
Inihahandog ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG ang bidyong tungkol sa Croplife Integration na hango mula sa mayamang pagsasapraktika at buhos-lakas na pagsusulong ng likas-kayang pagsasaka ng mga magsasakang MASIPAG sa kanilang sakahan.
Magtatatlong taon na simula nang niligalig ng Covid-19 pandemic ang buong mundo at hanggang ngayon ay danas pa rin ang epekto nito sa maraming aspeto; sa kalusugan, kabuhayan, politikal maging sa sosyo-kultural. Ilan lang ang usaping kalusugan (kagutuman) at kabuhayan sa direkta at matingkad na problemang kinahaharap ng malawak na sambayanan na pinalala ng pandemya.
Ang pagtugon sa kaseguruhan sa pagkain gayundin sa kabuhayan ay mga bagay na binibigyang-diin at halaga ng mga magsasakang MASIPAG. Mahigpit na pinanghahawakan ng mga magsasaka ang kanilang sentral na papel sa paglikha ng sapat at ligtas na pagkain habang patuloy na dinidepensahan at pinauunlad ang ekosistema at laksang buhay.
Bilang bahagi ng pagtataguyod ng MASIPAG ng sustenableng produksyon, maigting nitong isinasapraktika ang organikong pagsasaka, kasabay ang integrasyon ng mga pananim at alagang hayop sa mga kasaping People’s Organization (PO). Batay sa karanasan ng mga magsasakang MASIPAG, epektibong pamamaraan ang mga ito upang maresiklo ang enerhiya sa sakahan; mapanatili ang taba ng lupa; at, mapangasiwaan ang mga mapanirang insekto sa taniman sa natural na pamamaraan. Liban dito ay napananatiling ligtas ang kalusugan ng tao, pagkain na kaniyang nililikha, at kalikasang kaniyang nararapat na ingatan.
Sa kabila ng maunlad na karanasan ng mga magsasakang MASIPAG, batid nito ang hamon sa promosyon ng likas-kayang pamamaraan lalo na sa hanay ng mga magsasakang natali sa kumbesyunal na pamamaraan ng pagsasaka kung saan malaki ang gastos sa produksyon, nagdudulot ng pagkakasakit ng mga magsasaka epekto ng labis na paggamit ng kemikal na input, at nalalason ang lupa, hangin at tubig at ang ekosistema sa pangkalahatan.
Isa ang Green Action Week (GAW) sa mga global na kampanyang nagtatampok ng mga likas-kayang praktika sa pag-konsumo at produksyon. Nakikiisa ang MASIPAG sa kampanyang ito at taun-taon, magmula ng 2013, ay naglulunsad ng mga aktibidad sa mga komunidad upang ¡pamandila ang mga pamamaraang maka-kalikasan at makatao; mga pamamaraang mula sa magsasaka para sa magsasaka.
Noong 2021, ang pakikiisa ng MASIPAG sa Green Action Week (GAW), ay may pagtutok sa pagpapaigting ng organikong produksyon para sa konsumo at sustenableng kabuhayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng agroekosistema kung saan malaki ang kontribusyon ng daybersipikasyon at integrasyon ng samu’t saring komponente ng sakahan kabilang ang poultry at ruminants.
Ang pagpapaigting ng daybersipikasyon ng pananim sa pamamagitan ng pagpapalakas sa praktika ng konserbasyon at pagpapalitan ng binhi ay ipinagpatuloy at pinalakas pa ng GAW 2021. Pinalawak at pinalalim pa ang proyekto sa pamamagitan ng integrasyon ng mga alagang hayop na siyang magsisilbing pundasyon upang mapaunlad pa ang praktika ng pagreresiklo ng enerhiya sa sakahan. Bilang bahagi ng patuloy na promosyon ng network sa sustenableng produksyon, inipon sa materyal na ito ang mga tagumpay at kasanayan ng mga magsasakang MASIPAG sa integrasyon ng mga pananim at alagang hayop bilang komponente ng likas-kayang pagsasaka.
Matuto’t magbahagi! Iba ang MASIPAG at may alam!