Trustees Chairperson Virginia Nazareno. Ani niya, Ang ating pambansang FDAT Forum sa MASIPAG ay  nagsisilbing patunay ng mahalagang papel ng mga magsasaka sa larangan ng agrikultura. Nagpapatuloy ang mga maliliit na magsasaka sa pagpapaunlad at pagpapayaman ng likas-kayang pagsasaka na nakaugat sa katutubong kaaalaman.

Sinundan ito ng pagbabalik-tanaw sa mga FDAT na ibinahagi noong mga nakaraang taon kasunod ng pagbabahagi ng mga karanasan mula sa mga magsasakang nag-adapt ng mga nasabing mga inobasyon. Halimbawa na lang nito ay ang pag-adapt ni Ricardo “Tay Dodoy” Camasa (mula Negros Occidental) ng FDAT ni Ericson Campomayor (mula Imelda, Zamboanga Sibugay) ng binurong sabaw ng niyog na may asin bilang natural na pangkontrol ng damo.

Sa taong ito, umabot sa siyam (9) na magsasaka mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang naghanda at nagbahagi ng kanilang FDAT. Sa Luzon, ibinida ni Efren Gonzalez ng Magsaysay, Occidental Mindoro ang kanyang organikong pamamaraan ng pagtatanim ng sibuyas kasabay ng kanyang inobasyon na “Organic Onion Storage” na gumagamit ng ipa para panataliing tumagal ang shelf-life nito. Ani ng mga magsasaka, napapanahon ang nasabing inobasyon dahil sa kinaharap na krisis ng sibuyas sa bansa noong unang bahagi ng taon. Ibinahagi din ni Lauro “Tay Larry” Diego mula Limay, Bataan ang kanyang organikong pamamaraan ng pagbibinhi ng lettuce. Nilayon ni Tay Larry na magbihi ng sarili upang makatipid at mapanatiling ligtas ang kanyang binebentang lettuce. Samantalang pinatunayan ni Demetrio Valdoria ng Tayabas, Quezon na bagamat napapalibutan ng mga conventional na taniman ng repolyo ang kaniyang bukid ay kayang-kaya pa ring makapagpatubo ng repolyo sa organikong pamamaraan. 

Inihanda naman ng mga magsasaka mula sa Visayas ang kanilang mga tuklas na inobasyon para sa kanilang mga alagang hayop at halaman. Ibinahagi ni Endalicia “Enda” Quilloy, isang organikong magsasaka ng Burauen, Leyte, ang kanyang herbal na gamot sa sipon at tukwaw ng manok na gawa sa mga sangkap na matatagpuan sa ating mga bakuran tulad ng sili, oregano, at dahon ng ampalaya. Upang masolusyunan naman ang problema sa mapaminsalang insekto tulad ng stem borer, rice bug, at kuhol, ay nabuo ni Alberto “Albert” Gozo ng Ubay, Bohol ang ornamental spray para sa mga peste at kuhol na gawa sa makabuhay sili, asin, at sukang niyog. Habang ibinida naman ni Ramon Davas mula sa Maayon, Capiz ang gata ng niyog bilang gamot sa pagtatae ng kalabaw. Isa din sa natatanging presentasyon ng aktibidad ang inobasyon ni Arlinda Bontoyan ng Ormoc City, Leyte na alternatibong pagkain sa hayop sa sakahan na punong-puno ng mga sustansya upang mapanatiling malusog ang mga alagang hayop. 

Ibinida rin ni Mariano “Tay Mano” Naiz mula sa North Cotabato na Tigre-tigre o Espada-espada herbal para sa sakit ng mga alagang hayop tulad ng baka, kambing, at kalabaw. Samantala, ibinahagi naman  ni Anita Pandian ang kanilang “taknong”,lumadnong pamamaraan ng pagpe-preserba ng palay para pangkain, sa pamamagitan lamang ng bahagyang pagpapainit nito sa apoy (steam). 

Sinundan ang mga presentasyon na ito ng mga talakayanmula kina Dr. Chito Medina at Dr. Rose Anne Sambo, mga kasaping siyentista ng MASIPAG, hinggil sa kahalagahan ng pagkilala at promosyon ng “peasant science” sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon pang-agrikultura at papel ng mga siyentista sa pagpapaunlad ng mga magsasaka-siyentista. 

Isinara ang PRAKSIS sa pagbabahagi ni Lucil Ortiz ng MASIPAG National Secretariat Unit Coordinator para sa Research, Education and Training ng levelling-off sa gawaing validation ng mga tuklas na inobasyon. Ani niya, “Matapos ang praksis, inaasahan natin ang kondukta ng mga pag-aaral na gagawin sa mga komunidad. Nais natin itong gawing madalas at regular para sa mas mahigpit at papalakas na tuwangan ng mga  magsasaka at siyentista.”

Dagdag nito, ”Sa MASIPAG pinagtitibay natin ang tuwangan ng mga magsasaka at siyentista upang isulong ang agham na mula at para sa mga magsasaka. Patuloy nating pinalalapad ang espasyo para sa mga insiyatibang pinangungunahan ng mga mgasasaka na sinusuportahan ng mga kasama nating siyentista.”