Mga tagumpay sa 2023 PGS General Assembly

May 3, 2024

by MASIPAG National Office

Matagumpay na isinagawa ang asembliya ng PGS Pilipinas noong Agosto 22-23, 2023 sa Lipa City, Batangas. Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa member organizations na PGS Isabela, PGS Nueva Ecija, MASIPAG, Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM), Palawan Center for Appropriate Rural Technology, Inc (PCART), PGS Sugbo, PGS Davao, PEACE Pagadian PGS, Diocesan Sustainable Agriculture Cooperative (DSAC), People’s Action for a Liberative Agricultural Industry, Inc. (PALAI), at Good Food Community.

Primaryang layunin ng asembliya ay ang pagbalik sa Constitution and By-Laws (CBL) upang maisaayos ang mga batayang panuntunan na umiiral tungo sa pagpapalakas at pagkakaisa sa loob ng network. Gayundin, nailatag ang mga plano at gawain sa ilalim ng apat na komite na magtitiyak ng pagsulong ng makabuluhang organikong agrikultura at PGS sa mga lokalidad. Bilang kauna-unahan at nag-iisang PGS network sa bansa na naniniwala sa mas masaklaw na layunin ng OA at PGS, marapat lamang itong ibayong magpalakas at magpalawak bitbit ang mga kaisahan nito.

Naihalal sa nasabing asembliya ang bagong Board of Trustees na pinangungunahan ni Rodolfo Cortez ng MASIPAG Farmers Guarantee System bilang Chairperson, Bonifacio Javier ng PGS Sugbo bilang Vice-Chair, Charlie Razo ng PRRM bilang Secretary. Habang si Anita Morales ng PGS Davao ang nahalal na Treasurer, Fernando Nacpil ng PGS Nueva Ecija bilang Internal Auditor at sina Wecil Victorama ng PEACE Pagadian PGS at Sixto Bereber ng PGS Isabela bilang BOT members.

Matapos ang Asembliya ay sinundan ito ng BOT meeting noong Setyembre 15-16, 2023 sa UP Los Baños upang kinisin ang CBL at Development plan kung saan aangkla ang pagpaplanong gagawin ng mga komite sa Network Strengthening, Education and Capacity Building, Lobbying and Advocacy, at Resource Generation. Nagkaroon naman ng inisyal na paghahanda ang mga komite sa isinagawang online members meeting noong Nobyembre 15, 2023.