SUHAY | Kababaihang Magsasaka ng Mindanao sa Pagkamit ng kaseguruhan sa pagkain

October 3, 2023

by MASIPAG National Office

Hindi na bago kay Ate Arlyn, kababaihang magsasaka ngMASIPAG Mindanao mula Surigao, ang banta ng pagbaha. Kagaya ng pagtama ng Bagyong Auring noong 2021 ay umapaw ang tubig mula sa kanilang kalapit na Tago River na umabot sa mga sakahan ng kanilang komunidad at sumira sa karamihan sa kanilang mga pananim.

Ang itinanim na mga palay ay inaasahan sana na dagdag kita at konsumo ng pamilya nila Ate Arlyn. Kaya minsan ay kinakailangan nilang makahanap ng ibang mapagkukunan ng kita kagaya ng pagiging laborer tuwing may ani ng kopra.

Mula pa 2008 ay nago-organic farming na si Ate Arlyn sa tulong ng non-governmental organization na Group of Advocates for Sustainable Agriculture (GASA). Maliban sa benepisyo ng mababang gastos sa pagtatanim dahil sa sa pag-iwas sa chemical inputs, natutunan din nito sa likas-kayang pagsasaka ang kahalagahan ng pag-iimbak at pagparami ng sariling mga binhi. Kaya naman masigasig ito sa pagtatag ng mga trial farms tuwing cropping season. “Sa trial farm mo kasi nakikita ang mga binhi na angkop sa inyong sakahan at may maganda ang ani,” paliwanag ni Ate Arlyn. Kadalasan ay nakakabahagi rin ang pamilya nila ng mga naitagong binhi sa iba pang mga magsasaka sa komunidad na nangangailangan.

Kaseguruhan sa pagkain para sa pamilya at komunidad

Bunga ng bayanihan ng PCB Surigao Del Sur at ang layuning matugunan ang kasegurohan at higit na pagpapayaman ng magsasakang binhi ay matagumpay nitong binuksan ang farmer-led seed center sa Marihatag, Surigao del Sur noong Mayo 9, 2023. Umaasa si Ate Arlyn na magsilbing inspirasyon ang seed center para sa patuloy na pagbabayanihan ng mga maliliit na magsasaka sa pagtuklas, pagparami, at pagpreserba ng mga locally-adapted varieties ng mga binhi sa gitna ng mabilis na pagbabago sa klima ng daigdig.

Basahin ang buong SUHAY dito: masipag.org/2023/08/the-official-masipag-news-letter-suhay-january-july-2023-issue-is-out-now/